Saktong-sakto
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
“[Kapag mabait at matulungin ako, masayang-masaya ako]” (Children’s Songbook, 197).
Riiiing!
Ngiting-ngiti si Tony nang tumayo siya mula sa kanyang mesa. Sa wakas ay oras na para sa recess!
Nagtakbuhan na ang ibang bata papunta sa palaruan, pero nagpaiwan si Tony. Hinihintay niya si Sean. Bago si Sean sa klase ni Tony. Siguro maaari silang maglaro.
“Uy, Sean!” sabi ni Tony. “Mahilig ka ba sa basketbol?”
“Mahilig? Gustong-gusto ko iyon!” sabi ni Sean.
“Ayos.” Ngumiti si Tony. “Tara. Maglaro tayo!”
Ginugol nina Tony at Sean ang buong recess sa pagpapatalbog, pagpapasa, at pag-shoot ng bola.
“Ang saya!” sabi ni Tony habang naglalakad sila pabalik sa silid-aralan. “Ang galing-galing mo.”
“Salamat,” sabi ni Sean. “Masayang makipaglaro sa isang taong mahilig din sa basketbol tulad ko!”
Araw-araw pagkatapos niyon, magkasamang naglalaro ng basketbol tuwing recess sina Tony at Sean. Nagsanay sila ng iba’t ibang galaw na inimbento nila at hinasa nila ang kanilang kasanayan sa pagpapatalbog ng bola. Gustong-gusto ni Tony ang swus na tunog na ginagawa ng basket kapag pumapasok ang bola sa net.
“Heto!” sigaw ni Tony. Ipinasa niya kay Sean ang bola. Nasalo iyon ni Sean at lumukso siya para makapuntos. Napansin ni Tony na matatanggal na ang suwelas ng isa sa mga sapatos ni Sean.
Tumalbog ang bola sa gilid ng basket. “Sayang,” sabi ni Tony. “Ayos lang!”
“Salamat,” sabi ni Sean. “Sa palagay ko ay mas maganda ang laro ko kung hindi dahil sa sapatos ko.” Tumawa siya habang iniaangat niya ang kanyang sapatos para makita ni Tony. “Magkakaroon ako ng bago kapag nakahanap na ng bagong trabaho ang tatay ko.”
Ngumiti si Tony. “Pero kapag may bagong sapatos ka na, matatalo mo ako palagi!” panunukso niya. “Wala akong laban sa iyo!”
Habang naglalakad si Tony pauwi mula sa paaralan noong hapong iyon, naisip niya si Sean na naglalakad pauwi suot ang sapatos na nasisira na. Alam ni Tony na hindi lang mahirap maglaro ng basketbol sa ganoong klase ng sapatos. Sa nagbabagong lagay ng panahon, malalamigan ang mga paa ni Sean! Napaisip si Tony kung may magagawa siya para makatulong.
“Handa ka na bang matulog?” tanong ni Itay kay Tony kalaunan noong gabing iyon.
“Opo,” sabi ni Tony. “Napapaisip lang po ako. Natatandaan po ba ninyo ang kaibigan kong si Sean, na kalaro ko ng basketbol tuwing recess? Nasisira na po ang sapatos niya. Kailangan niya pong maghintay hanggang sa makahanap ng bagong trabaho ang kanyang ama bago siya makabili ng bago. Gusto ko po talaga siyang matulungan kahit papaano.”
“Maganda ang naisip mo,” sabi ni Itay. “Bakit hindi tayo manalangin? Alam ko na tutulungan ka ng Ama sa Langit na malaman kung ano ang maaari mong gawin.”
Tumango si Tony at lumuhod siyang kasama ni Itay para manalangin.
Kinaumagahan habang naghahanda si Tony para pumasok sa paaralan, may napansin siya sa kanyang kabinet. Isang ekstrang pares ng sapatos sa tennis mula sa kanyang kuya! Hindi pa niya naisusuot ang mga ito dahil medyo malaki pa ang mga ito para sa kanya. Nakalimutan na niya ang tungkol sa mga ito!
Sana kasya ang mga ito kay Sean, naisip ni Tony. Inilagay niya ang mga sapatos sa kanyang backpack, isinara niya ito, at nagmadali siyang pumasok sa paaralan.
“Uy.” Lumapit si Tony kay Sean at ipinakita niya ang mga sapatos. “Nakita ko ang mga ito sa aking kabinet. Maluwag pa ang mga ito sa akin, kaya naisip ko baka kasya sa iyo.”
“Astig. Maraming salamat!” Isinuot ni Sean ang mga ito at itinali niya ang mga sintas. “Saktong-sakto ang mga ito!”
Masaya ang pakiramdam ni Tony. Alam niyang dininig ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin para malaman kung paano matutulungan ang kanyang bagong kaibigan. “Unahan tayo sa palaruan ng basketbol!”