Ang Tanong sa Video
Kailangan ni Josué ng mga sagot, pero sino ang maaari niyang tanungin?
Pumasok si Josué sa internet café. Nakahanay ang mga computer, at ang tunog ng mga zap at ping mula sa mga video game ang pumuno sa silid. Wala siyang computer sa bahay, kaya dito siya nagpupunta para makagamit nito. Sabik na siyang makapanood ng ilang magagandang video!
Nasa likuran niya ang kaibigan niyang si Carlos. Inabutan ni Josué ang may-ari ng kaunting pera. Pagkatapos ay nakakita sila ni Carlos ng computer na gagamitin.
Una ay hinanap ni Josué ang isang nakakatawang video na sinabi sa kanya ng isang kaibigan sa paaralan. Pagkatapos ay pumili si Carlos ng isang video para panoorin. Patuloy silang naghalinhinan.
“Tingnan mo, tungkol ito sa Simbahan,” sabi ni Josué. Nag-klik siya sa video at nagsimulang manood.
Ang lalaki sa video ay nagsabi ng nakalilitong mga bagay tungkol sa Simbahan. Sinabi niya na hindi totoo ang Simbahan. Hindi maganda ang pakiramdam at hindi mapalagay si Josué dahil sa video.
“Sa palagay mo ba totoo ang sinabi ng lalaking iyon?” Tanong ni Josué nang matapos na ang video.
Umiling si Carlos. “Sa palagay mo ba totoo ang sinabi niya?”
Sumimangot si Josué. Ipinagdasal niyang malaman na totoo ang Simbahan at maganda ang pakiramdam niya tungkol dito. Palaging payapa ang pakiramdam niya kapag nagsisimba siya o nagbabasa ng kanyang banal na kasulatan. Pero hindi niya alam kung ano ang iisipin tungkol sa narinig niya sa video.
Nang gabing iyon, alumpihit si Josué sa kanyang kama. Hindi siya makatulog! Napakaraming tanong ang pumapasok sa kanyang isipan. Pero sino ang puwede niyang tanungin? Hindi miyembro ng Simbahan si Papá, at masyadong abala si Mamá sa pagtatrabaho. Walang puwedeng makausap.
Kinabukasan sa paaralan, nakangiting mabuti si Carlos. “Tinanong ko ang tatay ko tungkol sa sinasabi ng lalaki sa video. Sinagot niya ang lahat ng tanong ko.”
Tumayo nang tuwid si Josué. “Talaga? Sa palagay mo ba puwede ko ring kausapin ang tatay mo tungkol dito?”
“Oo! Magpunta ka sa bahay namin pagkatapos ng pasok sa eskuwela, at maaari nating kausapin ang tatay ko.”
Mabagal na lumipas ang natitirang bahagi ng araw sa paaralan. Napatayo si Josué sa kanyang upuan. Nahirapan siyang magpokus. Lahat ng mga tanong na pumapasok sa kanyang isipan ay maaaring magkaroon ng mga sagot!
Pagkatapos ng klase, naupo sina Brother Zavala, na tatay ni Carlos, kasama sina Josué at Carlos. Matagal nilang pinag-usapan ang tungkol sa video. Sinagot ni Brother Zavala ang lahat ng tanong ni Josué!
“Nag-alala po ako na hindi ninyo alam ang sagot sa mga tanong ko,” sabi ni Josué.
“Kung wala man akong maisagot, laging may mga sagot ang Ama sa Langit,” sabi ni Brother Zavala.
“Pero tuwing magdarasal ako para malaman ang isang bagay, may nadarama lang ako. Hindi ko talaga nakukuha ang sagot,“ sabi ni Josué.
“Kung minsan ang nadarama natin ang sagot sa atin,” sabi ni Brother Zavala. “Maaari tayong patuloy na magsaliksik sa mga banal na kasulatan at magdasal para makaunawa. Maaaring hindi dumating kaagad ang mga sagot, pero OK lang iyan. Alam ng Ama sa Langit ang lahat ng bagay na hindi natin alam. At matutulungan tayo ng Espiritu Santo na makadama ng kapayapaan.”
Sa natitirang oras ng araw na iyon inisip ni Josué ang sinabi ni Brother Zavala. Nang gabing iyon, lumuhod siya para manalangin. “Ama sa Langit,” sabi niya, “totoo po ba ang sinabi ni Brother Zavala? Ayaw ko pong makadama ng pagkalito.”
Naging panatag at masaya si Josué. Nagpapasalamat siya na patuloy siyang makapagtatanong. At natuwa siya na ibinigay sa kanya ng Ama sa Langit ang sagot na kailangan niya.