18. Templo ng Salt Lake
Mga ilang araw makaraang pumasok ang unang pangkat ng mga tagabunsod na mga Banal sa mga Huling Araw sa Lambak ng Salt Lake, hinampas ni Pangulong Brigham Young ang kanyang tungkod sa lupa at nagpahayag, “Dito natin itatayo ang templo ng ating Diyos.” Pinasimulan ang pagtatayo noong ika-14 ng Pebrero 1853. Noong ika-6 ng Abril 1853, inilagay ang mga batong panulok. Ang templo ay natapos at inilaan makalipas ang 40 taon noong ika-6 ng Abril 1893. Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpupulong dito linggu-linggo upang pag-usapan at hingin ang tagubilin ng Panginoon hinggil sa pangangasiwa at pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Mahahalagang Pangyayari: Dito binigyan ng Panginoon ang mga Pangulo ng Simbahan at iba pang mga Pangkalahatang Awtoridad ng pagbuhos ng diwa ng paghahayag, kabilang na ang Opisyal na Pahayag—2. Kamakailan lamang, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ay buong pagkakaisang pinagtibay at pinalathala ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ang mga ordenansang pang-templo na isinasagawa kapwa para sa mga buhay at patay ay nagpapala sa milyun-milyong buhay.