Institute
Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagsisikap na Maunawaan ang Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian at Mahalin ang Ating mga Kapatid na LGBT


“Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagsisikap na Maunawaan ang Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian at Mahalin ang Ating mga Kapatid na LGBT,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

isang grupo ng mga young adult na naglalakad sa dalampasigan

Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagsisikap na Maunawaan ang Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian at Mahalin ang Ating mga Kapatid na LGBT

Tayong lahat ay minamahal na mga anak ng mga magulang sa langit. Tayo rin ay mga indibiduwal na may natatanging mga talento, kakayahan, at karanasan. Ang ilan sa mga anak ng Diyos ay naaakit sa kaparehong kasarian o tinatawag na lesbiana, gay [bakla], bisexual, o transgender, na pinaikli sa tawag na LGBT. (Ang paksang transgender ay tinalakay sa lesson 7.) Paano ka tumutugon sa iba na naaakit sa kaparehong kasarian o tinatawag na LGBT? Kung naaakit ka sa kapareho mo ng kasarian, ano ang naging karanasan mo sa pamilya, mga kaibigan, at miyembro ng Simbahan? Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, isipin kung ano ang magagawa mo para maging higit na katulad ng Tagapagligtas at pakitunguhan ang lahat ng anak ng Ama sa Langit nang may pagmamahal, pagtanggap, at paggalang.

Bahagi 1

Paano ako matutulungan ng Tagapagligtas para maipakita ko ang aking pagmamahal at paggalang sa mga taong naaakit sa kaparehong kasarian?

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na “pag-ibig ang pinakadiwa ng ebanghelyo, at si Jesucristo ang ating Huwaran” (“Pag-ibig—ang Pinakadiwa ng Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2014, 91). Sa nalalapit na pagtatapos ng Kanyang mortal na ministeryo, binigyang-diin ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng tunay na pagmamahal sa lahat sa pamamagitan ng pagbibigay sa Kanyang mga disipulo ng “isang bagong utos.”

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Juan 13:34–35, at pagnilayan kung paano ka magagabayan ng kautusang ito bilang disipulo ni Jesucristo.

Tulad ng iba pang mga miyembro ng Simbahan, ang mga nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian ay may mga kaibigan at pamilya, pag-asa at pangarap, at kalakasan at kahinaan, at sinisikap nilang harapin ang mga hamon ng buhay hangga’t kaya nila. Ang nakalulungkot, nadarama ng ilang nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian o ng tinatawag na LGBT na wala silang puwang sa Simbahan ng Panginoon. Sa halip na madama na minamahal at sinusuportahan sila, marami ang nakadarama na hindi sila tanggap, nag-iisa, nalilito, at natatakot.

isang young adult na malungkot na nakatanaw sa bintana

Habang naglilingkod bilang tagapayo sa Young Women General Presidency, itinuro ni Sister Carol F. McConkie:

Sister Carol F. McConkie

Hindi maaaring basta na lang tayo maging isang disipulo ni Cristo o tawagin ang ating sarili na isang disipulo ni Cristo kung hindi natin tinutulungan ang iba sa landas na iyon [ng tipan]. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpapahalaga sa mga tao. Mga tao ang hindi nagpapahalaga sa kanilang kapwa. …

Kung itatayo natin ang kaharian ng Diyos sa lupa, kailangan natin ang lahat na pumarito, lumapit at gawin ang kanilang bahagi. (“Lifting Others” [2:49], ChurchofJesusChrist.org)

pinanatag ni Jesus sina Maria at Marta

Isipin sandali ang buhay ng Tagapagligtas. Kailan Siya nagpakita ng pagmamahal sa mga tao na nahihirapang makadama na tanggap sila? Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang paggawa ng mga sumusunod na mungkahi para mas matularan mo ang halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas kapag nakikipag-usap at nakikisalamuha sa mga taong nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian:

  1. Magsalita at kumilos nang may tunay na pagmamalasakit, pag-aalala, at pagkahabag. Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bilang isang simbahan, walang dapat maging mas mapagmahal at mahabagin. … Tayo dapat ang manguna sa pagpapakita ng pagmamahal, pagkahabag at pagtulong.” (“Let Us Be at the Forefront” [0:59], ChurchofJesusChrist.org; panoorin ang video para may matutuhan pa.)

