Paghahanap sa Patotoo ni Sabrina
Ang awtor ay naninirahan sa North Carolina, USA.
Hindi sigurado si Sabrina kung may patotoo siya.
“Sa pamamagitan ng mga bagay na ito nalalaman natin na may Diyos sa langit” (Doktrina at mga Tipan 20:17).
Mabilis na binuklat nina Sabrina at Inay ang mga pahina ng aklat ng binyag ni Sabrina. Katatapos lang ng ika-8 taong kaarawan ni Sabrina, at dalawang linggo na lang ay mabibinyagan na siya. Siya ay nasasabik—at kinakabahan—na mabinyagan.
“Tingnan mo kung gaano na karami ang nagawa natin!” sabi ni Inay. Binuklat niya ang mga pahina. Ang aklat ay nilayon para tulungan si Sabrina na maghanda para sa binyag. Nasulatan na nila ang mga pahina tungkol sa mga paborito niyang bagay at ang isa pang pahina tungkol sa kanyang pamilya. Pagkatapos ay nakarating sila sa isang pahina na may mga salitang “Ang Aking Patotoo” sa itaas.
“Ayoko pong sulatan ang isang iyan,” sabi ni Sabrina.
“Sige,” sabi ni Inay habang inililipat ang pahina. “Maaari natin itong sulatan mamaya.”
“Parang ayoko na po itong sagutan kailanman,” sabi ni Sabrina.
“Bakit naman?” tanong ni Inay.
“Dahil hindi ko naman po alam kung ano ang patotoo.” Naramdaman ni Sabrina na parang namula at uminit ang kanyang mukha.
Napahinto si Inay. “Ang ibig sabihin niyon ay alam mo na mahal ka ng Ama sa Langit.”
“Pero hindi pa po sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin ko.” Napuno ng luha ang mga mata ni Sabrina. “Buong buwan na po akong nananalangin para mahanap ang kumot ko, pero hindi ko pa rin iyon makita!”
Gustong-gusto ni Sabrina ang kanyang kumot. Malambot iyon at kulay rosas. Ginawa iyon ng kanyang lola para sa kanya noong ipinanganak siya. Gabi-gabi niya iyong kasama sa pagtulog bago iyon nawala.
Niyakap ni Inay si Sabrina. “Kung minsan, hindi kaagad sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin. At kung minsan, ang Kanyang sagot ay hindi. Pero hindi ibig sabihin niyon ay hindi Niya naririnig ang ating mga panalangin o hindi Niya tayo mahal.”
Suminghot si Sabrina. “Siguro nga po.”
Pagsapit ng araw ng Linggo, nagbasa ang guro ni Sabrina sa Primary, si Sister Lee, ng isang kuwento mula sa Kaibigan. Iyon ay tungkol sa isang batang lalaki na nainis dahil nakarinig siya ng masasamang salita sa bus. Ipinagdasal niya ang tungkol sa kanyang problema. Pagkatapos ay naisip niya na maaari siyang makinig gamit ang kanyang mga headphone habang sakay ng bus. Ang ideyang iyon ang sagot sa kanyang panalangin.
“Talaga po! Iyon lang po iyon?” tanong ni Sabrina. “Akala ko po mas espesyal ang mga sagot sa mga panalangin kaysa roon! Tulad ng makarinig ng isang tinig o makakita ng isang anghel.”
“Kung minsan, totoo iyan,” sabi ni Sister Lee. “Pero kadalasan, sinasagot ng Espiritu Santo ang ating mga panalangin sa mga tahimik na paraan. Tulad ng isang ideya o mainit na pakiramdam.”
Tiningnan ni Sabrina ang larawan ng batang lalaki na nasa bus. Naisip niya ang magaan at masayang pakiramdam niya tungkol sa pagpapabinyag. Siguro iyon ang Espiritu Santo na nagsasabi sa kanya na ito ay isang mabuting pasiya.
Siguro talagang may patotoo siya.
Dumating ang araw ng binyag ni Sabrina. Hinawakan ng tatay niya ang kanyang kamay, at lumusong siya sa maligamgam na tubig. Nang umahon siya mula sa tubig, nakaramdam siya ng kaligayahan. At nang ipatong ni Itay ang mga kamay nito sa kanyang ulo para ibigay sa kanya ang kaloob na Espiritu Santo, napuspos siya ng mainit na pakiramdam.
Ang sumunod na araw ng Linggo ay Linggo ng pag-aayuno. Tumayo ang mga tao para magbahagi ng kanilang patotoo. Mabilis na tumayo si Sabrina mula sa kanyang upuan at naglakad siya patungo sa harapan ng chapel. Huminga siya nang malalim at ngumiti. Alam na niya ang sasabihin niya ngayon. At alam na niya kung ano ang isusulat niya kalaunan sa blangkong pahinang iyon sa kanyang aklat ng binyag.
Hindi pa niya nahahanap ang kanyang kumot, pero nahanap na niya ang kanyang patotoo.