Institute
Lesson 3 Materyal ng Titser: Ang Ating Banal na Katangian at Tadhana


“Lesson 3 Materyal ng Titser: Ang Ating Banal na Katangian at Tadhana,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 3 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Lesson 3 Materyal ng Titser

Ang Ating Banal na Katangian at Tadhana

Tayo ay minamahal na mga anak ng mga magulang sa langit, na may banal na katangian at tadhana. Sa lesson na ito, tutuklasin ng mga estudyante kung paano makaiimpluwensya sa kanilang kaugnayan sa Diyos ang pagkaunawa nila sa kanilang banal na katangian at kung paano nila tinitingnan ang kanilang sarili at tinatrato ang iba. Tutukuyin din ng mga estudyante kung paano nila magagamit ang kaalaman tungkol sa kanilang banal na katangian at tadhana upang maimpluwensyahan ang mga pagpiling ginagawa nila.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Tayo ay literal na mga espiritung anak ng mga magulang sa langit.

Bilang bahagi ng debosyonal sa klase, isiping ipaawit ang himnong tulad ng “Aking Ama” (Mga Himno, blg. 182) o “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189).

Upang masimulan ang klase, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga parirala mula sa pambungad na himno na nagturo sa kanila tungkol sa Diyos at tungkol sa kanilang sarili at ibahagi ang natutuhan nila. O maaari mong ipakita sa mga estudyante ang larawan ng iyong mga magulang o ng ibang tao na positibong nakaimpluwensya sa iyo habang lumalaki ka. Magbahagi ng ilang pisikal na katangian o ugali na sa palagay mo ay namana mo mula sa kanila. Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng isang bagay na namana o natutuhan nila mula sa kanilang mga magulang o sa ibang tao.

Idispley sa pisara ang sumusunod na pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (ChurchofJesusChrist.org): “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian … na tulad ng sa Diyos.

  • Ano ang pinakamahalaga para sa inyo sa pahayag na ito, at bakit? (Maaari mong gamitin ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang pagkaunawa sa katotohanang ito.)

  • Ano pang tulong ang natanggap natin sa mga propeta upang malaman ang tungkol sa Diyos at sa kaugnayan natin sa Kanya? At ano ang itinuturo sa atin ng kaalamang iyan tungkol sa ating sarili? (Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para rebyuhin ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda bago nila ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong na ito.)

  • Paano makaiimpluwensya sa paraan ng pagsamba mo sa Diyos ang pagkaunawang ikaw ay anak ng Diyos?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Magtiwala sa paghahanda ng iyong mga estudyante. Maghanap ng mga paraan para mahikayat ang mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda bago ang klase. Pagkatapos ay gamitin ang kanilang paghahanda sa oras ng klase. Ang paggawa nito ay makahihikayat sa mga estudyante na maging mas responsable sa sarili nilang pag-aaral. Sa kursong ito, bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataon na ibahagi kung paano napalalalim ng materyal sa paghahanda ang kanilang pagkaunawa sa doktrina tungkol sa pamilya at kung paano napapaganda ang kanilang karanasan sa klase.

Depende sa laki ng iyong klase, hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo upang matalakay ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong (nagkaroon ang mga estudyante ng pagkakataon sa pag-aaral nila ng materyal sa paghahanda na isulat ang ilan sa kanilang mga naisip tungkol sa isa o mahigit pa sa mga tanong na ito):

  • Paano makaaapekto ang pagkaunawa natin sa ating banal na katangian sa pananaw natin sa ating sarili at sa pagtrato natin sa iba? Kailan ka nagkaroon ng karanasan kung saan hindi mo pinansin ang nakasasakit na ginawa o asal ng isang tao at nakita ang kanilang banal na katangian?

  • Ano ang ilang halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas na nagpapakita na naunawaan Niya ang banal na katangian ng iba? Paano mo Siya mas matutularan sa paraan ng pagtrato mo sa iba?

Magkakasamang rebyuhin o ipakuwento sa isang estudyante ang karanasan ni Moises sa pakikipag-usap sa Diyos at pagkatapos ay kay Satanas na nakatala sa Moises 1:4–6, 12–16 (tingnan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda).

  • Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Moises? (Bukod sa iba pang mga katotohanan, maaaring matukoy ng mga estudyante ang sumusunod: Ang pagkaunawa sa ating banal na katangian ay makapagbibigay ng lakas at magpoprotekta sa atin laban sa kaaway.)

  • Sa inyong palagay, bakit ang pagkaunawa sa ating banal na katangian ay makapagbibigay sa atin ng lakas laban sa kaaway?

  • Paano ninyo matutulungan ang inyong sarili na maalala kung sino kayo kapag tinatangka ni Satanas na kumbinsihin kayo sa ibang paraan? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tingnan ang ikinuwento ni Elder Brian K. Taylor na binanggit sa bahaging “Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?” ng materyal sa paghahanda para sa isang halimbawa.)

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

Samakatwid, ang una kong rekomendasyon ay alamin sa inyong sarili kung sino kayo talaga. Itanong sa inyong Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo kung ano ang nadarama Niya para sa inyo at sa inyong misyon dito sa lupa. Kung kayo ay magtatanong nang may tunay na layunin, sa paglipas ng panahon ay ibubulong sa inyo ng Espiritu ang katotohanang magpapabago sa inyong buhay. Itala ang mga impresyong iyon, rebyuhin iyon nang madalas, at sundin nang husto. (“Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 49)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na tahimik na pag-isipan at pagnilayan kung ano ang nais ng Panginoon na gawin nila upang mas maunawaan ang banal na katangian ng iba. Maaari mo silang hikayatin na personal na manalangin tulad ng iminungkahi ni Pangulong Nelson at isulat, ngayon at sa darating pang mga araw, ang anumang impresyong matatanggap nila.

Bawat isa sa atin ay may banal na tadhana.

Idagdag ang sumusunod na parirala sa pahayag mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak na nakadispley sa pisara: “at tadhana.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Roma 8:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ni Apostol Pablo tungkol sa banal na tadhana.

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng talatang ito tungkol sa nais ng iyong Ama sa Langit at ng Tagapagligtas para sa inyo? (Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng maging “mga kasamang tagapagmana ni Cristo.” Tingnan ang bahagi 3 ng materyal sa paghahanda para sa paliwanag.)

Maaari mong hilingin sa isang estudyante bago magklase na maghandang ibuod at ibahagi ang kanyang nadama tungkol sa pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong, at hikayatin silang isulat ang anumang impresyong matatanggap nila:

  • Paano mababago ang mga pagpiling ginagawa mo ngayon dahil alam mo ang iyong banal na katangian at tadhana?

  • Paano binago ng pahayag ni Pangulong Uchtdorf ang pagkaunawa mo sa iyong mga hakbang na pagewang-gewang na katulad ng sa isang toddler? Paano mo maaanyayahan ang Panginoon na tulungan kang patuloy na sumulong?

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip o patotoo tungkol sa natutuhan nila sa lesson na ito.

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng kaibhang nagawa sa iyong buhay ng kaalaman mo sa iyong banal na katangian at tadhana. Hikayatin ang mga estudyante na humanap ng mga paraan upang maalala nila kung sino talaga sila at ang kanilang kapwa at tingnan ang kanilang sarili at ang iba nang naaayon dito.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nabibilang ang pamilya sa plano ng Ama sa Langit. Habang pinag-aaralan nila ang dakilang plano ng Diyos para sa mga pamilya, hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung gaano kahalaga ang kanilang pamilya sa sarili nilang mga plano para sa kanilang buhay.

Print