15. Templo ng Nauvoo
Ang eskalang modelong ito ng Templo ng Nauvoo ay matatagpuan sa pook ng orihinal na templo. Ang templo ay itinayo mula sa lokal na limestone na kulay abuhin. Ang sukat ng gusali ay 39 metro ang haba at 27 metro ang lapad. Ang tuktok ng tore ay may taas na 48 metro mula sa lupa. Dumanas ng matitinding sakripisyo ang mga kasapi ng Simbahan upang maitayo ang magandang templong ito, na sinimulang gawin noong 1841. Ang ilan ay gumawa sa gusali sa loob ng maraming buwan; ang iba’y inihandog ang kanilang salapi. Bagaman hindi pa ganap na tapos, ang templo ay napupuno ng mga kasapi na nagtutungo roon para sa mga ordenansa noong mga buwan bago sila nagsilikas patungong Kanluran. Samantalang marami sa mga Banal ang nagsilisan sa Nauvoo noong maagang tagsibol ng 1846 dahil sa bantang karahasan ng mga mandurumog, isang natatanging pangkat ang naiwan upang tapusin ang templo. Noong ika-30 ng Abril 1846, sina Elder Orson Hyde at Wilford Woodruff at mga 20 iba pa ay inilaan ito bilang bahay ng Panginoon. Ang templo ay iniwan sa buwan ng Setyembre nang palayasin sa Nauvoo ang mga nalalabing kasapi ng Simbahan; pagkaraan ay nilapastangan at dinumihan ng mga mandurumog ang banal na gusali. Ito ay natupok ng apoy noong Oktubre 1848.
Mahahalagang Pangyayari: Ginanap ang pangkalahatang kumperensya sa silid-pulungan ng templo noong ika-5 ng Oktubre 1845. Ang gawain ng endowment ay nagsimula noong ika-10 ng Disyembre 1845 at nagpatuloy hanggang ika-7 ng Pebrero 1846. Mahigit sa 5,500 mga Banal sa mga Huling Araw ang tumanggap ng kanilang endowment, at maraming pagbibinyag para sa mga patay at pagbubuklod ang naisagawa.