Bagong Resipe ni Winfred
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Kampala, Uganda
“Kami ay namuhay nang maligaya” (2 Nephi 5:27).
Ano ang maaaring ilagay ni Winfred sa kanyang resipe?
Tumutulong si Winfred kay Jajja (Lola) na magluto ng hapunan.
“Mmm, mahilig ako sa matoke,” sabi ni Jajja.
“Ako rin,” sabi ni Winfred. “Isa ito sa mga paborito kong pagkain! Gusto ko ang mga berdeng saging. At ang mga sili at kamatis. Ngunit ang pinakamasarap ay ang sarsa.”
“Iyan ay dahil pinagsasama ng sarsa ang lahat ng mga lasa,” sabi ni Jajja.
Patuloy silang naghiwa ng mga gulay. Pagkatapos ay bumuntong-hininga si Winfred.
“Jajja,” sabi niya, “paano po ninyo nagagawang manatiling masaya sa lahat ng oras?”
“Sinisikap ko,” sabi ni Jajja. “Pero hindi ako masaya sa lahat ng oras. Ang kalungkutan ay bahagi ng buhay. Nalulungkot ka ba ngayon?”
Tumango si Winfred. “Nami-miss ko po si Taata (Itay), dahil nagtatrabaho siya sa malayo. At nami-miss ko po ang eskuwelahan, dahil hindi kami puwedeng pumasok ngayon. At nangungulila ako sa mga kaibigan ko sa simbahan.”
“OK lang na malungkot sa mga bagay na iyon,” sabi ni Jajja. “Hindi laging madali ang buhay.” Pero kapag nalulungkot ako, sinisikap kong sundin ang resipe ko para sa kaligayahan.”
“Resipe po ninyo?”
“Tulad ng ako ay may resipe para sa matoke, mayroon din akong resipe para sa kaligayahan. Kung minsan dahil sa tindi ng kalungkutan ay hindi ito basta napapawi na lang kaagad. Ngunit madalas kong makita na ang aking resipe ay ang eksaktong kailangan ko para mas gumanda ang pakiramdam.”
“Ano po ang resipe ninyo?”
Ngumiti si Jajja. “Bakit hindi mo tingnan kung maaaring ikaw mismo ang makaalam ng isang resipe? Pagkatapos ay maaari mo itong sabihin sa akin.”
Nang gabing iyon nang magdasal si Winfred, alam niyang nakikinig ang Ama sa Langit. Natanto niyang pinasaya siya ng panalanging iyon! Kumuha siya ng papel at isinulat, Ang Resipe ni Winfred para sa Kaligayahan. 1. Magdasal. Pagkatapos ay natulog na siya.
Kinaumagahan ay binasa niya ang Aklat ni Mormon. Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nagpapasaya rin sa kanya. Kinuha niya ang kanyang papel at isinulat, 2. Magbasa ng mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay tiningnan niya ang banal na kasulatan na nakita niya: “Maniwala kay Cristo” (2 Nephi 33:10).
Nagdagdag ng isa pang paalala si Winfred: 3. Sumampalataya kay Jesucristo.
Naisip ni Winfred kung gaano kabait si Jajja na hayaan siyang bumisita. Hinanap ni Winfred si Jajja at sinabing, “Salamat po at hinayaan ninyo akong makasama ninyo.”
Ang pagpapasalamat ay nagpaganda ng pakiramdam ni Winfred. Muli siyang nagsulat sa kanyang papel. 4. Magpasalamat.
Pagkatapos ay tinanong ni Winfred sa kanyang mga kapitbahay kung maaaring pumunta at maglaro sa kanila ang maliliit na bata. Isinama niya ang mga nakababata niyang kapatid na sina Milfred at Alfred. Nang matapos silang maglaro, inanyayahan niya ang mga bata na magbasa kasama niya. Naghiwa ng pakwan si Jajja para pagsaluhan ng lahat.
Kalaunan ay binisita ni Winfred ang kanyang kaibigang si Happy. Magkasama nilang hinugasan ang mga pinggan para sa ina ni Happy. Pagkatapos ay nagwalis sila ng sahig. Masayang tumulong!
Pagsapit ng gabi, tinulungan ni Winfred ang kanyang mga kapatid sa kanilang takdang aralin. Nag-aral siya ng alpabeto kasama si Milfred. Tinulungan niya si Alfred sa matematika.
Nang gabing iyon, muling nakipag-usap si Winfred kay Jajja.
“Mas maganda po ang pakiramdam ko ngayon! Sa palagay ko ay natuklasan ko ang resipe ko sa kaligayahan.”
“Magaling! Sabihin mo sa akin,” sabi ni Jajja.
“Ang Resipe ni Winfred para sa Kaligayahan,” binasa niya. “1. Mananalangin. 2. Magbasa ng mga banal na kasulatan. 3. Sumampalataya kay Jesucristo. 4. Magpasalamat.”
“Napakagandang resipe iyan,” sabi ni Jajja. “Pero tingin ko ay may nakalimutan ka. Ano pa ang nagpasaya sa iyo ngayon?”
Nag-isip sandali si Winfred. “Hmmm, masaya akong nakipaglaro sa maliliit na bata. At sa pagtulong kay Happy at sa kanyang ina. At pag-aaral kasama sina Milfred at Alfred. Teka … iyon nga! Ang pagtulong sa iba ay ang huling sangkap.”
“Tama,” sabi ni Jajja. “Ang paglilingkod sa iba ay parang isang sarsa—pinagsasama nito ang lahat ng iba pang mabubuting bagay sa isa.”
“Magandang resipe iyan.” Ngumiti nang malaki si Winfred. “Gusto kong gawin itong muli bukas.”