  2. Umunawa sa pamamagitan ng pakikinig nang walang panghuhusga. Ibinahagi ni Pangulong Jean B. Bingham ng Relief Society General Presidency, “Ang isa sa mga pinakamagandang paraan para makabuo ng mabuting ugnayan ay hindi nagsisimula sa mga palagay o opinyon kundi sa pananatiling bukas ng isipan at puso.” (Para may matutuhan pa, panoorin ang “Focus on the One” [2:32], ChurchofJesusChrist.org.)

  3. Kilalanin na totoong nangyayari ang pagkaakit at pagkakaroon ng damdamin sa kaparehong kasarian. Ipinayo ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang isang bagay na palaging mahalaga ay kilalanin ang nadarama ng isang tao, na ang mga ito ay totoo. Ang mga ito ay tunay. Na hindi natin ipagkakaila na may isang tao na nakadarama nang ganito.” (Para may matutuhan pa, panoorin ang “Feelings Are Real and Authentic” [0:47], ChurchofJesusChrist.org.)

  4. Magtuon sa walang hanggang identidad. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hindi lahat ng [label o titulo] ay pare-pareho ang halaga. Ngunit kung pinapalitan ng anumang titulo ang pinakamahahalagang bagay na tumutukoy sa inyo, maaari nito kayong pahinain. … Walang pantukoy na dapat makapag-alis, pumalit, o bigyan ng prayoridad kaysa sa tatlong nagtatagal na titulong ito: ‘anak ng Diyos,’ ‘anak ng tipan,’ at ‘disipulo ni Jesucristo’” (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], SimbahanniJesucristo.org).

  5. Igalang ang mga kautusan at mga tipan ng Diyos Ang mahalin ang ating kapwa tulad ng pagmamahal sa atin ng Tagapagligtas ay hindi nangangahulugan na sumasang-ayon, nag-eendorso, o naghihikayat tayo ng mga pag-uugali na salungat sa mga kautusan ng Diyos. Itinuro ni Jesucristo, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson na ang unang utos, na mahalin ang Diyos, ay may dahilan kaya ito nauna: “Ang pag-una sa unang utos ay hindi nakababawas o naglilimita sa kakayahan nating sundin ang pangalawang utos [na mahalin ang ating kapwa]. Salungat diyan, pinag-iibayo ito at pinalalakas ito. … Ang pagmamahal natin sa Diyos ay nagpapaibayo ng ating kakayahang mahalin ang iba nang mas lubusan at perpekto dahil tayo ay mahalagang katuwang ng Diyos sa pangangalaga ng Kanyang mga anak” (“The First Commandment First” [Brigham Young University devotional, Mar. 22, 2022], 2, speeches.byu.edu).

Nagpapakita tayo ng pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa kapag malinaw nating ipinahahayag ang Kanyang doktrina at mga kautusan sa maingat na paraan. Tulad ng nakasaad sa Same-Sex Attraction resources na inilathala ng Simbahan:

Walang pagbabago sa pananaw ng Simbahan kung ano ang tamang moralidad. Ngunit ang nagbabago—at ang kailangang baguhin—ay pagtulong sa mga miyembro ng Simbahan na maging sensitibo at maingat sa pagtugon kapag mayroon sa sarili nilang pamilya, sa mga miyembro ng Simbahan, o saanman, na naaakit sa kaparehong kasarian. (Sa Same-Sex Attraction: Church Leaders, “Communicate Doctrine with Love,” ChurchofJesusChrist.org)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Mag-ukol ng ilang minuto na pagnilayan ang iyong saloobin at ikinikilos sa mga taong naaakit sa kaparehong kasarian o tinatawag na LGBT. Masasabi mo ba na ang iyong saloobin, salita, at ginagawa ay naaayon sa utos ng Panginoon na “kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa”? (Juan 13:34). Kung naaakit ka sa kaparehong kasarian, isipin kung paano mo maipapakita ang iyong pagmamahal sa mga taong kulang sa pagkaunawa at pagkahabag sa iyong nararanasan.

