2021
Ang Bagong Tahanan ni Ombeni
Hunyo 2021


Ang Bagong Tahanan ni Ombeni

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Paano magkakaroon ng mga kaibigan si Ombeni kung hindi niya kayang magsalita ng kanilang wika?

“Ako’y taga-ibang bayan, at ako’y inyong pinatuloy.” (Mateo 25:35).

boy holding lunch tray alone at school

Sumimangot si Ombeni sa kanyang pananghalian. Ang pagkain sa kanyang bagong paaralan ay masyadong matamis. Naisip niya na kung puwede sana ay ang kainin niya na lang ay ang lutong-bahay na kanin at beans ng kanyang ina.

Si Ombeni at ang kanyang pamilya ay ilang linggo pa lang naninirahan sa Estados Unidos. Masyadong mapanganib na tumira sa kanilang bansa, kaya kinailangan nilang lumipat sa USA bilang mga refugee. Ang paglipat ay mahirap. Nahihirapan din siyang makibagay sa kanyang bagong paaralan.

Nakakita si Ombeni ng bakanteng puwesto malapit sa isang grupo ng mga batang lalaki at umupo siya roon. Lumingon silang lahat sa kanya. May sinabi ang isang batang lalaki, pero hindi ito naunawaan ni Ombeni. Hindi pa siya gaanong marunong mag-Ingles.

Sinubukang tumugon ni Ombeni. “Jambo,” sabi niya. (“Magandang araw.”)

Mukhang hindi ito naunawaan ng batang lalaki. Sumimangot siya kay Ombeni at tumalikod. Tila gusto nang mamaluktot ni Ombeni na parang isang maliit na bola, pero umupo na lang siya nang tahimik sa dulo ng mesa. Kung minsan, pakiramdam niya para siyang nasa planeta ng mga alien sa bagong paaralang ito.

Nang sa wakas ay tapos na ang klase, nagmadali si Ombeni at isinuot niya kaagad ang kanyang pangginaw. Sa bansang pinanggalingan niya, hindi niya kailangan ng pangginaw anumang buwan ng taon. Pero sa bansang ito, maginaw sa panahon ng taglamig. Nagsuot ang ibang mga bata ng mababalahibong guwantes at sumbrero, pero wala si Ombeni ng alinman sa mga bagay na iyon.

Nakita ni Ombeni ang kanyang hininga na parang maliliit na puting usok habang naglalakad siya. Nagsimula siyang tumakbo upang makauwi siya nang mas mabilis. Nagmadali siyang pumasok sa pintuan at muntikan na niyang mabangga si Mama.

Ombeni running to his house through snow

“Ombeni! Punguza mwendo!” sabi ni Mama. (“Dahan-dahan!”)

“Paumanhin po, Mama,” sabi niya habang nanginginig.

Umupo si Ombeni at sinubukan niyang magpainit habang nagluluto ng hapunan ang kanyang ina.

Makalipas ang ilang minuto, hindi na kayang manahimik ni Ombeni. “Mama, ayaw ko na pong bumalik sa paaralan! Nakakatakot at malungkot po, at nahihirapan akong makipagkaibigan. Nangungulila po ako sa aking mga kaibigan sa bansang pinanggalingan natin.”

Tumigil sa paghahalo si Mama at lumuhod siya sa tabi ni Ombeni. Pinunasan kaagad ni Ombeni ang kanyang mga luha. Ayaw niyang makita ni Mama kung gaano siya kalungkot.

“Alam kong mahirap ang mga bagay-bagay ngayon.” Niyakap siya nang mahigpit ni Mama. “Pero magiging mas madali ang mga ito.”

Lumingon palayo si Ombeni. “Pero paano po magiging mas madali ang mga bagay-bagay kung hindi ko po maunawaan ang sinuman?”

Napasimangot si Mama. Masasabi ni Ombeni na malalim ang iniisip ni Mama.

“Naaalala mo ba noong tayo ay nasa kampo ng mga refugee?” tanong niya. “Sa tuwing nalulungkot ako, naghahanap ako ng mga taong matutulungan ko. Palagi nitong pinagaganda ang aking pakiramdam.”

Tumango si Ombeni. Naaalala niya kung paanong si Mama ay palaging naghahanap ng mga taong nagpupunta sa kampo nang mag-isa at inaakay niya sila kung saan sila dapat pumunta.

Ngumiti si Mama. “At isipin mo si Jesus! Madalas na hindi mabait ang mga tao sa Kanya. Pero palagi Siyang naghahanap ng mga taong matutulungan.” Pinunasan niya ang isa pang luha sa pisngi ni Ombeni. “Kung minsan kapag malungkot tayo, ang pinakamagandang magagawa natin upang matulungan ang ating mga sarili ay maghanap ng mga paraan upang matulungan ang ibang tao.”

Tumango si Ombeni. Mukhang magandang ideya iyon. Gusto niyang maging katulad ni Jesus.

Sa tanghalian kinabukasan, si Ombeni ay naghanap ng isang taong matutulungan niya. Maraming bata na nakaupo kasama ng malalaking grupo ng mga tao. Pero may napansin siya na isang batang babae na mag-isang nakaupo sa mesa.

Ombeni sitting with girl at lunch

Lumapit siya at inilapag niya ang kanyang pagkain. Kumaway siya at nagwikang, “Jambo!”

“Magandang araw,” sabi ng batang babae.

Ngumiti nang todo si Ombeni. Ngumiti rin ang batang babae. Pagkatapos ay tahimik nilang kinain ang kanilang pagkain nang magkasama.

Naging masaya si Ombeni. Magiging mahirap pa rin ang mga bagay-bagay sa bagong paaralang ito. Pero masaya siyang malaman na may mga tao rito na matutulungan niya.

Friend Magazine, Global 2021/06 Jun

Mga paglalarawan ni Jen Taylor