“Lesson 5 Materyal ng Titser: Ang Ating Karanasan sa Mortalidad at ang Kaloob na Pisikal na Katawan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 5 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya
Lesson 5 Materyal ng Titser
Ang Ating Karanasan sa Mortalidad at ang Kaloob na Pisikal na Katawan
Sa premortal na daigdig, “tinanggap [natin] ang plano [ng Ama sa Langit] na naglaan sa Kanyang mga anak na magkaroon ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad tungo sa kaganapan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Sa lesson na ito, aanyayahan ang mga estudyante na ipaliwanag ang layunin ng ating mortal na buhay at kung paano tayo tinutulungan ng ating pisikal na katawan na umunlad upang maging katulad ng Diyos. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung ano ang magagawa nila upang mapatatag ang ugnayan nila sa kanilang sariling pamilya sa pamamagitan ng pagdaig sa likas na tao at pagiging higit na katulad ni Jesucristo.
Paalala: Sa bawat lesson na natalakay na, inanyayahan ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, sa lesson 4, pinag-isipan ng mga estudyante kung paano nila magagawang mas sentro ng kanilang buhay ang kanilang pamilya. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga impresyong itinala nila at pagnilayan ang kanilang mga pagsisikap na kumilos ayon sa nadama nila. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na gustong magbahagi ng naranasan nila sa kanilang pagsisikap na ipamuhay nang mas mabuti ang turong ito. Maaari kang mag-follow-up muli sa mga susunod na lesson kapag nainspirasyunan ka.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang ating mga pisikal na katawan at karanasan sa mortalidad ay kinakailangan upang matamo natin ang buhay na walang hanggan.
Idispley ang sumusunod na sitwasyon (maaari mo itong iakma kung kinakailangan upang lalo pang umugnay ito sa iyong mga estudyante).
Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kapartner o sa maliit na grupo kung paano nila sasagutin ang tanong ni Dmitry. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano masusuportahan ng mga katotohanan tungkol sa ating pisikal na katawan at layunin ng ating mortal na buhay na itinuro sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda ang kanilang sagot. Pagkatapos ng sapat na oras, tumawag ng ilang estudyante upang magbahagi ng kanilang sagot. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang ating pisikal na katawan at ang mga kalagayan ng mortalidad ay naghahanda sa atin na maging katulad ng Diyos.
-
Paano tayo inihahanda ng pagkakaroon ng pisikal na katawan at pagdanas ng mga kalagayan ng mortalidad na maging katulad ng Diyos? (Maaari mong iparebyu sa mga estudyante ang mga pahayag nina Elder D. Todd Christofferson at Elder David A. Bednar sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Habang nagbabahagi ang mga estudyante ng mga ideya, magbigay ng mga follow-up na tanong upang matulungan silang mapalalim ang kanilang pagkaunawa.)
Sa pamamagitan ni Jesucristo madaraig natin ang likas na tao.
Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Ang Likas na Tao. Ipabasa nang malakas sa dalawang estudyante ang Alma 41:11 at ang 1 Corinto 2:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang mga salita o parirala na naglalarawan sa likas na tao. Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Iparebyu sa mga estudyante ang pahayag ni Elder Bednar sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda para makahanap ng mga karagdagang katangian na idaragdag sa listahan na nasa pisara.
-
Pumili ng isa sa mga katangian ng likas na tao na nakalista sa pisara. Paano nakaaapekto ang katangiang iyon sa pakikipagdeyt o sa ugnayan ng pamilya?
Isulat sa pisara ang pariralang ito: Ang Lalaki o Babae na Nabago ni Jesucristo. Ipabasa sa mga estudyante ang Mosias 3:19 at alamin kung paano natin madaraig ang likas na tao.
-
Paano tayo matutulungan ng Banal na Espiritu at ng Tagapagligtas na madaig ang likas na tao? (Maaaring makapagbahagi ang mga estudyante ng tulad sa sumusunod na alituntunin: Kapag binigyang-daan natin ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, tutulungan tayo ni Jesucristo na madaig o mahubad ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Maaari mo ring gamitin ang mga pahayag nina Elder Bednar at Bishop Gérald Caussé sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito.)
Maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagkaunawa:
-
Paano makatutulong ang alituntuning ito sa isang tao na maaaring nakadarama na parang hindi niya kayang mabago o makontrol ang mga pagnanasa at silakbo ng damdamin ng likas na tao?
-
Ano ang ilang bagay na nauunawaan ng Tagapagligtas tungkol sa mga hamon ng pisikal na katawan?
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas mula sa kung paano Niya kayo tinulungang “hubarin” o madaig ang likas na tao at maging higit na katulad Niya? Paano kayo tinulungan ng Banal na Espiritu sa mga pagsisikap na ito?
Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga katotohanang natutuhan nila sa lesson na ito, magdispley ng mga tanong na tulad ng mga sumusunod at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga naisip at impresyon. (Maaaring naisin ng ilang estudyante na magdagdag sa kanilang mga sagot mula sa aktibidad na “Isulat ang Iyong mga Naisip” sa katapusan ng bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)
-
Alin sa mga katangiang tulad ng kay Cristo na inilarawan sa Mosias 3:19 ang kailangan kong mas pagbutihin pa?
-
Ano ang gagawin ko para mas lubos na makaasa sa Tagapagligtas at sa impluwensya ng Banal na Espiritu upang matulungan ako na madaig o mahubad ang likas na tao at magkaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo?
-
Ano ang maaaring maging epekto ng pagbabagong ito sa mga pakikipag-ugnayan ko sa aking pamilya?
Hikayatin ang mga estudyante sa kanilang mga pagsisikap na madaig ang kanilang mga kahinaan at maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Maaari kang magpatotoo na bibiyayaan sila ng Panginoon ng lakas upang mataglay nila ang Kanyang mga katangian at mapatatag ang ugnayan nila sa kanilang pamilya.
Para sa Susunod
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang nalalaman nila tungkol sa kahalagahan ng doktrina tungkol sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae sa plano ng Diyos. Hikayatin ang mga estudyante na habang pinag-aaralan nila ang lesson 6 na sikaping palalimin ang pagkaunawa nila sa doktrinang ito at kung ano ang kahalagahan nito sa kanila bilang mga disipulo ni Jesucristo.