Bahagi 2

Ano ang ilang bagay na dapat kong malaman tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian?

Ang mga katagang tulad ng bakla (kung minsan ay karaniwang ginagamit upang tukuyin ang isang taong naaakit sa kapareho nila ng kasarian, at kung hindi ay partikular na ginagamit para tukuyin ang isang lalaking naaakit sa mga lalaki), lesbiana o tomboy (isang babaeng naaakit sa mga babae), o bisexual (isang lalaki o babae na naaakit sa mga lalaki at babae) ay maaaring gamitin para maipahiwatig ang damdamin, identidad, o uri ng pamumuhay. Tandaan na kahit ano pang salita o kataga ang gamitin ng isang tao para tukuyin ang kanyang seksuwal na damdamin o oryentasyon, ang ating pinakamahalagang identidad ay bilang “minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org).

isang babaeng nakangiti

Ang pagtataglay ng ating seksuwalidad ay kumplikado at naiimpluwensyahan ng maraming bagay. Ang pagkaakit sa kaparehong kasarian ay maaaring mag-iba-iba ng intensidad, maaaring magbago sa paglipas ng panahon, at hindi magkakapareho para sa lahat. Ang Simbahan ay walang opisyal na pananaw kung ano ang mga sanhi ng pagkaakit sa kaparehong kasarian. (Tingnan sa “Same-Sex Attraction: Individuals,” ChurchofJesusChrist.org.)

Dahil sa matinding pagmamahal sa Kanyang mga anak, binigyan tayo ng Ama sa Langit ng batas ng kalinisang-puri at iniutos na ang seksuwal na relasyon ay nararapat “lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Pinoprotektahan ng batas na ito ang mga sagradong layunin ng seksuwalidad sa plano ng Diyos at iniuutos sa lahat ng anak ng Diyos. Inorden ng Ama sa Langit ang seksuwal na relasyon sa mag-asawang ikinasal sa tipan “para sa paglikha ng mga anak at para maipahayag ang pag-ibig” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Kalinisang-puri,” SimbahanniJesucristo.org).

Bilang tugon sa pamimilit ng lipunan na baguhin ang mga turo hinggil sa batas ng kalinisang-puri, ipinahayag ni Elder D. Todd Christofferson:

Elder D. Todd Christofferson

Ang batas ng kalinisang-puri ay ipinamuhay na mula pa sa simula. … Ang ating doktrina—hindi lamang paniniwala, kundi doktrina—na ang seksuwal na relasyon ay angkop at naaayon sa paningin ng Panginoon sa pagitan ng lalaki at babae na ikinasal nang legal at ayon sa batas ay hindi nagbabago at hindi magbabago kailanman. (Sa Sarah Jane Weaver, “Church’s Doctrine on Chastity Will Never Change, Says Elder Christofferson,” Church News, Peb. 5, 2015, ChurchofJesusChrist.org)

Mahalagang matukoy ang pagkakaiba ng damdamin at kilos. Ang pagkaakit sa kaparehong kasarian o pagiging bakla, lesbiana, o bisexual ay hindi ginagawang makasalanan, masama, o kalunus-lunos ang isang tao; gayunman, ang pagpapatangay sa mga damdaming ito sa pamamagitan ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri ay paglabag sa mga kautusan ng Ama sa Langit.

mga young adult na nag-uusap habang nanananghalian

Tungkol sa pananaw ng Simbahan sa pagkaakit sa kaparehong kasarian, itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong M. Russell Ballard

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala na “ang pagkaakit sa kapwa lalaki o kapwa babae ay mahirap na realidad para sa karamihan. Ang mismong pagkaakit ay hindi kasalanan, ngunit ang pagkilos ayon dito ay kasalanan. Bagama’t hindi ginusto ng mga tao na magkaroon ng gayong pagkaakit, sila naman ang nagpapasiya kung paano haharapin ito” [tingnan sa Same-Sex Attraction: Individuals, “Is Feeling Same-Sex Attraction a Sin?” section, ChurchofJesusChrist.org]. (“Kailangan Kayo ng Panginoon Ngayon!,” Liahona, Set. 2015, 29)

Ang awa ng Panginoon ay para sa sinumang lumabag sa batas ng kalinisang-puri. Kung pipiliin nilang lumapit sa Kanya at magsisi, patatawarin Niya sila.

