“Tore ng Pananampalataya,” Kaibigan, Hulyo 2023, 10–11.
Ang Tore ng Pananampalataya
Nais ni Dashanel na maging mataas at malakas ang kanyang pananampalataya kay Cristo.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Jamaica.
Tinulungan ni Dashanel ang kanyang kuya na kunin ang tinapay na may mani sa oven. Napakabango nito!
Pagkatapos ay nakarinig siya ng katok sa pinto. “Narito na ang mga missionary!” sabi ng kanyang kapatid na babae.
Tumakbo si Dashanel sa pintuan. Gustung-gusto niyang dumarating ang mga missionary. Palaging maganda ang pakiramdam niya kapag bumibisita sila. Kung minsan, mayroon silang mga laro para sa kanya at sa kanyang mga kapatid.
“Gumawa ulit ng tinapay na may mani si Tyrell!” sabi ni Dashanel. Mahilig magluto ang kapatid niya para sa mga missionary.
“Hindi na ako makapaghintay na tikman ito,” sabi ni Elder Colas. Pumasok sila ni Elder Yusaki at umupo sa sahig. Umupo si Dashanel, ang kanyang kapatid na lalaki at babae, at si Inay sa tapat nila.
“Ano ang gagawin natin para sa lesson ngayon?” tanong ni Dashanel.
Inilabas ni Elder Yusaki ang isang salansan ng mga cup. “Magtatayo tayo ng isang tore ng pananampalataya. Bawat isa sa mga cup na ito ay kumakatawan sa isang bagay na magagawa natin para mapalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo.”
Sinimulan ni Elder Yusaki na isalansan ang mga cup para makabuo ng isang tore. Nakita ni Dashanel na nakasulat sa mga baso ang mga salitang tulad ng “panalangin,” “pag-aaral ng mga banal na kasulatan,” at “simbahan.”
“Ang lahat ng ito ay mga bagay na ipinagagawa ninyo sa amin bilang isang pamilya,” sabi niya.
“Tama,” sabi ni Elder Colas. “Kapag ginagawa ninyo ang mga bagay na ito, pinalalakas ninyo ang inyong pananampalataya kay Jesucristo.”
Naghalinhinan si Dashanel at ang kanyang mga kapatid sa pagtatayo ng sarili nilang mga tore gamit ang mga cup habang nakikinig sila sa lesson.
Pagkaalis ng mga missionary, pinag-isipan ni Dashanel ang itinuro nila. Nais niyang maging mataas at malakas ang kanyang pananampalataya kay Cristo, tulad ng toreng itinayo niya.
Sa paglipas ng mga buwan, mas marami pang natutuhan si Dashanel tungkol sa ebanghelyo mula sa mga missionary. Nagsimula siyang magsimba kasama ang kanyang pamilya. Naisip niya na ang kanyang tore ng pananampalataya ay pataas na nang pataas.
Isang araw, pagkaalis ng mga missionary, kinausap ni Dashanel si Inay. “Puwede po ba akong magpabinyag?” tanong niya.
“Sigurado ka bang handa ka na?” tanong ni Inay.
“Opo,” sabi niya. “Gusto ko pong tularan si Jesus.”
“OK,” sabi ni Inay. “Kung gusto mo, maaari kang mabinyagan.”
Pinili rin ng mga kapatid ni Dashanel na magpabinyag. Sinabi ni Inay na hindi pa siya handang magpabinyag.
Sa araw ng kanilang binyag, nakasuot ng puting damit si Dashanel at ang kanyang mga kapatid. Matiyaga silang naghintay na mabinyagan.
Nang si Dashanel na ang bibinyagan, tinulungan siya ni Elder Yusaki na lumusong sa tubig. Pagkatapos ay sinambit ni Elder Yusaki ang panalangin sa binyag at inilubog siya nito sa tubig. Nang umahon si Dashanel, hindi niya mapigilang ngumiti! Siya ay naging masaya at malinis. Ayaw niyang malimutan ang damdaming ito.
Patuloy na gumawa si Dashanel ng mga bagay-bagay upang mapatatag ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo. Nagbasa siya ng mga banal na kasulatan kasama ang kanyang pamilya. Nagdasal siya sa Ama sa Langit. Gumawa siya ng mabubuting bagay para sa iba. At naalala niya ang nadama niya nang mabinyagan siya. Gusto rin niyang madama iyon ni Inay.
“Inay, bakit hindi pa po kayo magpabinyag?” tanong ni Dashanel isang araw.
Saglit na natahimik si Inay. “Mabuti kayong halimbawa sa akin. Ngayon ay kailangan kong magpakita ng halimbawa sa inyo,” sabi niya. “Gusto ko ring magpabinyag.”
Sa araw ng binyag ni Inay, napakasaya ni Dashanel. Nang umahon si Inay mula sa tubig, nakangiti ang lahat. Ngayon, ang buong pamilya ni Dashanel ay maaari nang magtayo ng kanilang mga tore ng pananampalataya nang sama-sama.
Mga larawang-guhit ni Alyssa Tallent