Ang Karera sa Pagkuha ng Panggatong
Sinabi ng propeta na hindi tayo dapat tumigil sa paghahanda.
Tumutunog ang lupa habang tumatakbo si Luke. Lumingon siya. Malapit na siyang maabutan ng kapatid niyang si Robert!
“Tag! Taya ka!” sabi ni Robert.
Humagikgik si Luke. Hinabol niya ang kanyang ate na si Mili.
Pagkatapos ng laro, umupo ang lahat para magpahinga.
“Ano ang puwede nating laruin ngayon?” tanong ni Mili.
Masaya si Luke na may mga kapatid siyang makakalaro. Pero maraming nagbago dahil sa COVID-19. Hindi sila makapunta sa mga lugar na maraming tao. At kung minsan hindi sila pinapayagang lumabas.
Sinubukan ni Luke na mag-isip ng laro na maaari nilang laruin. At naisip niya ang isang bagay na narinig niya sa Primary.
“Palagay ko dapat tayong gumawa ng isang bagay para maging handa,” sabi ni Luke.
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ni Mili.
Tiningnan ni Luke ang mga puno ng bayabas sa paligid ng kanilang bahay. “Sinabi ng propeta na hindi tayo dapat tumigil sa paghahanda. Siguro maaari tayong mangolekta ng panggatong ngayon. Maaari nating gawing laro ito para makita kung sino ang may pinakamaraming makukuha!”
Nagmamadaling pumunta si Luke at ang kanyang mga kapatid sa mga puno malapit sa kanilang bahay. Nanguha si Luke ng mga patpat at binuhat ang mga ito at tumakbo pabalik para isalansan ang kanyang mga kahoy sa munting kamalig. Nang makarating doon ang kanyang mga kapatid, tinulungan niya silang isalansan din ang kanilang mga kahoy. Pabalik-balik silang tumakbo hanggang sa makatipon sila ng malaking salansan.
“Sapat na itong pangluto sa buong linggo!” sabi ni Mili.
“Ang saya,” sabi ni Robert. “Gusto kong handa ako!”
“Ako rin,” sabi ni Luke. Gusto niyang gumawa ng iba pang bagay para maging handa.
Pagkatapos ay nagtanim sila ng kanyang kapatid ng bele (isang berdeng gulay) sa kanilang halamanan. Pinutol ni Luke ang mga sanga mula sa mga matandang halaman para marami pa silang maitanim.
Habang nagtatrabaho sila, lumabas ang lolo’t lola at mga magulang nila.
“Kayo ba ang nagtanim ng bele?” tanong ni Lolo.
“Opo,” sabi ni Luke. “At nanguha rin po kami ng panggatong!”
“Salamat,” sabi ni Itay. “Talagang abala ako ngayon. Hindi ko makakayang gawin iyon.”
Nang hapong iyon, naupo si Luke sa loob kasama ang kanyang pamilya. Narinig nila ang anunsiyo sa radyo na kailangang manatili ang lahat sa bahay sa loob ng apat na araw para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19. Walang pinapayagan na lumabas ng kanilang tahanan.
“Mabuti na lang nangolekta tayo ng panggatong kanina. Hindi na tayo puwedeng manguha ngayon,“ sabi ni Mili.
Ngumiti si Luke. Masaya siya na sinunod nila ang paanyaya ng propeta na maging handa.