2021
Vaha’i Tonga
Hulyo 2021


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Vaha’i Tonga

Halimbawa sa Tonga

Ang mga awtor ay naninirahan sa Waikato, New Zealand, at Utah, USA.

Nanatiling nagdasal si Vaha’i, at isang araw ay kakaiba ito.

A group of Tongan Young Men

Lumuhod si Vaha’i sa tabi ng kanyang kama para manalangin. Iyon ang kanyang unang gabi sa boarding school, at kasama niya sa silid ang maraming iba pang mga batang lalaki. Walang isa man sa kanila ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na tulad niya.

“Mahal na Ama sa Langit …” nagsimulang manalangin si Vaha’i sa kanyang puso. Ngunit hindi iyon naging madali. Malakas na nag-uusap at nagtatawanan ang iba pang mga bata.

“Uy, tingnan ninyo!” sigaw ni Akau na isa sa mga kasama niya sa kuwarto. “Nagdarasal siya!”

Nag-alumpihit si Vaha’i. Alam niyang pinagtatawanan siya ni Akau. Subalit nagkunwari siyang hindi naririnig ito. Nagpatuloy lang siya sa pagdarasal.

Nang unang nalaman ni Vaha’i ang tungkol sa ebanghelyo, hindi rin gaanong nagustuhan ng kanyang lolo’t lola ang Simbahan. Nagpupunta si Vaha’i sa Primary kasama ang kanyang tiyo o kanyang mga kaibigan.

Nang naging 12 taong gulang siya, nagpasiya siyang magpabinyag. Hindi masyadong masaya noong una ang kanyang lolo at lola. Ngunit paglaon ay sinabi ng kanyang lola, “Mula ngayon, ikaw ay miyembro na ng Simbahang iyon. Gusto naming manatiling tapat ka.”

Ngayong nasa paaralan si Vaha’i, determinado siyang gawin mismo iyon. Kaya patuloy siyang nagdasal. Kahit pinagtawanan pa siya ng ibang mga bata.

Isang gabi nang lumuhod si Vaha’i, may kakaiba siyang narinig.

“Uy, tumahimik kayo! Nagdarasal si Vaha’i,” sabi ng isa.

Natapos si Vaha’i sa kanyang panalangin at idinilat ang kanyang mga mata.

Nakaupo si Akau sa kanyang kama. “Talagang mahalaga ito sa iyo, ‘di ba?”

Tumango si Vaha’i. “Oo, mahalaga ito.”

Pagkatapos niyon, naging tahimik na ang iba pang mga batang lalaki tuwing nananalangin si Vaha’i. Hindi naglaon ay nagsimulang lumuhod kasama niya si Akau. Sumali na rin ang iba pang mga batang lalaki. Sa huli, ang lahat ng mga batang lalaki sa silid ay lumuluhod upang manalangin bawat gabi kasama si Vaha’i.

Masaya si Vaha’i. Hindi pa niya nararanasan ang family prayer sa kanyang tahanan. Pero ngayon ay magagawa na niya ang family prayer kasama ang kanyang mga kaklase!

Isang araw ay nagkaroon ng ideya si Vaha’i. Isang malaking pulong ng Simbahan ang magaganap. Maaari niyang anyayahan ang kanyang mga kaibigan!

Pagkatapos ng panalangin, sinabi ni Vaha’i sa lahat ang tungkol sa pulong. “Ito ay tinatawag na district conference,” sabi niya. “Nagpupunta ang mga tao para matuto tungkol kay Jesus. Maaari kayong pumunta kung gusto ninyo!”

Dahil kailangan nilang umalis sa paaralan para pumunta sa pulong, bawat isa sa mga bata ay kailangang lumagda sa isang papel para humingi ng pahintulot. Namangha si Vaha’i nang nakita niya ang papel. May 77 pangalan sa listahan!

Naging masaya ang puso ni Vaha’i habang nakaupo siya sa mga hanay ng kanyang mga kaklase at nakinig sa mga mensahe sa kumperensya. Siguro ay masaya rin ang pakiramdam nina Akau at ng ilang iba pa. Sa pagtatapos ng kumperensya, nais ng pito sa kanila na magpabinyag!

Nang gabing iyon matapos manalangin kasama ang kanyang mga kaibigan, umusal si Vaha’i ng kanyang sariling panalangin. “Salamat po at biniyayaan ninyo ako ng mabubuting kaibigan,” sabi niya sa Ama sa Langit. “At sa pagtulong sa akin na maging mabuting halimbawa.”

Ang Tonga ay binubuo ng mga 170 isla sa Karagatang Pasipiko.

Ngayon, anim sa sampung tao sa Tonga ay mga miyembro ng Simbahan.

Ang Tonga ay kilala rin bilang “Friendly Islands (Mga Palakaibigang Isla).”

Si Vaha’i at ang kanyang asawa na si Sela ang unang mag-asawang nabuklod sa Hamilton New Zealand Temple.

Naglingkod siya bilang pangulo ng Nuku’alofa Tonga Temple.

Naging guro siya sa Liahona College, isang mataas na paaralang pag-aari ng Simbahan sa Tonga.

Friend, July 2021

Mga paglalarawan ni Susan Keeter