Institute
Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Ating Karanasan sa Mortalidad at ang Kaloob na Pisikal na Katawan


“Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Ating Karanasan sa Mortalidad at ang Kaloob na Pisikal na Katawan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

isang babaeng naglalakad sa parang

Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Ating Karanasan sa Mortalidad at ang Kaloob na Pisikal na Katawan

Namangha ka na ba sa himala ng iyong pisikal na katawan at sa lahat ng magagawa nito? Sa kabilang banda, may mga pagkakataon ba na nalungkot ka sa mga hamon na nararanasan mo dahil sa iyong katawan? Sa iyong pag-aaral, isipin kung paano nauugnay ang ating pisikal na katawan sa layunin ng ating karanasan sa mortalidad sa plano ng kaligayahan ng Diyos.

Bahagi 1

Paano naging mahalaga ang aking pisikal na katawan sa aking walang hanggang pag-unlad?

Ang ating pisikal na katawan ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos (tingnan sa Genesis 1:26–27). Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, “Ang layunin ng buhay sa mundo at ng pag-unlad na maaaring sumunod dito ay para sa mga anak ng Diyos na maging katulad Niya” (“Ang Dakilang Plano,” Liahona, Mayo 2020, 94).

Kaya, ano ang kailangan nating maranasan sa mortal na buhay upang maging katulad ng Diyos? Dalawang mahalagang elemento ang binanggit sa sumusunod na pahayag mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak: “Sa buhay bago pa ang buhay sa mundo, … tinanggap [natin] ang plano [ng Diyos] na naglaan sa Kanyang mga anak na magkaroon ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad tungo sa kaganapan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org).

isang sanggol na nakangiti
2:46

God's Greatest Creation

As children of God, we are His greatest creation. "Anyone who studies the workings of the human body has surely seen God moving in His majesty and power." -Elder Russell M. Nelson

Sa isang paghahayag tungkol sa buhay bago ang buhay sa mundo, ipinakita kay Abraham ang Kapulungan sa Langit (tingnan sa Abraham 3:22–28). Noong panahong iyon nalaman niya ang isang mahalagang katotohanan tungkol sa ating mortal na buhay.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Abraham 3:24–26, at alamin kung ano ang nalaman ni Abraham tungkol sa isa sa mga layunin ng pagparito natin sa lupa at pagkakaroon ng pisikal na katawan. (Maaaring makatulong na malaman na ang ating “unang kalagayan” ay tumutukoy sa ating premortal na buhay, at ang ating “ikalawang kalagayan” ay tumutukoy sa panahon sa pagitan ng ating mortal na pagsilang at ng Huling Paghuhukom.)

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paanong ang pagkakaroon ng pisikal na katawan ay bahagi ng pagsubok sa atin sa mortalidad:

Elder D. Todd Christofferson

Kung, habang nabubuhay tayo sa lupa, pinili nating “gawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos [sa atin] ng Panginoon [nating] Diyos” [Abraham 3:25], napanatili natin ang ating “ikalawang kalagayan” [Abraham 3:26]. Ibig sabihin ay ipapamalas natin sa Diyos (at sa ating sarili) sa ating mga pagpapasiya ang ating tapat na pangako at kakayahang ipamuhay ang Kanyang selestiyal na batas habang wala tayo sa piling Niya at nasa pisikal na katawan na taglay ang lahat ng kapangyarihan, gana, at silakbo ng damdamin. Mapipigilan ba natin ang laman para maging kasangkapan ito sa halip na maging panginoon ng espiritu? Mapagtitiwalaan ba tayo kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan ng mga kapangyarihan ng langit, kabilang na ang kapangyarihang lumikha ng buhay? Madadaig ba ng bawat isa sa atin ang kasamaan? Yaong mga nakagawa nito ay “magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan” [Abraham 3:26]—isang napakahalagang aspeto ng kaluwalhatiang iyon ang magkaroon ng nabuhay na mag-uli, imortal, at niluwalhating pisikal na katawan. Kaya pala tayo “[naghiyawan] sa kagalakan” sa napakagandang mga posibilidad at pangakong ito [Job 38:7]. (“Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 51)

Dahil kay Jesucristo, makatatanggap tayo balang-araw ng imortal at perpektong katawan tulad ng sa ating Ama sa Langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:22). Ito lamang ang uri ng katawan kung saan tayo ay “makatatanggap ng ganap na kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 93:33–34; 138:17). Itinuro rin ni Propetang Joseph Smith na ang tunay na kaligayahan ay kinapapalooban ng pagkakaroon ng pisikal na katawan:

si Propetang Joseph Smith

Naparito tayo sa mundong ito upang magkaroon ng katawan at dalisay itong iharap sa Diyos sa kahariang selestiyal. Ang dakilang alituntunin ng kaligayahan ay kinapapalooban ng pagkakaroon ng katawan. Ang diyablo ay walang katawan, at iyon ang kanyang kaparusahan. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 245)

Tulad ng nabanggit kanina sa pahayag na ibinahagi mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak, ang pagkakaroon ng karanasan sa mundo ay mahalaga rin sa pagsulong tungo sa pagiging perpekto at pagiging katulad ng Diyos. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin natatamo ang mga karanasan sa buhay na ito dahil sa ating pisikal na katawan:

Elder David A. Bednar

Dahil sa ating pisikal na katawan nararanasan natin ang iba’t ibang matitinding karanasang hindi natin pagdaraanan sa buhay bago tayo isinilang sa mundo. Kaya nga, ang pakikipag-ugnayan natin sa ibang tao, ang kakayahang kumilala at kumilos ayon sa katotohanan, at kakayahang sundin ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagagawa dahil sa ating katawan. Sa buhay sa mortalidad, nararanasan natin ang pagkalinga, pagmamahal, kabaitan, kaligayahan, kalungkutan, kabiguan, pasakit, at maging ang mga hamon na dulot ng limitasyon sa kakayahan ng pisikal na katawan sa mga paraang naghahanda sa atin para sa kawalang-hanggan. Sa madaling salita, may mga aral na dapat nating matutuhan at mga karanasang dapat pagdaanan, na tulad ng sabi sa mga banal na kasulatan ay, “ayon sa laman” (1 Nephi 19:6; Alma 7:12–13). (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano mo ipaliliwanag kung bakit mahalaga ang ating pisikal na katawan sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit?