Kung tinutupad ng mga miyembro ng Simbahan na naaakit sa kaparehong kasarian o tinatawag na LGBT ang kanilang mga tipan, maaari silang lubos na makibahagi sa Simbahan, magkaroon ng mga tungkulin, at sumamba sa templo (tingnan sa D. Todd Christofferson, “LGBT People Who Live God’s Laws Can Fully Participate in the Church” [0:48], ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 97:8).

Kung naaakit ka sa kaparehong kasarian, isipin kung paano makatutulong sa iyong buhay ang resource na binanggit sa bahaging “Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?”. Gayundin, kung nais mo, maaari mong ibahagi ang iyong karanasan sa isang mapagkakatiwalaang kapamilya, kaibigan, o lider ng Simbahan. Mag-ingat sa itatawag mo sa iyong sarili na makakahadlang sa pagkamit mo ng iyong mga walang hanggang mithiin.

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano ka mapagpapala dahil nauunawaan mong mabuti ang itinuturo ng mga lider ng Simbahan tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian?

Bahagi 3

Paano ko uunawain ang lahat ng magkakaibang opinyon tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian?

Sa panahong ito, maraming magkakaibang pananaw tungkol sa kasal, pamilya, pagkaakit sa kaparehong kasarian, at mga paksa tungkol sa LGBT. Kapag nalaman natin ang tungkol sa mga paksang ito, mahalagang hangaring mas maunawaan ang walang hanggang pananaw ng Ama sa Langit.

Itinuro ni Pangulong Bingham ang sumusunod:

Pangulong Jean B. Bingham

Ang pananaw na naglilinaw sa lahat ng bagay ay isang walang hanggang pananaw: ang perpekto, at sumasaklaw sa lahat na pananaw ng ating Ama sa Langit. …

Mula sa Kanyang mataas na kinaroroonan, nakikita tayo ng Diyos at ang lahat ng bagay sa ating paligid “kung ano talaga ang mga ito at … kung ano talaga ang magiging ito” [Jacob 4:13]. Ang Kanyang pananaw ay walang hanggan at hindi limitado sa buhay na ito, na nagtutulot sa Kanya na makita ang ating banal na potensyal sa halip na ang ating kasalukuyan o nakaraang kalagayan. At tinitingnan Niya ang lahat ng Kanyang mga nilikha nang may pagmamahal. (“How to Be Happy Now—and Forever” [Brigham Young University devotional, Dis. 10, 2019], 2, speeches.byu.edu)

Habang binabasa mo ang mga sumusunod na katotohanan at suportang pahayag ng mga propeta at apostol, isipin kung paano ka matutulungan ng mga ito na magkaroon ng walang hanggang pananaw tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian.

  1. Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak (tingnan sa 1 Nephi 11:17; 1 Juan 4:9–10, 16).

    Itinuro ni Pangulong Monson:

    Pangulong Thomas S. Monson

    Mahal kayo ng inyong Ama sa Langit—bawat isa sa inyo. Ang pagmamahal na iyan ay hindi nagbabago. … Nariyan ito para sa inyo kapag malungkot kayo o masaya, nawawalan ng pag-asa o umaasa. Ang pag-ibig ng Diyos ay nariyan para sa inyo marapat man kayong mahalin o hindi. (“Hindi Tayo Kailanman Nag-iisa,” Liahona, Nob. 2013, 123–24)

  2. Lubos na nauunawaan ng Tagapagligtas ang ating mga karanasan at nalalaman kung paano tutulungan at palalakasin ang bawat isa sa atin (tingnan sa Alma 7:11–12).

