Mga Aktibidad para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Para sa home evening, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o para lang sa paglilibang!
Si Debora at ang Puno ng Palma
Para sa Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16
Kuwento: Si Debora ay isang mabuting pinuno. Naupo siya sa ilalim ng puno ng palma at nakinig sa kanyang mga tao (tingnan sa Mga Hukom 4:4–5). Tinulungan niya silang magsisi at sumunod sa Diyos.
Awit: “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 82–83)
Aktibidad: Sabi sa Mga Awit 92:12, “Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma.” Gawin ang puno ng palma sa pahina 36. Pag-usapan ang mga paraan na masusunod ninyo ang Diyos.
Mga Butil ng Paglilingkod
Para sa Ruth; 1 Samuel 1–3
Kuwento: Basahin ang tungkol kay Ruth sa kuwento sa banal na kasulatan sa pahina 8. Nagtrabaho siya nang husto at nagtipon ng mga butil para alagaan ang ina ng kanyang asawa. Pinagpala siya ng Diyos dahil sa paglilingkod sa iba.
Awitin: “Kung Tayo’y Tumutulong,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108)
Aktibidad: Gumupit ng mga papel at gawing hugis ng mga butil. Gumamit ng patpat o mahabang papel bilang isang puno. Idikit o iteyp ang iyong mga butil sa puno para gumawa ng tangkay ng butil. Tuwing maglilingkod ka sa isang tao, alisin ang isang butil. Magpatuloy hanggang sa wala nang matira sa puno!
Pagbato kay Goliat
Para sa 1 Samuel 8–10; 13; 15–18
Kuwento: Noong bata pa si David, hinarap niya ang isang higanteng kawal na nagngangalang Goliat para protektahan ang kanyang mga tao. Alam ni David na tutulungan siya ng Panginoon na matalo si Goliat. (Maaari mo ring basahin ang kuwento sa 1 Samuel 17.)
Awitin: “Ako’y Magiging Magiting” (Aklat ng mga Awit Pambata, 85).
Aktibidad: Gumawa ng square o kudrado sa sahig gamit ang chalk o teyp. Isulat ang pangalang “Goliat” sa loob. Umatras at ihagis ang maliliit na bato sa kudrado o square Sa tuwing nasa sakop ng parisukat ang iyong maliliit na bato, magbanggit ng isang paraan na tinutulungan ka ng Ama sa Langit na madaig ang malalaking hamon.
Ang Kuwento ng Kordero
Para sa 2 Samuel 5–7; 11–12; 1 Mga Hari 3; 8; 11
Kuwento: Nagkuwento ang propetang si Nathan tungkol sa dalawang lalaki. Maraming kordero ang unang lalaki. Ang pangalawang lalaki ay may iisang kordero lamang. Ninakaw ng lalaking may maraming tupa ang kordero ng isa pang lalaki. Nalungkot nang husto ang lalaking mayroong isang kordero. Nalungkot din dito ang Ama sa Langit. (Tingnan sa 2 Samuel 12:1–4.)
Awitin: “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41)
Aktibidad: Isadula ang kuwento ng dalawang lalaki at ng mga kordero. Maaari kayong gumamit ng mga laruan o iba pang bagay para sa mga kordero. Pagkatapos ay isadula itong muli, pero sa pagkakataong ito ay baguhin ang katapusan ng kuwento! Ano ang maaaring gawin ng unang lalaki para maging mabait sa halip na makasarili?