2021
Vicky Tadić
Pebrero 2021


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Vicky Tadić

Isa sa Unang Nabinyagan sa Bosnia at Herzegovina

“Iyon po ba ang Espiritu Santo?” tanong ni Vicky.

a girl in Bosnia and Herzegovina

“Tara na!” pagtawag ng kapatid na lalaki ni Vicky. “Makipaglaro tayo sa mga Rowe!”

Ang mga Rowe ang kanilang mga bagong kapit-bahay. Lumipat sila sa Bosnia at Herzegovina mula sa Estados Unidos. Mayroon silang mga anak na kasing-edad ni Vicky at ng kanyang mga kapatid. Pero hindi sila nagsasalita ng wikang Bosnian. Si Vicky lang ang bukod-tangi sa kanyang pamilya na nagsasalita ng Ingles. Siya ang nagsasalin para makapaglaro sila.

Umupo sina Vicky at Mrs. Rowe sa may balkonahe habang naglalaro ang ibang bata.

“Parang kakaiba po ang inyong pamilya,” sabi ni Vicky. “Sa mabuting paraan.”

Ngumiti si Mrs. Rowe. “Gusto mo bang magsimba na kasama namin? Maaari iyong makatulong para makita mo kung bakit kami naiiba. Walang gusali ang aming simbahan dito sa Bosnia, kaya sa bahay kami nagsisimba kasama ang aming pamilya.”

Interesado si Vicky pagdating niya sa bahay ng mga Rowe sa araw ng Linggo. Una, kumanta sila ng isang awitin. Umusal ng isang panalangin ang isa sa mga bata. Pagkatapos ay nanalangin si Mr. Rowe at nagpasa siya ng tinapay at tubig sa bawat tao. Ayon sa kanila, ito ang tinatawag na sakramento. Pagkatapos niyon, isa sa kanilang mga anak na babae, si Jessie, ang nagbigay ng mensahe.

“Mahal tayo ng Ama sa Langit. Nangungusap Siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo,” sabi ni Jessie. “Kung minsan, binibigyan tayo ng Espiritu Santo ng mapayapang pakiramdam. O kung minsan, binibigyan Niya tayo ng kaisipan.”

Kinabukasan, naglakad si Vicky papunta sa tindahan para bumili ng tinapay. Sa kanyang paglalakad pauwi, madaraanan na sana niya ang ilang basurahan nang pahintuin siya ng isang tinig sa kanyang isip. Lumayo ka, sabi nito.

Napahinto si Vicky. Biglang sumulpot sa may kanto ang isang kotseng humaharurot. KA-BUM! Bumangga ito sa mga basurahan.

Huminga nang malalim si Vicky. Masayang-masaya siya na pinakinggan niya ang tinig!

Kalaunan, kinuwento ni Vicky kay Mrs. Rowe ang nangyari. “Iyon po ba ang Espiritu Santo?”

“Mukhang ganoon na nga. Kung minsan, ang Espiritu Santo ay nagbababala sa atin laban sa panganib.”

“Pinrotektahan po ako ng Diyos,” sabi ni Vicky. “Palagi po akong makikinig sa Espiritu Santo.”

Patuloy na nagpunta si Vicky sa bahay ng mga Rowe para magsimba tuwing araw ng Linggo. Pagkatapos ay ibinahagi ni Vicky ang Aklat ni Mormon sa kanyang ina. Kalaunan ay nalaman ng kanyang buong pamilya ang tungkol sa ebanghelyo mula sa mga Rowe. Si Vicky ang nagsalin para sa lahat.

Isang araw, nagtanong si Mr. Rowe sa pamilya ni Vicky. Inulit ito ni Vicky sa wikang Bosnian. “Susundin ba ninyo ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag?”

Naghintay si Vicky. Gusto niyang magpabinyag. Pero kinakabahan siya sa sasabihin ng kanyang pamilya.

Sa wakas, nagsalita ang ama ni Vicky. “Da.”

Da,” sagot ng kanyang pamilya.

Sa sobrang tuwa ni Vicky, pakiramdam niya ay sasabog na ang kanyang dibdib. “Opo,” sabi niya kay Mr. Rowe. “Opo, magpapabinyag kami.”

Pagkaraan ng isang linggo, bumiyahe si Vicky at ang kanyang pamilya nang limang oras papunta sa pinakamalapit na gusali ng Simbahan. Naging masaya si Vicky nang lumusong siya sa tubig para magpabinyag. Naging mas masaya pa siya nang makumpirma siya bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ngayon, taglay na niya ang Espiritu Santo palagi.

Ang Bosnia at Herzegovina ay may 73 mga miyembro ng Simbahan.

Ang pinakamalapit na templo sa Bosnia at Herzegovina ay ang Rome Italy Temple.

Matatagpuan ang Bosnia at Herzegovina sa timog-silangang Europa.

Mahilig si Vicky sa mga aktibidad sa labas. Ang pamumundok ay isa sa mga paborito niyang gawain.

Nabinyagan si Vicky sa edad na 16.

Noong nasa hustong gulang na si Vicky, ikinasal siya sa templo. Mayroon na siya ngayong dalawang anak.

Friend Magazine, Global 2021/02 Feb

Mga paglalarawan ni Zhen Liu