“Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagsisisi at Pagpapatawad sa Pamilya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya
Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagsisisi at Pagpapatawad sa Pamilya
“Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin” ng ebanghelyo ni Jesucristo (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org). Ang dalawa sa mga alituntuning ito ay ang pagsisisi at pagpapatawad. Ano ang ginagampanan ng mga alituntuning ito sa iyong pamilya? Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, isipin kung paano ka matutulungan ni Jesucristo sa iyong mga pagsisikap na pagsisihan ang mga pagkakamali o pagkakasala na maaaring nagawa mo sa mga miyembro ng iyong pamilya. Isipin din kung paano ka matutulungan ng Tagapagligtas na patawarin ang mga miyembro ng pamilya na maaaring nakasakit sa iyo.
Bahagi 1
Paano mapagpapala ng aking pagsisisi ang aking pamilya?
Habang naglilingkod sa Primary General Presidency, itinuro ni Sister Cheryl A. Esplin:
Ang mga pamilya ang workshop ng Panginoon sa lupa upang tulungan tayong matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo. (“Punuin ang Ating mga Tahanan ng Liwanag at Katotohanan,” Liahona, Mayo 2015, 8)
Bagama’t nagsisikap tayong matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa ating tahanan, may mga pagkakataon na nagkakamali tayo. Bagama’t nangyayari ang hindi pagkakasundo at mga pagkakamali sa lahat ng pamilya, hindi ibig sabihin nito na puwede nang tratuhin ang mga kapamilya sa paraang hindi ayon kay Cristo. Sa halip, ang ating mga pagkakamali ay nagbibigay sa atin ng mga pagkakataong ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo na pagsisisi at pagpapatawad sa ating pamilya.
Ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng pagsisisi:
Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagbabago ng isip at puso—tumitigil tayo sa paggawa ng mali, at nagsisimulang gawin ang tama. Binabago nito ang ating saloobin sa Diyos, sa sarili, at sa buhay sa pangkalahatan. (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Liahona, Mayo 2007, 100)
Ang Tagapagligtas ay nagsalaysay ng isang talinghaga tungkol sa isang anak na kailangang magsisi dahil sa mga pagpiling nakapinsala sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya. Maagang kinuha ng anak na ito ang kanyang mana at nilustay ito sa walang kabuluhan. Naghirap at nagutom, nagsimula siyang magpakain ng mga baboy bilang trabaho at sa sobrang hikahos ay kinain niya pati ang pagkain ng mga baboy. (Tingnan sa Lucas 15:11–16.)
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo mapagpapala at ang ating mga kapamilya ng ating pagsisisi:
Hindi lamang tayo binabago ng pagsisisi, kundi pinagpapala rin nito ang ating pamilya at mga mahal natin sa buhay. Sa matwid nating pagsisisi, sa takdang panahon ng Panginoon, hindi lang tayo yayakapin ng nakaunat na mga bisig ng Tagapagligtas, kundi may epekto din ito sa buhay ng ating mga anak at inapo. Ang pagsisisi ay lagi nang nangangahulugang may higit na kaligayahang darating. (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Liahona, Nob. 2009, 42)
Habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, itinuro ni Elder L. Whitney Clayton kung paano mapagpapala ng regular na pagsusuri sa sarili at pagsisisi ang pagsasama ng mag-asawa. Isipin kung paano makatutulong ang mga gawaing ito sa lahat ng ugnayan mo sa iyong pamilya:
Natutuhan ko na ang masayang pamilya ay nakasalig sa kaloob na pagsisisi. Ito ay mahalagang bahagi ng bawat mabuting pagsasama ng mag-asawa. Ang asawa na regular at matapat na sinusuri ang sarili at kaagad ginagawa ang nararapat para magsisi at bumuti ay nagkakaroon ng masayang pamilya. (“Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto,” Liahona, Mayo 2013, 84)
Bahagi 2
Paano ko mapapatawad ang isang kapamilya na nagkasala sa akin?
Sa talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa alibughang anak, tumanggi ang panganay na anak na dumalo sa pagdiriwang na idinaos bilang pasasalamat sa pagbabalik ng kanyang nakababatang kapatid (tingnan sa Lucas 15:25–32). Tulad ng panganay na anak na ito, maaaring may mga pagkakataon na kailangan nating sundin ang mga sumusunod na payo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Hayaang magsisi ang mga tao. Hayaang umunlad ang mga tao. Maniwalang kayang magbago at magpakabuti ang mga tao. (“‘Remember Lot’s Wife’: Faith Is for the Future” [Brigham Young University devotional, Ene. 13, 2009], speeches.byu.edu)
Tulad ng maaaring may mga pagkakataon na kailangan mong humingi ng kapatawaran mula sa isang kapamilya, kung minsan ay maaaring kailanganin mong magpatawad sa isang kapamilya na nagkasala o nakasakit sa iyo.
Matapos banggitin ang bahagi ng scripture passage na ito, ipinaliwanag ni Elder Holland:
Mahalaga para sa sinuman sa inyo na tunay na nagdadalamhati na pansinin ang hindi sinabi [ng Panginoon]. Hindi Niya sinabing, “Hindi ka puwedeng makadama ng totoong sakit o kalungkutan sa masasakit na karanasan mo sa kamay ng iba.” Hindi rin Niya sinabing, “Para magpatawad nang lubusan kailangan mong magpatuloy sa di-kanais-nais na relasyon o bumalik sa mapang-abuso, at mapaminsalang kalagayan.” Ngunit kahit sa kabila ng pinakamabibigat na pagkakasalang maaaring mangyari sa atin, mapaglalabanan lamang natin ang sakit kapag tinahak natin ang landas tungo sa tunay na paggaling. Ang landas na iyan ay ang maging mapagpatawad na tulad ni Jesus ng Nazaret, na nananawagan sa bawat isa sa atin, “Sumunod ka sa akin” [Lucas 18:22]. (“Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 79)
Kung minsan ay maaari kang mag-atubili o hindi ka makapagpatawad. O maaaring madama mo na napakalayo na ng damdamin ninyo sa isa’t isa ng iyong kapamilya para magkasundo pa kayo. Isipin kung paano makatutulong sa pagsisikap mong magpatawad ang sumusunod na payo ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:
Kailangan nating maunawaan at tanggapin na may galit tayo. Kailangan ng pagpapakumbaba para magawa ito, ngunit kung luluhod tayo at hihingi sa Ama sa Langit ng kakayahang magpatawad, tutulungan Niya tayo. …
… Hindi madaling magparaya at alisin sa ating puso ang galit. Nag-alok ang Tagapagligtas ng mahalagang kapayapaan sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ngunit dumarating lamang ito kapag handa tayong iwaksi sa ating damdamin ang galit, pagkayamot, o paghihiganti. (“Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” Liahona, Mayo 2007, 69)
Binigyang-diin din ni Elder Massimo De Feo ng Pitumpu ang kahalagahan ng pagtutuon sa Tagapagligtas:
Mahal kong mga kapatid, kung nahihirapan kayong magpatawad, huwag isipin ang ginawa ng iba sa inyo, kundi isipin ang ginawa para sa inyo ng Tagapagligtas, at makadarama kayo ng kapayapaan sa nakatutubos na mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. (“Dalisay na Pag-ibig: Ang Tunay na Tanda ng Lahat ng Tunay na Disipulo ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2018, 82)
Ang pagpapatawad at paggaling ay maaaring mangailangan ng mahabang panahon. Maging matiyaga sa iyong sarili habang humihingi ka ng tulong sa Panginoon at ng Kanyang kaloob na paggaling.