Isinulat Mo
Pagluluto ng Tinapay para sa Aking Misyon
Habang bakasyon sa paaralan noong walong taong gulang ako, tinanong ako ng aking ama kung may gusto akong gawin upang kumita ng pera para sa aking misyon. Naisip ko na magandang ideya iyon, pero hindi ko alam kung ano ang gagawin. Matapos mag-isip-isip, nagpasiya kaming gumawa ng tinapay. Noong gabing iyon, gumawa kami ng 20 tinapay. Hindi namin alam kung may bibili, pero pagkatapos naming mag-post tungkol dito sa social media, nabili ang lahat ng ito sa loob lang ng isang gabi!
Nagtakda ako ng mithiin na patuloy na gumawa at magtinda ng tinapay. Noong una, masaya itong gawin. Pero paglipas ng panahon, sa totoo lang, hindi na ito gaanong masaya. Mahirap itong gawin! Kailangan kong gumising nang alas-6 n.u. bago pumasok sa paaralan upang gumawa ng masa ng tinapay. Pagkatapos ay tinutulungan ako ng aking ina na lutuin ito maghapon. Pag-uwi ko mula sa paaralan, kailangan kong ibalot ang mga tinapay, ihatid ang mga ito, at linisin ang mga kagamitan sa pagluluto.
Kailangan ko ring makipag-usap sa mga taong hindi ko gaanong kilala. Kung minsan ay hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Isa iyon sa pinakamahihirap na bahagi. Ipinaliwanag ng aking mga magulang na ang punto nito ay hindi lang upang kumita ng pera para sa aking misyon kundi upang matuto rin akong maging masipag at makipag-usap sa mga tao. Nagsimula akong maging mas komportable. At pagkaraan ng ilang panahon, nasiyahan na rin ako sa pakikipag-usap sa mga tao!
Ang pagtitinda ko ng tinapay ay talagang nagturo sa akin kung paano magtrabaho! Alam ko na ang natutuhan ko mula sa mithiing ito ay tutulong sa akin sa aking misyon.