Isang Panalangin para kay Papi
Ang awtor ay naninirahan sa Sacatepéquez, Guatemala.
Mukhang malungkot si Papi. Paano makatutulong si Danna?
“[Turuan] ninyo silang mahalin ang isa’t isa, at paglingkuran ang isa’t isa” (Mosias 4:15).
Dumungaw si Danna sa bintana. Nakita niya si Papi na pauwi mula sa trabaho. Mas huli siyang nakarating kaysa sa karaniwan.
“May problema po ba, Papi?” tanong ni Danna nang makapasok sa bahay si Papi. Mukhang pagod at malungkot siya.
“Sa totoo lang, nahirapan ako sa trabaho,” sabi ni Papi. “At ngayon ay huli na ako para sa isang mahalagang miting sa simbahan.”
“May maitutulong po ba ako?” tanong ni Danna. Nag-aalala siya tungkol kay Papi.
“Puwede mo bang itanong kay Mami kung maaari niya akong ipaghanda ng kahit anong maaari kong kainin sa kotse?” tanong ni Papi. “Kailangan ko nang magmadali at magpalit ng damit pansimba.”
Tumakbo si Danna upang sabihin ito kay Mami. Nasa kusina na siya at gumagawa na ng sandwich.
“Para po ba kay Papi ‘yan?” tanong ni Danna. “Huli na raw po siya.”
“Oo, para ito kay Papi,” sabi ni Mami. Naglagay siya ng mansanas at juice sa tabi ng sandwich.
“Malungkot po si Papi, at hindi ko po alam kung ano ang problema. Alam po ba ninyo?” tanong ni Danna.
Napabuntong-hininga si Mami. “Maraming kailangang gawin si Papi. Kamakailan ay sumasakit din ang kanyang likod.”
“Gusto ko pong gumawa ng isang bagay na makatutulong sa kanya,” sabi ni Danna.
“Kung manalangin ka kaya? Maaari mong hilingin sa Ama sa Langit na tulungan siyang gumanda ang pakiramdam niya,” sabi ni Mami.
Pumunta si Danna sa kanyang silid. “Mahal na Ama sa Langit,” dalangin niya, “tulungan po Ninyo si Papi. At tulungan po Ninyo akong malaman kung paano ko siya matutulungan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”
Pagkatapos ng kanyang panalangin, kumuha si Danna ng isang papel. May naisip siya!
Mahal kong Papi, sulat niya. Salamat po sa lahat. Salamat po sa paggawa ng inyong tungkulin kahit na umuuwi po kayong pagod kung minsan. Mabuti po kayong halimbawa sa akin. Kayo po ay anak ng Diyos, at mahal Niya po kayo! Nagmamahal, Danna.
Iniwan ni Danna ang liham sa tabi ng pagkain ni Papi sa kusina. Pagkatapos ay naglakad siya palabas nang walang ingay.
Nakikipaglaro si Danna sa kanyang mga nakababatang kapatid na babae nang lumabas si Papi makalipas ang ilang minuto. Mayroon siyang malaking ngiti sa kanyang mukha. “Salamat sa liham, Danna,” sabi niya. Niyakap at hinalikan niya si Danna. “Tinulungan mo akong maramdaman ang pagmamahal ng Ama sa Langit.”
Nang makaalis na si Papi papunta sa kanyang miting, itinanong ni Mami kung ano ang nangyari. Sinabi sa kanya ni Danna ang tungkol sa liham. Ngumiti si Mami at niyakap niya nang mahigpit si Danna.
“Salamat, Danna. Sa maikling liham na iyon, nakapag-minister ka kay Papi.”
Niyakap nang mahigpit ni Danna si Mami. Nagpasalamat siya na sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin. Maganda sa pakiramdam na matulungan si Papi tulad ni Jesus.