    Sinabi ni Pangulong Oaks:

    Pangulong Dallin H. Oaks

    Dinanas at pinagdusahan ng ating Tagapagligtas ang kabuuan ng lahat ng pagsubok sa buhay. … Alam Niya kung gayon ang ating mga paghihirap, dalamhati, tukso, at pagdurusa, sapagkat kusang-loob Niyang dinanas ang lahat ng ito bilang mahalagang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. At dahil dito, binigyang-kapangyarihan Siya ng Kanyang Pagbabayad-sala na tulungan tayo—na bigyan tayo ng lakas na tiisin ang lahat. (“Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2015, 61–62)

  3. Lahat tayo ay may puwang sa Simbahan ng Tagapagligtas at sa walang hanggang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit (tingnan sa Mga Awit 84:11–12; 1 Corinto 12:12–26; Mosias 2:41).

    Ipinaliwanag ni Pangulong Ballard:

    Pangulong M. Russell Ballard

    Gusto kong malaman ng sinumang miyembro ng Simbahan na bakla o tomboy na naniniwala ako na mayroon kayong lugar sa kaharian at nauunawaan ko na kung minsan ay maaaring mahirap para sa inyo na makita kung saan kayo naaakma sa Simbahan ng Panginoon, at sinasabi kong naaakma kayo rito. (“Questions and Answers” [Brigham Young University devotional, Nob. 14, 2017], 3, speeches.byu.edu)

    Iniisip din ng ilang nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian kung paano sila naaakma sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit pagkatapos ng buhay na ito. Tiniyak sa atin ng mga propeta na pagpapalain ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang lahat ng bumabaling at mananatiling tapat sa Kanya. Ipinayo ni Elder Ulisses Soares:

    Elder Ulisses Soares

    Ang katulad na mga alituntunin ay magagamit din ninyo na nakararanas ng pagkaakit sa katulad na kasarian at pinanghihinaan ng loob at wala nang magawa. At marahil sa dahilang ito, ang ilan sa inyo ay nakadarama na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi na para sa inyo. Kung ito ang inyong kalagayan, gusto kong tiyakin sa inyo na palaging mayroong pag-asa sa Diyos Ama at sa Kanyang plano ng kaligayahan, kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at sa pamumuhay ng Kanilang mapagmahal na mga kautusan. Sa Kanyang perpektong karunungan, kapangyarihan, katarungan, at awa, maaari tayong tatakan ng Panginoon bilang Kanya, nang tayo ay madala sa Kanyang piling at magkaroon ng walang-hanggang kaligtasan, kung tayo ay matatag at di-natitinag sa pagsunod sa mga kautusan [tingnan sa Alma 1:25] at palaging nananagana sa mabubuting gawa [tingnan sa Mosias 5:15]. (“Pasanin ang Ating Krus,” Liahona, Nob. 2019, 114)

  4. Kapag nagtuon tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at tinutupad natin ang ating mga tipan sa Kanila, mapapalakas tayo ng pag-asa (tingnan sa 2 Nephi 31:20).

    Pinatototohanan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na nasa Unang Panguluhan noon:

    Pangulong Dieter F. Uchtdorf

    Umaasa tayo kay Jesus, ang Cristo, sa kabutihan ng Diyos, sa mga pagpapakita ng Banal na Espiritu, sa kaalaman na ang mga dalangin ay dinidinig at sinasagot. … Ang ganitong uri ng pag-asa … [ay] muling nagbibigay sa atin ng lakas ng loob sa mahihirap na hamon at nagpapalakas sa mga nakadarama ng pangamba dahil sa takot, pag-aalinlangan, at kalungkutan. (“Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Liahona, Nob. 2008, 23)

Christ’s Image [Larawan ni Cristo], ni Heinrich Hofmann
icon, talakayin

Talakayin upang Makapaghanda para sa Klase

Kasama ang isang kapamilya o pinagkakatiwalaang kaibigan, talakayin ang natutuhan at nadama mo habang binabasa mo ang materyal na ito. Pumasok sa klase na handang magbahagi ng anumang ideyang natamo mo mula sa inyong talakayan.