Isang Ipinagpalibang Biyahe
Ang awtor ay naninirahan sa Maine, USA.
Paano kung hindi na mabisita kailanman ni Freddie ang kanyang lolo‘t lola sa Korea?
“Mag-anak ay magsasama-sama” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98).
Niyakap ni Freddie si Itay bilang pamamaalam. “Sabihin po ninyo kay Haraboji na nananalangin kami para sa kanya.”
“Sasabihin ko. Tatawag ako araw-araw upang ipaalam sa iyo kung ano na ang kanyang kalagayan.”
Si Freddie ay tumango at napalunok dahil sa lungkot.
Pupunta si Itay sa South Korea upang bisitahin ang lolo’t lola ni Freddie na sina Haraboji at Halmoni. Halos isang buwan siyang mawawala habang si Freddie at ang kanyang pamilya ay mananatili sa kanilang tahanan sa Estados Unidos.
Sumara ang pinto, at umalis na si Itay.
“Gusto ko rin sanang sumama,” pabulong na sabi ni Freddie. Pinahid niya ang kanyang luha. Matagal nang hindi nakikita ni Freddie sina Haraboji at Halmoni. Nag-iipon ng pera ang kanyang pamilya upang sa susunod na bakasyon ay makabisita sila sa South Korea. Ngunit may malubhang sakit si Haraboji, at ngayon ay kailangan niyang maoperahan.
“Pasensya ka na, Freddie,” sabi ni Inay. “Gusto ko rin sana na lahat tayo ay makasama kay Itay, ngunit hindi pa sapat ang naipon nating pera. At mahalagang makapunta na ngayon ang iyong ama, kung kailan kailangan siya ni Haraboji.”
“Ngunit paano po kung hindi matulungan ng mga doktor si Haraboji? Paano po kung mamatay siya at kailanma‘y hindi ko na siya makita? Kailangan na po nating sumama kay Itay ngayon!” Pinahid niya ang mas marami pang luha. Nakaramdam siya ng lungkot at galit.
Niyakap siya ni Inay. Nang tumigil siya sa pag-iyak, itinanong ni Inay, “Gusto mo bang manalangin tayong muli para kay Haraboji?”
Tumango si Freddie, at hinalukipkip nila ang kanilang mga kamay at magkasama silang nanalangin.
Araw-araw na nanalangin si Freddie at ang kanyang pamilya para kay Haraboji. Palagi silang pinaaalalahanan ni Freddie. Ginawa niya ang lahat ng makakaya niya upang makatulong habang wala si Itay. Ginawa niya ang ilan sa mga trabaho ni Itay, tulad ng pagpapalakad sa aso at pagbabasa ng mga kuwento sa maliliit na bata bago matulog.
Lumipas ang mga linggo, at hindi na gaanong malungkot si Freddie. Ngunit nag-aalala pa rin siya tungkol kay Haraboji.
Isang gabi ay tinawagan niya si Itay. “Paano po kung hindi na ako makapunta sa Korea kailanman?” tanong niya. “Paano po kung hindi bumuti ang kalagayan ni Haraboji, at mawalan na ako ng pagkakataon na makita siya?”
“Freddie, balang araw ay magkakaroon ka rin ng pagkakataon na makabisita sa Korea. Buhay man o hindi si Haraboji, makikita mo siyang muli. Ang ating pamilya ay walang hanggan.”“
Alam ko po,” sabi ni Freddie. Nagkaroon si Freddie ng mainit na pakiramdam sa kanyang dibdib. Siguradong makikita niyang muli si Haraboji balang araw, anuman ang mangyari.
“Mahal kita, Freddie,” sabi ni Itay. “At malapit na akong umuwi.”
“Mahal ko rin po kayo.”
Nakangiti si Freddie habang ibinababa niya ang telepono. Alam niya na silang lahat ay muling magkakasama balang araw. Masaya siya na mayroon siyang walang-hanggang pamilya.