2021
Isang Mainit na Pakiramdam
Pebrero 2021


Isang Mainit na Pakiramdam

Ang awtor ay naninirahan sa Guatemala, Guatemala.

“Kita’y aking yayakapin sa bisig ng aking pagmamahal” (Doktrina at mga Tipan 6:20).

A young Guatemalan boy in the font after being baptized hugging his father. Boy in bed with stomach pains Boy in hospital bed with his parents at his side.

Isa noong maganda at maaliwalas na umaga sa San José Pinula, isang maliit na bayan malapit sa Lungsod ng Guatemala. “Hindi na ako makapaghintay!” sabi ni Joshua sa kanyang nakababatang kapatid na babae. Ngayong araw ang kanyang binyag!

Pagdating ng pamilya sa simbahan, nagsuot ng puting damit sina Joshua at Papá. Noong una, nakaramdam ng kaunting kaba si Joshua. Pero hinawakan ni Papá ang kanyang kamay habang naglalakad sila papunta sa bautismuhan, at hindi na siya kinabahan. Nang umahon si Joshua mula sa tubig, mayroon siyang malaking ngiti sa kanyang mukha.

Nagpalit ng mga tuyong damit sina Joshua at Papá. Pagkatapos ay ipinatong ni Papá at ng mga tiyo at lolo ni Joshua ang kanilang mga kamay sa ulo ni Joshua. Kinumpirma nila siya bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Narinig ni Joshua si Papá na magsabing, “Tanggapin ang Espiritu Santo.”

“Napakasaya ko po!” sabi niya habang niyayakap niya nang mahigpit si Papá.

“Alalahanin mo ang mga pangakong ginawa mo ngayon,” sabi ni Papá. “Kung gagawin mo iyon, ang Espiritu Santo ay maaari mong makasama sa tuwina. Kailanman ay hindi ka talaga mag-iisa.”

Isang umaga pagkaraan ng ilang buwan, nagising si Joshua na umiiyak. Sobrang sakit ng kanyang tiyan! “Mamá!” sigaw ni Joshua mula sa kanyang kama. “Ang sakit-sakit po ng tiyan ko!”

Lalong lumala ang lagay ng kanyang tiyan. Ni hindi na siya makalakad. Nagbigay si Papá kay Joshua ng basbas ng priesthood, at pagkatapos ay dinala niya at ni Mamá si Joshua sa doktor.

Sinabi ng doktor na kailangang maoperahan kaagad si Joshua. Nakakatakot itong pakinggan.

“Dadalhin ka namin sa isang espesyal na silid para sa operasyon,” sabi ng doktor. “Wala kang anumang mararamdaman dahil patutulugin ka namin. At hihintayin ka ng mga magulang mo sa labas.”

Mas lalo pang natakot si Joshua. Bakit hindi maaaring sumama sa kanya sa loob ng silid ang kanyang mga magulang? Hindi niya mapigilang umiyak.

Marahang nagsalita si Mamá. “Ano ang maaari nating gawin para mas maging maayos ang pakiramdam mo?” tanong ni Mamá.

“Alam ko po kung ano ang maaari nating gawin,” sabi ni Joshua. “Sabayan po ninyo ako sa pag-awit ng ‘Ako ay Anak ng Diyos.’ Pagkatapos ay manalangin po ulit tayo.”

Habang tahimik silang umaawit, naalala ni Joshua na inawit din niya ang awiting iyon noong kanyang binyag. At habang nananalangin sila, naisip niya ang sinabi ni Papá noong araw ng kanyang binyag: “Ang Espiritu Santo ay maaari mong makasama sa tuwina. Kailanman ay hindi ka talaga mag-iisa.”

Nakaramdam pa rin ng takot si Joshua nang dalhin siya ng mga narses sa silid ng operasyon. Hindi niya makita ang mukha ng mga doktor at narses dahil nakasuot sila ng mask. Pero nang tumingin siya sa kanilang mga mata, naramdaman niya na sila ay kanyang mga kaibigan at aalagaan nila siya nang mabuti.

Pagkatapos ng kanyang operasyon, sinabi ng mga doktor na kailangang magpahinga ni Joshua. Pagod pa rin siya at masakit pa rin ang kanyang katawan, pero medyo napawi na ang sakit sa kanyang tiyan. Ngayon ay hindi na siya naiiyak. Alam niya na magiging maayos ang kalagayan niya.

“May naramdaman po ako sa puso ko,” sabi ni Joshua kina Mamá at Papá. “Iyon po ay isang mainit na pakiramdam.”

“Isa iyan sa mga paraan na nararamdaman natin ang Espiritu Santo,” sabi ni Mamá.

Tumango si Joshua. Masaya siya na taglay niya ang kaloob na Espiritu Santo. Dahil sa Espiritu Santo, kailanman ay hindi talaga siya mag-iisa.