Tsaa o Mango Juice?
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
Ang kuwentong ito ay naganap sa Taiwan.
“Bakit ayaw mo ng tsaa?” tanong ni Jiro.
“Tama’y ipaglaban,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 81).
Naglakad si Chung pababa sa isang abalang kalye sa Taiwan. Malapit lang sa kanya ang kaibigan niyang si Jiro. Napakaraming tao! Tumitingin ang mga namimili sa mga damit na naka-sale, naglalaro ang mga bata, at nagmamadali ang mga tao habang nakikipag-usap sa kanilang mga telepono. Hinawakan nang mahigpit ni Chung ang kanyang bag na pamasok sa paaralan upang matiyak na hindi niya ito maihuhulog.
“Hindi ako makapaniwala na halos tapos na ang isang taon sa paaralan!” malakas na sabi ni Chung upang marinig ni Jiro.
“Kaya nga! Handa na akong tapusin ang mga klase,” sabi ni Jiro.
Dumaan sina Chung at Jiro sa mga puwesto na nagbebenta ng lahat ng uri ng pagkain. Mga dragon fruit at strawberry. Mga umuusok na siomai. Mga peanut ice-cream roll. Masarap ang amoy sa lahat ng dako! Pero ang naiisip lang ni Chung ay kung gaano kainit at kalagkit ang pakiramdam niya.
“Pakiramdam ko ay nasa hurno ako!” sabi ni Chung.
“Ako rin,” sabi ni Jiro. “Bumili tayo ng maiinom.”
Nagpunta sila sa isang puwesto na nagtitinda ng mga inuming may matitingkad na kulay.
Naglabas ng pera si Jiro. “Dalawang tsaang may sago po.”
Alam ni Chung na ang tsaa ay labag sa Word of Wisdom. “Puwede po bang mango juice na lang ang sa akin?” tanong niya.
Tumingin si Jiro kay Chung. Namilipit ang sikmura ni Chung. Iniisip ba ni Jiro na kakatwa siya dahil sa hindi pag-inom ng tsaa?
Nag-abot ang babae ng isang malamig na tsaang may sago kay Jiro at ng isang mango juice kay Chung. Pagkatapos ay naglakad na muli ang mga bata sa kalye pauwi sa kanilang mga tahanan.
Sinipsip ni Jiro ang kanyang inumin. “Bakit ayaw mo ng tsaa? Napakasarap nito!”
Napakagat-labi si Chung. “Um, hindi ako umiinom ng tsaa.”
“Bakit naman?”
Nag-isip si Chung kung paano sasagutin ang tanong. Itinuro sa kanya ng mga missionary ang tungkol sa Word of Wisdom. Sa kanyang klase sa Primary, natutuhan niya na ang pagsunod sa Word of Wisdom ay nakatulong na mapasakanya ang Espiritu Santo.
“Naniniwala ako sa Diyos, at nais Niyang pangalagaan ko ang aking katawan. Iniutos Niya na huwag tayong uminom ng tsaa o kape o alak,” sabi ni Chung.
“Paano mo nalaman ‘yan?” tanong ni Jiro.
“Nalaman ko ito sa simbahan.”
Sumipsip muli si Jiro sa kanyang inumin. “Parang kakatwa naman ‘yon. Tsaa lang ito! Hindi ito makasasama sa iyo.”
Parang napuno ng mga tumatalong palaka ang tiyan ni Chung. Paano niya matutulungan si Jiro na maunawaan ito? Siguro may isang tao sa simbahan na makatutulong sa kanya na ipaliwanag ito kay Jiro.
“Gusto mo bang sumama sa akin sa simbahan minsan? Nagpupunta ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maaari kang matuto tungkol sa Diyos at kay Jesucristo.”
Nag-isip nang sandali si Jiro. “Sa palagay ko’y hindi.”
“Sige,” sabi ni Chung. Medyo nalungkot siya na ayaw sumama ni Jiro sa kanya sa simbahan. Pero masaya pa rin siya na naibahagi niya ang kanyang patotoo.
Kalaunan noong linggo ring iyon sa paaralan, tinawag ng guro ni Chung, si G. Lin, ang atensyon ng lahat. “Bukas ang huling araw ng klase. Dahil nagsikap nang husto ang lahat sa taong ito, may sorpresa ako. Iinom tayong lahat ng tsaang may sago!”
Nagsaya ang buong klase. Lahat maliban kay Chung. Yumuko siya sa kanyang upuan. Ang pagsasabi sa kanyang guro na hindi siya umiinom ng tsaa ay mas mahirap pa kaysa sa pagsasabi nito kay Jiro! Iisipin ng lahat na kakatwa iyon, tulad ng inisip ni Jiro.
Itinaas ni Jiro ang kanyang kamay. “G. Lin? Hindi po umiinom ng tsaa si Chung. Bahagi po iyon ng kanyang relihiyon. Puwede po bang mango juice na lang ang sa kanya?”
Bumaling si G. Lin kay Chung. “Totoo ba iyon, Chung?”
Tumango si Chung.
Ngumiti si G. Lin. “Sige. Ibibili na lang kita ng juice.”
Pagkatapos ng klase, magkasamang naglakad pauwi sina Chung at Jiro. “Salamat sa ginawa mo,” sabi ni Chung.
Ngumiti si Jiro. “Kaibigan kita. Kung mahalaga ang isang bagay sa iyo, mahalaga rin iyon sa akin.”