Nakabalot sa Pagmamahal
Ang awtor ay naninirahan sa West Midlands, England.
“Espiritu Santo sa ‘tin [ay magbibigay ng kapanatagan, ang ating tunay at walang-hanggang kaibigan]” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56).
Ipinapadyak-padyak ni Abby ang kanyang mga daliri sa paa sa sahig. Sa sobrang kasabikan niya ay parang umiikot ang kanyang tiyan. Nasa isang binyag siya. At hindi lang basta kung kaninong binyag—sarili niyang binyag! Si Abby, ang kanyang pamilya, at ang kanyang mga kaibigan ay sabay-sabay na kumanta ng isang awitin sa Primary, nanalangin, at nakinig sa mensahe ni Lola. Ngayon, ang natitira na lang ay ang mensahe ni Lolo bago siya mabinyagan.
Naglakad si Lolo papunta sa harapan ng silid at kinindatan siya nito. Naglapag ito ng isang malaking bag sa sahig. “Abby, ipinagmamalaki namin ang desisyon mong magpabinyag ngayon,” sabi nito. “Ang binyag ay isang araw na puno ng mga regalo. Nagbibigay ka ng magandang halimbawa sa iyong mga kapatid.” Nginitian nito ang apat na nakababatang kapatid ni Abby.
“Nagbibigay ka rin ng mga pangako sa Diyos,” sabi ni Lolo. “At binibigyan ka Niya ng mga pangako. Pero may isa ka pang matatanggap na malaking regalo ngayon.”
Yumuko si Lolo at may dinukot sa bag. Naglabas si Lolo ng isang malambot na puting kumot at iniabot iyon sa kanya. “Ito ay isang regalo mula sa akin at kay Lola. Pero ito ay isa ring paalala sa kaloob na Espiritu Santo na matatanggap mo ngayon. Kapag ginamit mo ang kumot na ito, gusto kong isipin mo kung ano ang pakiramdam ng Espiritu Santo. Maaari kang panatagin ng Espiritu Santo tulad ng isang malambot na kumot. Maaari ka rin nitong gabayan at sabihan kung ano ang tama.”
Inilagay ni Abby ang kumot sa kanyang mga balikat. Nginitian niya si Lolo. Nang matapos ang mensahe ni Lolo, napansin niya ang pakiramdam ng kumot. Mainit iyon. Nakapagbigay iyon ng kapanatagan. Nakatulong iyon para maramdaman niyang ligtas siya.
Sa wakas, oras na para mabinyagan si Abby. Lumusong siya sa maligamgam na tubig sa bautismuhan at hinawakan niya ang kamay ni Papa. Lumingon siya sa kanyang mga kapatid at nginitian niya sila bago siya pumikit.
Malakas pero payapa ang tinig ni Papa habang binibigkas nito ang panalangin sa binyag sa wikang Pranses. “Je te baptise au nom du Père, et du Fils, et du Saint-Esprit. Amen.”
Mabilis na nabalot ng maligamgam na tubig si Abby, at pagkatapos, kasimbilis din niyon, hinila siya patayo. Tapos na. Nabinyagan na siya!
Niyakap ni Abby nang mahigpit si Papa at umahon siya sa bautismuhan. Pinalitan niya ang kanyang damit at isinuot niya ang kanyang bestida. Paglabas niya, si Maman (Inay) at ang mga kaibigan niyang sina Isobel at Florence ay naghihintay sa kanya. Tumulong silang itali ang laso sa likod ng kanyang bestida at sinuklay nila ang kanyang basang buhok.
“Ipinagmamalaki ka namin,” sabi ni Maman.
Nginitian ni Florence si Abby sa salamin. “Palagi akong nasisiyahang manood ng mga binyag.”
“Heto, naiwan mo ito sa iyong upuan.” Iniabot ni Isobel kay Abby ang kanyang bagong puting kumot.
Niyakap ni Abby ang kumot habang nag-uusap at nagtatawanan si Maman at ang kanyang mga kaibigan. Mainit at nakapapanatag ang kumot, tulad ng sabi ni Lolo. Pero hindi lang siya nakaramdam ng init sa labas. Sa loob, maganda rin at ligtas ang pakiramdam ni Abby. Alam niya sa kanyang puso na tama ang desisyong ginawa niya at na masaya ang Ama sa Langit.
Ang mainit at masayang pakiramdam na iyon ay katulad ng kanyang kumot. Marahil ito ang Espiritu Santo!
Nginitian ni Abby ang kanyang sarili sa salamin. Hindi na siya makapaghintay na makumpirma at matanggap ang kaloob na Espiritu Santo para palaging ganito ang pakiramdam niya. Iyon ang magiging pinakamagandang regalo sa buong buhay niya.