Ang Tanong ng Katapatan
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ano ang mas mahalaga: isang gawad o ang katotohanan?
“Inyong [gawin] kung ano ang mabuti,” (2 Mga Taga Corinto 13:7).
“Christy, ito ay para sa iyo,” sabi ng kanyang gurong si Gng. Devin. Iniabot niya kay Christy ang isang sobre.
“Salamat po,” sabi ni Christy. Binuksan niya ang sobre at binasa ang sulat sa loob.
Congratulations! Isa ka sa anim na estudyanteng pinili ng mga kaklase mo na tumanggap ng gawad na Natatanging Mamamayan para sa ikalimang grado. Mangyaring pakisagutan ang mga tanong sa ibaba at isumite ang mga ito sa tanggapan sa pagtatapos ng araw para marepaso ng ating mga hukom.
Mahigpit na hinawakan ni Christy ang sobre sa kagalakan. Hindi siya makapaghintay na ipakita ito sa kanyang mga kaibigan!
“Hulaan ninyo!” sabi niya kay Gabriella noong pananghalian. “Baka makatanggap ako ng parangal.”
“Magaling!” sabi ni Gabriella.
“Kailangan ko lang sagutan ang lahat ng tanong na ito,” sabi ni Christy. “Pero pakiramdam ko ay nauubusan ako ng interesanteng bagay na isusulat. Sabi ng isang ito na, ‘Nakagawa ka na ba ng kaibhan sa iyong komunidad?’ Nahihirapan akong mag-isip ng kahit ano.”
“Puwede mo sigurong isulat na lang ang isang bagay na sa palagay mo ay magandang gawin,” sabi ni Gabriella. “Wala lang iyon. Gusto lang nilang malaman kung anong klaseng tao ka.”
Hindi maganda ang pakiramdam ni Christy na mag-imbento ng isang bagay. Pero siguro ay may maisusulat siya na maaari niyang balaking gawin sa hinaharap. Tinapik niya ang kanyang lapis sa pahina habang nag-iisip siya.
Pagkatapos ay naalala niya ang isang karatulang napansin niya sa pampublikong silid-aklatan: “Naghahanap ng mga tutor para sa mga nagsisimulang magbasa.” Gusto niyang tulungang magbasa ang kanyang mga nakababatang kapatid. Masaya rin sigurong tulungan ang iba pang mga bata. Hindi pa siya sumasali upang makatulong … pero gusto niya! Isinulat niya, “Nagbo-volunteer sa silid-aklatan para tulungan ang mga bata na matutong bumasa.”
Tiningnan ni Christy ang isinulat niya. May naramdaman siyang bara sa kanyang lalamunan at pinilit lunukin ito. Pero tila lumalala ang pakiramdam nang maglakad siya palapit sa opisina at ibinigay ang kanyang mga sagot.
Habang naglalakad pauwi si Christy mula sa paaralan, naging mabigat ang mga yapak niya. Sa oras ng pagkain, wala siyang gana.
“OK ka lang ba, honey?” tanong ni Inay.
Bumuntong-hininga si Christy. “Hindi po.”
“Gusto mo bang pag-usapan ito?” tanong ni Itay.
Ipinaliwanag Christy ang nagawa niya. “Hindi na mabuti ang pakiramdam ko mula noon.” Humalukipkip siya at nagpadausdos sa kanyang upuan.
“Masaya ako at nagsabi ka sa amin.” Pinisil ni Inay ang kamay ni Christy. “Iyan ang unang hakbang sa paggawa ng mga bagay na tama.”
“At alam ko kung ano ang susunod na hakbang,” nakangiting sabi ni Christy. Ang isipin lang ang gagawin niya ay nagpaganda ng pakiramdam niya.
Nang gabing iyon habang nagdarasal siya, humingi siya ng paumanhin sa Ama sa Langit dahil hindi siya naging tapat. Alam niyang tutulungan Niya siya na gawing tama ang mga bagay.
Kinaumagahan, nagpunta si Christy sa tanggapan ng paaralan. Binuksan niya ang pinto at pumasok sa loob …