“Kofta para sa Tanghalian,” Kaibigan, Hulyo 2023, 12–13.
Kofta para sa Tanghalian
“Ano ang kakatwang kinakain mo?”
Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.
Umupo si Roy sa mesa at binuksan ang kanyang bag na baunan para sa tanghalian. Kalilipat lang ng kanyang pamilya, at ito ang unang araw niya sa kanyang bagong paaralan. Iniluto ng kanyang ina ang paborito niyang pagkain sa Armenia na kofta. Sabik na siyang kainin ito!
Inalis ni Roy ang papel na wax na nakabalot sa kofta. Para itong isang mahaba at mapayat na meatball. Gustung-gusto niya ang amoy ng mga pampalasa sa karne. At naging mukha itong maliit na pito dahil sa butas nito sa gitna. Inilagay niya ito sa kanyang mga labi at hinipan ito. Pagkatapos ay kumagat siya. Ang sarap!
“Uy,” sabi ng isang batang lalaki sa tapat ng mesa. “Ano ang kakatwang bagay na kinakain mo?”
Nadama ni Roy na namula ang kanyang mga pisngi. “Tanghalian ko ito.”
“Mukhang hindi ito gaanong maganda.” Tumawa ang batang lalaki.
Hindi alam ni Roy kung ano ang sasabihin. Hindi niya alam na walang kumakain dito ng kofta. Ayaw niyang isipin nila na kakatwa siya! Kaya itinabi niya ang kanyang tanghalian at tumakbo sa labas para sa recess.
Pagkatapos ng klase, nakita ni Roy si Inay na naglalabas ng mga gamit sa mga kahon.
“Ayaw ko na pong magbaon ng kofta sa paaralan,” sabi ni Roy.
“Bakit?” tanong ni Nanay. “Paborito mo iyon.”
Sinabi sa kanya ni Roy ang nangyari sa paaralan. “Nakakahiya po talaga!”
“Sori na nangyari ito,” sabi ni Inay. “Karamihan sa mga tao rito ay hindi pa nakakain ng kofta. Ano kaya kung bigyan natin ng pagkakataon ang ibang mga bata na tikman ito?”
“Bakit?” tanong ni Roy. “Hindi po nila ito kakainin.”
“Hindi mo malalaman kung hindi ka magtatanong! Alam ko na mahirap magkaroon ng mga bagong kaibigan. Pero lahat tayo ay mga anak ng Diyos. Kung minsan kailangan lang nating mas makilala pa ang isa’t isa.”
Pinag-isipan ito ni Roy. Ayaw niyang mapagtawanan. Pero gusto niyang bigyan ang mga bata sa tanghalian ng mas magandang pagkakataong makaunawa. At talagang masarap ang kofta.
Tumango siya. “OK. Gumawa tayo ng mas marami.”
Kinabukasan sa tanghalian, huminga nang malalim si Roy. Umupo siya sa tabi ng batang lalaking nagtawa sa kanya.
Binuksan ni Roy ang lalagyan ng kanyang tanghalian. “Gusto bang subukan ng sinuman sa inyo ang ilang pagkaing Armenian?”
Nagtipon ang iba pang mga bata paikot kay Roy habang inaalis niya sa balot ang kofta.
“Titikim ako,” sabi ng batang lalaki.
“Ako rin,” dagdag ng isang batang babae. Ipinapasa-pasa ni Roy ang kofta para ang lahat ay makatikim nito. Pagkatapos ay kumagat silang lahat.
“Ang sarap talaga nito!” sabi ng batang lalaki. “Ano’ng tawag dito?”
“Kofta,” sabi ni Roy.
“Ang galing!” Ngumiti ang batang lalaki. “Ako si John. Gusto mo bang maglaro sa recess?”
Tumango na lamang si Roy dahil may laman ang bibig niya. Tama ang kanyang ina—lahat sila ay mga anak din ng Diyos! At ang pagbabahagi ay nakatulong sa kanya na magkaroon ng mga kaibigan.