“Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Paglutas sa Paggamit ng Pornograpiya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya
Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Paglutas sa Paggamit ng Pornograpiya
Ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit ang ating pisikal na katawan at seksuwal na damdamin bilang mga sagradong kaloob upang tulungan tayong maisakatuparan ang Kanyang plano para sa ating kaligayahan. Ang isang paraan ng panunukso sa atin ni Satanas upang gamitin nang mali ang mga kaloob na ito ay sa pamamagitan ng pag-aakit sa atin na tumingin sa pornograpiya, na “anumang paglalarawan, sa mga litrato o sulat, na naglalayong pukawin ang mga damdaming seksuwal sa maling paraan” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pornograpiya,” topics.ChurchofJesusChrist.org). Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pag-isipan kung paano ka mabibigyan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng lakas na mapaglabanan o mapagaling mula sa nakapipinsalang impluwensya ng pornograpiya.
Bahagi 1
Ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa paglaban sa pornograpiya?
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang tungkol sa tumitinding paglaganap ng pornograpiya:
Ang isang pangunahing dahilan kaya lumalaki ang problema sa pornograpiya ay na sa mundo ngayon, ang mga salita at imahe na may seksuwal na nilalaman at impluwensya ay nasa buong paligid: matatagpuan ito sa mga pelikula, palabas sa TV, social media, text message, phone apps, patalastas, aklat, musika, at araw-araw na pag-uusap. Dahil dito, hindi maiiwasan na lahat tayo ay malantad sa mahahalay na mensahe sa tuwina. (“Paghulagpos mula sa Bitag ng Pornograpiya,” Liahona, Okt. 2015, 32)
Ang paggawa at paggamit ng pornograpiya ay lumalabag sa kasagraduhan ng ating banal na katangian, ating pisikal na katawan, at ng ating seksuwalidad. Nakasaad kamakailan sa lathalain ng Simbahan, “Sinisira ng pornograpiya ang ating kaligayahan sa mga maling mensahe tungkol sa kasarian. Ang magandang pananaw sa seksuwalidad ay magpapadama sa atin ng kagalakan at kaugnayan, ngunit ang pornograpiya ay maglalayo sa atin sa iba at gagawing miserable ang ating buhay. Ang pornograpiya ay nagpapababa ng kahalagahan ng iba, nag-uudyok ng makasariling kasiyahan, at inilalarawan nang mali ang seksuwalidad. Pinipinsala tayo nito sa pisikal, sikolohikal, sosyal, at espirituwal” (“How Does Using Pornography Affect Me?,” ChurchofJesusChrist.org).
Habang ibinibigay ang Sermon sa Bundok, ipinaliwanag ng Tagapagligtas ang mas mataas na batas na inaasahan Niyang ipamumuhay ng Kanyang mga disipulo. Bilang babala laban sa kasalanang seksuwal, itinuro Niya, “Ang bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso” (Mateo 5:28; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 63:16).
Tinukoy ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang banal na kasulatang ito mula sa Mateo at itinuro kung paano ito maiaangkop sa paglaban sa pornograpiya:
Tiyak na walang “kautusan,” kung maaari nating gamitin ang salitang iyan, na mas tuwirang tumutukoy at kumukundena sa kasalanang dulot ng pornograpiya kaysa sa talatang iyan sa banal na kasulatan! Hindi natin maiwasang isipin kung si Cristo sa kalagitnaan ng panahon ay maaaring nakita ang gayong panganib na darating sa mga huling araw, katulad man o mas masama pa sa mapagnasa o mahalay na tinginan ng isang babae at isang lalaki sa isa’t isa noong mga nakalipas na siglo bago pa man naimbento ang mga retrato, pelikula, bago pa man magkaroon ng internet. (“The Plague of Pornography” [mensaheng ibinigay sa Utah Coalition against Pornography, Mar. 12, 2016], utahcoalition.org)
Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, alamin kung ano ang sinabi niya na unawain natin sa ating mga pagsisikap na paglabanan ang tukso ng pornograpiya:
Kapag nauunawaan natin ang ating likas na katangian at mga layunin sa mundo at na ang ating mga katawan ay pisikal na templo ng Diyos, matatanto natin na kalapastanganan na hayaang pumasok sa katawan ang anumang makapagpapasama dito. Talagang kalapastanganan ang dalhin sa ating utak ang mga alaalang marurumi o hindi karapat-dapat dahil tinulutan nating makita, mahawakan, o marinig ang mga bagay na iyon. Pahahalagahan natin ang ating kalinisang-puri at iiwasan ang “mga pitang hangal at nakasasama, na siyang naglulubog sa [atin] sa kapahamakan at kamatayan” [1 Timoteo 6:9]. “[Tatakas tayo] sa mga bagay na ito, at [susunod] sa katuwiran, sa kabanalan, sa pananampalataya, sa pagibig, sa pagtitiis, [at] kaamuan” [1 Timoteo 6:11]—mga katangiang nagpapabuti sa buong kaluluwa. (“Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan,” Liahona, Ago. 2019, 5–6)
Bahagi 2
Paano ko mapaglalabanan ang tuksong gumamit ng pornograpiya?
