“Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtatamo ng Kaligayahan sa Buhay may Pamilya sa pamamagitan ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya
Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagtatamo ng Kaligayahan sa Buhay may Pamilya sa pamamagitan ni Jesucristo
Pagnilayan sandali ang mga pagkakataon na nakadama ka ng kaligayahan at kapayapaan sa iyong buhay. Habang naglilingkod bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu, itinuro ni Elder Richard J. Maynes, “Ang kaligayahang nadarama natin sa buhay na ito ay tuwirang [nakaugnay sa] kung gaano [natin] [itinuon] ang ating buhay sa mga turo, halimbawa, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo” (“Ang Kagalakan sa Pamumuhay na Nakasentro kay Cristo,” Liahona, Nob. 2015, 28). Habang nag-aaral ka para makapaghanda sa klase, isipin kung paano makapagdudulot sa iyo ng higit na kaligayahan, kapayapaan, at katatagan ang pagsalig ng iyong personal na buhay at buhay may pamilya kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo, anuman ang iyong kalagayan.
Bahagi 1
Paano namin maitatayo ng aking pamilya ang isang espirituwal na pundasyon kay Jesucristo?
Kapag itinatayo ang isang gusali, pinagtutuunang mabuti ang pundasyon nito at ang uri ng lupa na pagtatayuan nito. Ang matibay na pundasyon ay magpapatatag sa gusali at magpoprotekta rito laban sa mga puwersa ng kalikasan at sa araw-araw na paggamit nito. Paano nauugnay ang konseptong ito sa iyo habang pinatatatag mo ang iyong personal na buhay at buhay may pamilya?
Itinuro ng propetang si Helaman sa kanyang mga anak ang tungkol sa pangangailangang itayo ang kanilang espirituwal na saligan o pundasyon kay Jesucristo.
Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, alamin kung paano natin maitatayo ang pundasyon ng ating personal na buhay at buhay may pamilya kay Jesucristo:
Mga ordenansa at tipan ang mga saligang batong ginagamit natin sa pagtatayo ng ating buhay sa pundasyon ni Cristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ligtas tayong nakaugnay sa Tagapagligtas kapag marapat nating tinanggap ang mga ordenansa at pumasok sa mga tipan, tapat nating inalala at iginalang ang mga sagradong pangakong iyon, at ginawa natin ang lahat para mamuhay alinsunod sa mga obligasyong tinanggap natin. At ang bigkis na iyon ang pinagmumulan ng espirituwal na lakas at katatagan sa lahat ng panahon ng ating buhay. (“Anupa’t Nabawasan ang Kanilang Pagkatakot,” Liahona, Mayo 2015, 48)
Habang naglilingkod sa Panguluhan ng Pitumpu, itinuro ni Elder Donald L. Hallstrom ang sumusunod tungkol sa pagtatayo ng pundasyon kay Jesucristo:
Lahat ng kasangkapang kailangan ninyo upang itayo, ayusin, o palakasin ang inyong pundasyon ay makukuha ninyo. … Kabilang dito ang palagian at taimtim na panalangin; araw-araw na pag-aaral ng ebanghelyo gamit ang mga banal na kasulatan; aktibong pakikibahagi sa mga pulong ng Simbahan, lalo na sa pagtanggap ng sakramento nang may tunay na layunin; patuloy na di-makasariling paglilingkod; at masigasig na pagtupad sa mga tipan.
Ang isa pang mahalagang kasangkapan ay ang payo ng mga buhay na propeta. (“Jesus Christ: Our Firm Foundation,” Ensign, Abr. 2016, 61)
Bahagi 2
Anong mga pagpapala ang makakamtan ko at ng aking pamilya kung pipiliin naming itayo ang aming pundasyon kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo?
Ipinahayag ng mga propeta sa mga huling araw, “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” simbahannijesucristo.org).
