Ang Listahan ng Kuya
Patuloy na nilalaro ng mas batang kapatid ni Andrew na si Samantha ang kanyang mga gamit.
“Bakit niya pinakikialaman ang mga gamit ko?” tanong niya kay Inay.
“Maliit pa si Samantha. Kasalukuyan siyang natututo,” sabi ni Inay. “Pero mahal ka niya.”
Alam niya iyon. Pero hindi iyon nakagaan sa pakiramdam niya. Pagod na siya sa pagpapahiram.
Kinuha ni Andrew ang kanyang mga krayola. Nagdrowing siya ng larawan ng pusa ng kanyang lola. Pagkatapos ay hinanap niya si Inay.
“Puwede ko bang ipadala ang larawan na ito kay Lola?” tanong niya.
“Maganda ang naisip mo,” sabi ni Inay.
Nang bumalik si Andrew, kinukulayan na rin ni Samantha ang larawan.
“Sinira mo!” sigaw niya.
Nagsimulang umiyak si Samantha. Nalungkot si Andrew. Hindi niya gustong paiyakin siya.
“Sorry,” sabi niya kay Inay. “Pero pagod na po ako na maging kuya.” Parang gusto rin niyang umiyak.
Niyakap ni Inay si Andrew. “Sorry nagdrowing siya sa larawan mo. Maaaring mahirap ang maging kuya. Sasabihan ko si Samantha na huwag gagalawin ang mga gamit mo nang hindi muna nagpapaalam, at siguro maaari mo ring isulat ang ilang bagay na gusto mong ginagawa na kasama siya. Pagkatapos kapag nagalit ka sa kanya, maaari mong gawin ang isa sa mga bagay na nasa listahan.”
Pinag-isipan ito ni Andrew. Pagkatapos ay tumango siya.
Nagtulong si Andrew at si Inay sa paggawa ng listahan.
Gusto kong nakikipaglaro kay Samantha.
Gusto kong ipagamit sa kanya ang mga laruan ko kung minsan.
Gusto ko kapag niyayakap ako ni Samantha.
Gusto kong binabasahan siya ng mga aklat.
Natapos ni Andrew ang kanyang listahan. Pagkatapos ay niyakap niya si Samantha. Maraming mabubuting bagay tungkol sa pagiging isang kuya!