Kaibigan sa Kaibigan
Walang Lugar na Katulad ng Tahanan
Mula sa isang interbyu ni Sydney Walker.
Ang aking kalola-lolahan ay si Mary Wilson Montgomery. Isinilang siya sa Scotland. Siya at ang kanyang asawang si Robert ay naglayag papuntang Canada na naghahanap ng mga bagong oportunidad.
Noong tagsibol ng 1845, nakilala nila ang mga missionary. Noong taglamig na iyon, handa na sina Mary at Robert na sumapi sa Simbahan. Kinailangan nilang gumawa ng butas sa yelo para mabinyagan!
Lumipat sina Mary at Robert sa Nauvoo, Illinois, USA, para makasama ang iba pang mga miyembro ng Simbahan. Pero hindi nagtagal napilitan silang lisanin ang kanilang mga tahanan. Nagpunta sila sa Utah sakay ng isang bagon na may kalandong. Nanirahan sila sa North Ogden sa paanan ng isang bundok. Ipinaalala nito kay Elizabeth ang isang bundok sa Scotland na may pangalang Ben Lomond (Beacon Mountain). Hiniling niya sa mga lider ng lunsod na Ben Lomond din ang ipangalan sa bundok na ito. Pumayag sila.
Noong lumalaki ako, nakatira ang lolo’t lola ko sa paanan ng Ben Lomond sa Utah. Madalas kaming magpunta sa bahay nila para ipagdiwang ang mga holiday at espesyal na mga kaganapan. Sa taglamig, parang mukha ang niyebe sa bundok. Sinabi sa akin ng lola ko na ipinaalala sa kanya ng bundok na maging matatag, matapang, at tapat, tulad ni Mary. Sinabi niya na para itong anghel na nagbabantay sa amin. “Hangga’t nakikita mo ang Ben Lomond,” sabi niya, “nasa tahanan ka.”
Palagay ko ang mga templo ay katulad ng Ben Lomond. Ipinapaalala nito sa atin na maging matatag, matapang, at tapat. Kapag tinitingnan natin ang templo, naaalala natin ang ating tahanan sa langit. Walang katulad ang tahanan!