2022
Ang Unang Mensahe ni Moira
Hunyo 2022


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Ang Unang Mensahe ni Moira

Alam niya na magagawa niya ito sa tulong ng Ama sa Langit.

girl standing and speaking at podium in church

Mahinang humimig si Moira habang naglalakad sila ni Mamá palabas ng chapel. Katatapos lang ng pulong sa Simbahan.

“Hi, Moira,” sabi ni President Scott. Si Richard G. Scott ang mission president noon sa Argentina, kung saan nakatira si Moira. “Puwede ka bang magbigay ng mensahe sa district conference sa susunod na buwan?”

Napalunok si Moira. Siya ay 12 taong gulang pa lang noon, at hindi pa siya nakapagbigay ng mensahe kahit kailan! “Susubukan ko po,” sabi niya.

Ngumiti si President Scott. “Salamat! Kaya mo ‘yan.”

Habang pauwi mula sa simbahan, mabilis ang tibok ng puso ni Moira. “Hindi ko alam kung magagawa ko ito” sabi niya.

“Tutulungan ka ng Ama sa Langit,” sabi ni Mamá. “Tinulungan ka Niyang gawin ang mahihirap na bagay noon, hindi ba?”

Tumango si Moira. Tinulungan na siya noon ng Ama sa Langit. Tulad nang sumapi sila ni Mamá sa Simbahan noong isang taon.

Nasasabik si Moira na sabihin sa kanyang matalik na kaibigang si Dorita ang tungkol sa kanyang binyag. Pero nang malaman ng mga magulang ni Dorita, hindi na nila pinapayagang makipaglaro si Dorita kay Moira. Napakalungkot ni Moira.

Pero tinulungan siya ng Ama sa Langit na magkaroon ng mga bagong kaibigan. Sa kanyang unang Linggo sa simbahan, nakita niya ang isang batang babae na nakatayo sa tabi ng pinto.

“Hi,” sabi ng bata. “Ako si Carmen. Gusto mo bang maupo sa tabi ko?” Hindi nagtagal ay naging mabuting magkaibigan sina Carmen at Moira.

Kailangan ni Moira ng lakas-ng-loob para makapagsalita sa district conference. Pero alam niya na magagawa niya ito sa tulong ng Ama sa Langit. Nang sumunod na ilang linggo, inihandang mabuti ni Moira ang kanyang mensahe. Isinulat niya ang sasabihin niya. Pagkatapos ay nagpraktis siyang sabihin ito nang malakas.

Sa wakas ay dumating ang araw para sa kanyang mensahe. Umupo si Moira sa harapan at tiningnan ang lahat ng tao sa chapel. Napakarami nila!

Pagkatapos ay nakita ni Moira ang isang taong kumakaway sa kanya. Si Carmen pala! Kumaway din si Moira. Nang makita ang kanyang kaibigan sa maraming tao, mas bumuti ang pakiramdam niya.

Nang siya na ang magsasalita, lumapit si Moira sa mikropono. Huminga siya nang malalim. Pagkatapos ay nagsalita na siya. Sa una ay garalgal ang boses niya. Pero nadama niyang tinutulungan siya ng Espiritu Santo. Sa huli, ibinahagi niya ang kanyang patotoo. “Alam ko na buhay si Jesus at mahal Niya tayo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Pagkatapos ng miting, lahat ay lumabas para sa isang salu-salo sa tanghalian. Nakita ni Carmen si Moira at niyakap siya. “Ang galing mo!” sabi niya.

“Salamat! Natakot ako, pero talagang tinulungan ako ng Ama sa Langit.” Ngumiti si Moira. Nagawa niya ang isang bagay na hindi pa niya nagawa noon, at dahil diyan ay naging pioneer siya.

Ang Argentina ang pangalawang pinakamalaking bansa sa Timog Amerika.

Hindi magtatagal, magkakaroon na ng limang templo sa Argentina.

Ang Argentina ay may mahigit 30 pambansang parke.

Si Elder D. Todd Christofferson ay isa sa mga missionary na nagturo kay Moira at sa kanyang pamilya.

Noong 12 taong gulang si Moira, siya ang Primary secretary sa kanyang branch.

Ngayon, nagtatrabaho si Moira para sa Simbahan sa Utah, USA.

Page from the June 2022 Friend Magazine.

Mga larawang-guhit ni Christopher Thornock