Kamangha-manghang Biyaya
Mahal niya ang kanyang katawan, kahit ano pa ang sabihin ng iba.
“Inay! Tingnan po ninyo.” Sumayaw ng shuffle si Grace, itinuktok ang kanyang dancing shoes sa sahig ng kusina.
“Wow!” sabi ni Inay. “Ang galing-galing mo.”
Umikot si Grace. Mahilig siyang sumayaw.
Bumaba ang kuya niyang si Nate sa hagdan. Oras na para magbisikleta siya papunta sa paaralan.
“Ba-bye po, Inay! Ba-bye, Grace,” sabi niya, na tumatakbo palabas ng pinto.
“Puwede po ba akong tumakbo papunta sa dulo ng kalye kasama niya at pagkatapos ay tatakbo ako pabalik?” tanong ni Grace kay Inay.
Tumingin si Inay sa orasan. “Sige,” sabi niya. “May oras ka pa bago ka pumasok sa eskuwela.”
Sinipa ni Grace ang kanyang tap shoes at mabilis na isinuot ang kanyang sneakers. Lumabas siya ng pinto. Pasakay na si Nate sa kanyang bisikleta. Tumakbo si Grace na kasabay niya hanggang sa makarating siya sa dulo ng kalye. Kumaway siya habang paliko si Nate sa kanto. Pagkatapos ay pumihit na siya pabalik at patalun-talon na umuwi.
“Nakabalik na ako!” ang sabi ni Grace kay Inay. Sumalampak siya sa sopa.
“Ang bilis ah!” sabi ni Inay. Umupo siya sa tabi ni Grace. “Tingnan mo ang lahat ng kamangha-manghang mga bagay na ito na magagawa mo. Sumayaw. Tumakbo. Ang katawan mo ay isang kagila-gilalas na kaloob.”
Inisip iyon ni Grace. Hindi niya naisip na ganoon kaganda ang kanyang katawan. Lalo na nang ikumpara niya ang kanyang sarili sa iba pang mga bata sa eskuwela. Kung minsan ay nagrereklamo pa siya tungkol sa kanyang katawan.
Pero gustung-gusto niyang tumatakbo. At masayang-masaya siya nang sumayaw siya. At ang lahat ng iyon ay dahil sa kanyang katawan. Sumayaw siya at ngumiti. Siguro nga kamangha-mangha ang katawan niya.
Makalipas ang ilang araw, sinundo ni Inay si Grace sa eskuwela. “Kumusta ang araw mo?” tanong ni Inay.
“Ayos naman po.” Sumakay si Grace sa kotse at isinuot ang kanyang seatbelt. “Medyo mabuti naman po. Sa tanghalian may sinabi pong hindi maganda ang isang batang lalaki tungkol sa katawan ko.”
Tiningnan siya ni Inay sa salamin. “Hay, anak. Sorry.”
Nagkibit-balikat si Grace. “Sinabi ko sa kanya na hindi maganda ang sinabi niya. At umalis ako at nakipag-usap sa iba pang mga bata.”
“Ipinagmamalaki kita,” sabi ni Inay. “Paano ka nananatiling kalmado?”
Tumalun-talon si Grace. “Naalala ko po ang sinabi ninyo sa akin. Kung paanong ang katawan ko ay isang regalo mula sa Ama sa Langit. Alam ko na kung aalagaan ko ang katawan ko, pagpapalain Niya ako para magawa ko ang kailangan kong gawin.”
Pumarada si Inay sa harapan ng kanilang bahay. “Tama ka! Ayos ka lang ba?”
“Ayos lang po. Magbibisikleta lang po ako bago ko gawin ang homework ko, OK lang po ba?” Nagmamadaling lumabas ng kotse si Grace. Hindi nagtagal ay nakasakay na siya sa kanyang bisikleta, na mabilis na pumapadyak sa bangketa.
Mahal niya ang kanyang katawan, kahit ano pa ang sabihin ng iba. Ang kanyang katawan ay isang regalo.
Lalo pang binilisan ni Grace ang pagpadyak.