Kapag ang isang grupo ng mga tao, tulad ng pamilya, ay nagpasiyang isalig ang kanilang buhay sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo, makatatanggap sila ng malalaking pagpapala. Isang dahilan ito kung bakit ang konsepto ng Sion, mga taong “may isang puso at isang isipan, at [namumuhay] sa kabutihan” (Moises 7:18), ay napakaganda at napakabisa. Ang isang halimbawa ng ganitong uri ng mga tao ay matatagpuan sa Aklat ni Mormon. Matapos dalawin ng Tagapagligtas ang mga naninirahan sa Amerika, sama-samang nangako ang mga tao na ipamumuhay ang Kanyang mga turo.
Bahagi 3
Anong mga balakid ang maaaring makahadlang sa akin at sa aking pamilya sa pagtatayo ng pundasyon kay Jesucristo?
Tinalakay ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga paraan ng pagtatangka ng kaaway na hadlangan tayo na isalig ang ating buhay sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo:
Gagawin ni Satanas at ng kanyang mga kampon ang lahat ng kanilang makakaya upang hadlangan kayo sa pagtatamo ng mga ordenansang kinakailangan ng huwarang pamilya. Tatangkain niyang gambalain kayo para hindi ninyo maituon ang inyong puso at isipan sa pagpapalaki ng isang matatag na pamilya sa pamamagitan ng pag-aaruga sa inyong mga anak ayon sa iniuutos ng Panginoon.
… May makapangyarihang sandata si Satanas na magagamit laban sa mabubuting tao. Ito ay ang panggugulo sa isipan ng tao. Tutuksuhin niya ang mabubuting tao na punuin ang kanilang buhay ng “magagandang bagay” upang mawalan ng puwang ang mahahalagang bagay. (“First Things First,” Ensign, Mayo 2001, 7)
Isipin ang ilang “magagandang bagay” na nakita mong nakahadlang sa mga tao na magtuon sa kung ano ang mahalaga sa kanilang personal na buhay o buhay may pamilya.
Ang ilan sa atin ay maaaring may mga tradisyon o kaugalian sa pamilya na humahadlang sa atin na itayo nang matibay ang ating pundasyon kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:39). Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Para matulungan ang mga miyembro nito sa lahat ng panig ng mundo, itinuturo sa atin ng Simbahan na iwaksi ang anumang tradisyon o gawain natin o ng ating pamilya na salungat sa mga turo ng Simbahan ni Jesucristo at sa kultura ng ebanghelyong ito. (“Ang Kultura ng Ebanghelyo,” Liahona, Mar. 2012, 42)
Isipin ang iba pang mga balakid na maaaring pumipigil sa iyo o sa iyong pamilya na mas lubos na itayo ang inyong saligan sa Tagapagligtas.
Matapos talakayin ang mga ginagawa ng mga construction crew upang patibayin at i-renovate ang pundasyon at istruktura ng Salt Lake Temple, ipinayo ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:
Maaaring makita natin sa masusing pagsusuri sa ating sarili na maaaring makinabang din tayo at ang ating pamilya sa paggawa natin ng ilang kinakailangang espirituwal na paglilinis at renobasyon, maging ng isang seismic upgrade! Maaari nating simulan ang gayong proseso sa pagtatanong ng:
“Ano ba ang hitsura ng aking pundasyon?”
“Ano ang bumubuo sa makapal, matatag, at matibay na mga batong panulok na bahagi ng aking personal na pundasyon, kung saan nakasalig ang aking patotoo?”
“Ano ang mga pangunahing saligan ng aking espirituwal at emosyonal na pagkatao na magtutulot sa akin at sa aking pamilya na manatiling matatag at di-natitinag, at kayanin pa maging ang mga nakayayanig at marahas na pangyayaring tiyak na mangyayari sa aming buhay?” (“Isang Matibay na Pundasyon Laban sa Panahong Darating,” Liahona, Mayo 2020, 50)