Lahat tayo ay nahaharap sa tukso habang nagsisikap tayong mamuhay nang matwid. Alalahanin na si Jesucristo ay “tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma’y [nanatiling] walang kasalanan” (Mga Hebreo 4:15). Nauunawaan Niya tayo at matutulungan Niya tayong mapaglabanan ang tukso.
Ipinayo ni Pangulong Oaks:
Gawin ang lahat ng makakaya ninyo para iwasan ang pornograpiya. …
Huwag na huwag patutukso. Iwasan ang kasalanan at maiiwasan ninyo ang nagbabantang kapahamakan. Kaya’t, itigil na ito! Huwag ninyong tingnan! Iwasan ito [anuman ang mangyari]. Ituon ang inyong isip sa magagandang landasin. (“Pornograpiya,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 90)
Ang ilang tao ay matalinong gumagamit ng mga filter o iba pang external resources para tulungan silang maiwasan ang pornograpiya. Itinuro ni Sister Linda S. Reeves, dating miyembro ng Relief Society General Presidency, ang tungkol sa ating pinakamatinding filter:
Ang mga filter ay mga tool na nakatutulong, ngunit ang pinakamatinding filter sa mundo, ang tangi at talagang magpoprotekta, ay ang sariling filter sa ating kalooban na nagmumula sa malalim at matibay na patotoo sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit at nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin. (“Proteksyon Laban sa Pornograpiya—Tahanang Nakatuon kay Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 16)
Bahagi 3
Paano ko matatanggap ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na magpagaling mula sa mga nakapipinsalang epekto ng pornograpiya?
Ang kalalakihan at kababaihan ay parehong nabibitag ng pornograpiya. Para sa maraming tao, ang paggamit ng pornograpiya ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay-kasiyahan sa pagnanasang seksuwal. Sa halip, gumagamit sila ng pornograpiya para matugunan ang pangangailangan na mas malalim at nasasaloob. Maaaring ginagamit nila ito na paraan upang makayanan ang stress, paghihirap, kalungkutan, pagkainis, pagod, pagkabalisa, depresyon, o pakiramdam na hindi sila mahalaga.
Kapag nabitag sa mapanirang paulit-ulit na paggamit ng pornograpiya, nagsisimulang mahiya o mawalan ng pag-asa ang ilang tao sa kakayahan nilang magbago at gumaling. Maaaring sa pakiramdam nila ay nabitag sila. Tinatangka ng ilang tao na itago ang kanilang mga kasalanan. Sa mga taong nasaktan dahil sa paggamit ng pornograpiya ng ibang tao, ang pakiramdam na kayo ay nalinlang, nakokonsensya, o nagagalit ay nakapanlulumo.
Mapanatag sa itinuro ni Sister Reeves tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon na magpagaling:
Kung kayo ay nahuli sa bitag ng pornograpiya ni Satanas, alalahanin na napakamaawain ng ating mahal na Tagapagligtas. Natatanto ba ninyo kung gaano kalaki ang pagmamahal at malasakit ng Panginoon sa inyo, maging sa ngayon? Ang ating Tagapagligtas ay may kapangyarihang linisin at pagalingin kayo. (“Proteksyon Laban sa Pornograpiya—Tahanang Nakatuon kay Cristo,” 15)
Tinukoy ang salaysay na ito, itinuro ni Pangulong Nelson:
Kinailangan nitong matapat at nakatuong babae na lumapit sa abot ng kanyang makakaya upang makahugot ng lakas sa Kanya. …
Kung huhugot kayo ng lakas sa Panginoon sa inyong buhay na kasingtindi ng isang taong nalulunod na nagpupumilit at nangangapos ang hininga, sasainyo ang lakas mula kay Jesucristo. Kapag alam ng Tagapagligtas na talagang gusto ninyong lumapit sa Kanya—kapag nadama Niya na pinakamimithi ng inyong puso na humugot ng lakas sa Kanya sa inyong buhay—gagabayan kayo ng Espiritu Santo na malaman kung ano mismo ang dapat ninyong gawin [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63].
Kapag nagsikap kayo na espirituwal na lumapit sa Kanya nang higit pa sa dati ninyong nagawa, dadaloy ang Kanyang lakas sa inyo. (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 41–42)
Kung nahirapan kang paglabanan ang paggamit ng pornograpiya o nasaktan ka dahil sa paggamit ng pornograpiya ng ibang tao, kakailanganin mo ng higit pa sa sarili mong kakayahang gumaling mula sa mga epekto nito. Kailangan mo ang tulong ng Panginoon.