2021
Naligaw sa Aquarium
Pebrero 2021


Naligaw sa Aquarium

Ang awtor ay naninirahan sa British Columbia, Canada.

a mom with two girls sitting on bench at aquarium

Gustong-gusto ni Krista ang Stanley Park. Gustong-gusto niya ang mga dalampasigan. Ang mga palaruan. Ang petting zoo. Ang pagsakay sa tren.

Pero higit sa lahat, gustong-gusto niya ang aquarium! Lahat na yata ng uri ng hayop na pandagat ay naroon. Pinanonood niya ang isang kulay-tsokolateng seal habang lumalangoy ito paikot-ikot.

Pero may bigla siyang narinig. Umiiyak ang isang batang babae! Walang humihinto para tulungan ito.

Hinila ni Krista ang manggas ni Inay. “Tingnan po ninyo. Umiiyak ang batang iyon!”

Tumingin si Inay. Hinawakan niya ang kamay ni Krista at nilapitan nila ang batang babae.

“Kumusta,” sabi ni Inay. “May maitutulong ba kami sa iyo?”

“Hindi ko po makita ang aking ina.” Suminghot ang batang babae.

“Halika, umupo ka sa tabi namin,” sabi ni Inay. “Sasamahan ka naming maghintay.”

Umupo ang batang babae sa tabi nina Krista at Inay. Ang pangalan niya ay Sarah.

“Kapag naliligaw ka, ang pinakamainam na gawin ay manatili sa lugar na kinalalagyan mo,” sabi ni Inay. “Sa gayon, malalaman ng iyong ina kung saan ka hahanapin.”

Mukhang malungkot na malungkot at takot na takot si Sarah. Gustong makatulong ni Krista. Umusal siya ng maikling panalangin sa kanyang isipan. Ama sa Langit, tulungan po Ninyo na makabalik ang ina ni Sarah.

Sinikap ni Krista na pagaanin ang pakiramdam ni Sarah. Tinanong-tanong niya ito. Nagbahagi siya rito ng mga nakakatuwang bagay tungkol sa mga seal. Binigyan pa niya ito ng isang magandang kabibe na natagpuan niya sa dalampasigan.

Pagkalipas ng ilang sandali, isang babae ang tumakbo palapit sa kanila. Ito ang ina ni Sarah! Niyakap nito nang mahigpit si Sarah. Kapwa sila nagpasalamat kina Krista at Inay.

Masaya si Krista na nakatulong siya sa iba!

Friend Magazine, Global 2021/02 Feb

Paglalarawan ni Mitch Miller