2021
Tulad ng Naisip Niya
Hunyo 2021


Tulad ng Naisip Niya

Ang kuwentong ito ay naganap sa Kyiv, Ukraine.

Si Kvitka ay sabik nang mabinyagan, pero malungkot siya dahil maraming taong hindi makapupunta.

“Tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9).

family sitting and waiting for baptism

Ngayon ang araw ng binyag ni Kvitka. Matagal na niyang inaabangan ang araw na ito. Naisip na niya ang lahat ng mangyayari. Magsusuot siya ng isang espesyal na puting damit. Si Tato (Itay) ang magbibinyag sa kanya. At ang lahat ng kanyang kaibigan at kapamilya ay pupunta roon at ipagmamalaki nila siya nang may ngiti.

Pero medyo maiiba ang araw na ito sa naisip ni Kvitka.

May ilang bagay na pareho pa rin. May suot siyang isang espesyal na puting damit, tulad ng naisip niya. Tinahi ni Babusya (Lola) ang damit na ito nang mabinyagan si Mama noong bata pa siya. At ngayon, si Kvitka naman ang mabibinyagan.

Si Tato ang magbibinyag sa kanya. Tulad ng naisip niya. Nanood si Kvitka habang isinasawsaw ni Tato ang kanyang kamay sa tubig ng bautismuhan.

“Sakto lang ang init,” sabi niya. Nginitian niya si Kvitka. Nginitian din siya ni Kvitka. Pagkatapos ay tiningnan ni Kvitka ang mga upuang inayos nila ni Tato.

Hindi masyadong marami ang mga ito. Iyon ang pinakamalaking kaibhan. Noon pa man, naiisip na ni Kvitka na maraming taong pupunta sa kanyang binyag. Pero iilan lang ang makapupunta.

Simula nang maraming taong nagkasakit dahil sa COVID-19, maraming bagay ang nabago. Siya at ang kapatid niyang si Vlas ay sa bahay na nagkaklase. Nagsusuot sila ng mga mask kapag umaalis sila sa kanilang apartment. At walang pagtitipon para sa malalaking grupo. Wala nito kahit saan. Gustong makatulong ni Kvitka na mapanatiling ligtas ang mga tao, pero kung minsan ay mahirap ito.

Tulad ng kapag hindi mo maanyayahan ang lahat sa iyong binyag.

“Kvitka! Ang ganda mo!”

Tumingala si Kvitka at nakita niya si Babusya na pumapasok sa pinto.

“Magandang araw po, Babusya!” Si Kvitka ay lumundag mula sa kanyang upuan at tumakbo.

“Kamukha mo ang iyong ina,” sabi ni Babusya. Hinipo ni Babusya ang mga puting bulaklak sa buhok ni Kvitka. Katerno ang mga ito ng mga bulaklak na lace sa kanyang damit. Mahilig sa mga bulaklak si Kvitka. Ang ibig sabihin ng kanyang pangalan sa wikang Ukranyo ay “bulaklak.”

“Nasasabik ka na bang mabinyagan?” tanong ni Babusya.

“Opo,” sabi ni Kvitka. “Kaya nga lang po, walang tao.”

“Wala!” sabi ni Babusya. Tumingin-tingin si Babusya sa paligid. “Pero nakikita ko sina Mama, Tato, Vlas, at ang bulinggit na si Melania. At naroon ang bishop. At maging ang dalawang missionary. Hindi totoong walang tao.”

Napakibit-balikat si Kvitka. “Pero wala po rito ang kahit isa man lang sa aking mga kaibigan.”

“Siguradong nakalulungkot ito para sa iyo,” sabi ni Babusya. “Pero may dalawa tayong sorpresang bisita.”

Sumigla si Kvitka. “Sino po?”

“Ang tita mong si Pavlina,” sabi ni Babusya. “At ang pinsan mong si Emma!”

“Talaga po?” sabik na tanong ni Kvitka.

Ngumiti si Babusya. “Kapag narito na sila, puwede ba akong makisuyo sa iyo?”

Tumango si Kvitka. “Ano po iyon?”

“Kapag nabinyagan ka na, ang isa sa mga bagay na ipinapangako mong gawin ay tumayo bilang saksi ni Jesucristo. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin niyon?”

Alam iyon ni Kvitka. Ilang linggo nang pinag-aaralan ng kanyang pamilya ang mga tipan sa binyag!

“Ang ibig sabihin po niyon ay maging isang missionary!”

“Napakagaling,” sabi ni Babusya. “Ang iyong tita at pinsan ay hindi pa nakapupunta sa kahit isa sa mga gusali ng ating Simbahan. Puwede ka bang maging isang missionary at tumulong sa kanila na maglibot?”

“Opo!” sabi ni Kvitka.

At iyon nga ang ginawa nina Kvitka at Babusya nang dumating sina Tita Pavlina at Emma. Ipinakita nila sa mga bisita ang silid ng Primary, ang kanyang silid-aralan, at ang kapilya. Pagkatapos ay nagpunta sila sa bautismuhan. Sinabi ni Kvitka sa kanila na gusto niyang mabinyagan upang masunod si Jesucristo. Nagkaroon siya ng magaan at nakapapanatag na pakiramdam habang nagsasalita siya. Nginitian siya nina Tita Pavlina at Emma. Umasa siya na gayon din ang naramdaman nila.

Hindi nagtagal ay oras na para sa binyag. Hindi huminga si Kvitka nang ilubog siya ni Tato sa ilalim ng tubig—tulad ng naisip niya. Maaaring iilang tao lang ang nanonood, pero nakangiti sila tulad ng naisip niya. At sigurado siyang nakangiti rin sa kanya ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Madali lang iyong maisip.

Friend Magazine, Global 2021/06 Jun

Mga paglalarawan ni Stephanie Dehennin