Ang Paboritong Trabaho ni Tomoshi
Ang kuwentong ito ay naganap sa Japan.
“Oras na para diligan ang mga bulaklak,” sabi ni Inay.
“Yehey!” sabi ni Tomoshi. Ibinaba niya ang kanyang mga laruan. Oras na para sa paborito niyang trabaho. Dalawang beses sa isang linggo, tinutulungan niya si Inay na diligan ang mga bulaklak sa gusali ng Simbahan.
Hinanap ni Tomoshi ang kanyang helmet para sa bisikleta. Tinulungan siya ni Inay na itali ang sintas ng kanyang sapatos. Ngayon ay handa na siyang umalis!
Gustung-gusto ni Tomoshi na nagbibisikleta kasama si Inay. Mayroon pa nga siyang sariling espesyal na upuan. Marami siyang nakikitang magagandang bagay sa dinaraan nila.
“Tingnan po ninyo!” sabi ni Tomoshi. Itinuro niya ang isang magandang itim na paruparo.
“Naghahanap iyan ng mga bulaklak,” sabi ni Inay. “Isa iyan sa magagandang nilikha ng Diyos.”
“Tingnan po ninyo!” sabi ni Tomoshi. Itinuro niya ang ilang matitingkad na bulaklak na tumutubo sa tabi ng daan.
Inihinto ni Inay ang bisikleta. Dinampot niya ang bulaklak na nalaglag. “Heto,” sabi ni Inay.
Hinipo ni Tomoshi ang malambot na bulaklak. Maingat niya itong hinawakan sa kanyang kamay.
Ngayon ay nagbibisikleta nang muli si Inay. Kailan kaya sila makakarating sa mga bulaklak na didiligan nila?
“Malapit na tayo,” sabi ni Inay.
Kinawayan ni Tomoshi ang isang matandang lalaki na nakangiti habang nagbibisikleta sila. Kinawayan niya ang isang batang babae na nakahawak sa kamay ng kanyang lola.
At kinawayan niya ang gusali ng Simbahan nang huminto sila sa harapan. Nakarating na sila!
Tinanggal ni Inay ang helmet ni Tomoshi. Iniabot niya kay Tomoshi ang dilaw na sumbrero nito. Isinuot niya ito upang makatulong na maharangan ang araw.
Pagkatapos ay tumulong si Tomoshi na hawakan ang matingkad na luntiang pandilig. Pinuno ito ng tubig ni Inay.
Ngayon ay oras na upang diligan ang mga bulaklak! Diniligan ni Tomoshi ang mga dilaw na bulaklak at asul na bulaklak at kulay-rosas na bulaklak. Tiniyak niya na ang bawat halaman ay madidiligan.
“Tapos na po!” sabi ni Tomoshi.
“Salamat,” sabi ni Inay. “Nakatutulong ka na maglingkod sa Ama sa Langit. Nakatutulong ka na mapaganda ang Kanyang simbahan.”
Ngumiti nang todo si Tomoshi. Masaya siya na nakatutulong siya.