Bahagi 2

Bakit mahirap supilin ang ilan sa aking mga hangarin at pagnanasa?

isang babaeng nagdarasal

Naglagay ang ating Ama sa Langit ng ilang hangarin sa ating katawan upang maipagpatuloy ang buhay at makatulong sa pagsasakatuparan ng Kanyang plano. Bahagi ng pagsubok sa atin sa mortalidad “ay ang pagtiyak kung ang mga ninanasa ng [ating] katawan ay masusupil ng espiritu na nananahan sa loob nito” (Russell M. Nelson, “Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan,” Liahona, Ago. 2019, 53).

Bawat isa sa atin ay naiimpluwensyahan ng likas na tao na nasa atin. (Pansinin na ang likas na tao ay katagang tumutukoy kapwa sa kalalakihan at kababaihan.) Ito ang mortal na bahagi natin na nagtutulot sa ating pisikal na mga pagnanasa at makamundong hangarin na mangibabaw at daigin ang mga hangarin at pagsisikap natin na maging katulad ng Diyos (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Likas na Tao,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Alma 41:11 at 1 Corinto 2:14, at maaari mong markahan ang mga salita o parirala na naglalarawan ng pagpapatangay sa likas na tao na nasa atin.

Ipinaunawa pa sa atin ni Elder Bednar ang tungkol sa likas na tao nang ituro niya:

Elder David A. Bednar

Sa ilang aspekto, ang likas na tao … ay kitang-kita sa bawat isa sa atin (tingnan sa Mosias 3:19). Ang likas na lalaki o babae ay hindi nagsisisi, makamundo at mahalay (tingnan sa Mosias 16:5; Alma 42:10; Moises 5:13), mapagpalayaw at mapagpasasa, at palalo at makasarili. …

Bilang mga anak ng Diyos, nagmana tayo ng mga banal na katangian mula sa Kanya. Ngunit sa ngayon ay nakatira tayo sa makasalanang daigdig. Ang mismong mga elemento kung saan nalikha ang ating katawan ay likas na mahina at madaling matangay ng kasalanan, kasamaan, at kamatayan. Dahil dito, ang Pagkahulog ni Adan at ang espirituwal at temporal na mga bunga nito ay may epekto sa ating pisikal na katawan. (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” 42–43)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Pumili ng isa sa mga katangian ng likas na tao na inilarawan sa Alma 41:11 o sa 1 Corinto 2:14 o sa pahayag ni Elder Bednar. Paano nakaaapekto ang katangiang iyon sa pakikipagdeyt o sa ugnayan ng pamilya?

Bahagi 3

Paano ako matutulungan ni Jesucristo na madaig ang likas na tao?

pinatawad at pinagaling ni Jesus ang isang lalaking paralisado

Sa sermon ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao, ibinahagi niya ang itinuro sa kanya ng isang anghel tungkol sa ministeryo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 3:5–19).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mosias 3:19, at alamin kung paano natin madaraig ang likas na tao. (Pansinin na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng bigyang-daan ay sumunod sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu, at ang banal ay tumutukoy sa isang taong nagiging banal—isang taong tapat sa Diyos.)

Basahin ang mga sumusunod na pahayag ni Elder Bednar at ni Bishop Gérald Caussé ng Presiding Bishopric, at isipin kung paano ka matutulungan ni Jesucristo na madaig ang likas na tao at maging higit na katulad Niya:

Elder David A. Bednar

Bawat hangarin, pagnanasa, hilig, at silakbo ng damdamin ng likas na tao ay maaaring madaig sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Narito tayo sa lupa upang magkaroon ng mga katangiang tulad ng sa Diyos at upang pigilan ang lahat ng silakbo ng laman. (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” 43)

Bishop Gérald Caussé

Sa Kanyang Pagbabayad-sala, hindi lamang hinuhugasan ni Jesucristo ang ating mga kasalanan, kundi nagbibigay rin Siya ng kapangyarihang nagbibigay-kakayahan na nagiging daan upang ang Kanyang mga disipulo ay “[mahubad] ang likas na tao” [Mosiah 3:19], umunlad nang “taludtod sa taludtod,” [2 Nephi 28:30], at maragdagan ang kabanalan upang balang araw ay maging perpektong mga nilalang sila sa larawan ni Cristo, [tingnan sa Moroni 10:32–33], marapat na muling makapiling ang Diyos at manahin ang lahat ng pagpapala ng kaharian ng langit. (“Isang Buhay na Saksi ng Buhay na Cristo,” Liahona, Mayo 2020, 40)

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Isipin ang ugnayan ng pamilya na gusto mong patatagin. Anong mga katangian ng likas na tao ang nakahahadlang sa ugnayang iyon? Paano mo matatamo ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at bibigyang-daan ang Banal na Espiritu upang maiwaksi ang mga katangiang iyon at maging higit na katulad ng Tagapagligtas?