“Nagbahagi si Benjamin tungkol sa Family History,” Kaibigan, Hulyo 2023, 36–37.
Nagbahagi si Benjamin tungkol sa Family History
Si Benjamin ay taga-Buenos Aires, Argentina. Tinanong namin siya tungkol sa ilang bagay sa family history.
Paano ka nagsimulang gumawa ng family history?
Sinimulan kong gumawa ng family history kasama ng tatay ko. Magkasama namin itong ginawa tuwing Linggo. Tinulungan ako ng tatay ko na matutuhan kung paano gamitin ang FamilySearch. Kinailangan kong magpraktis nang magpraktis. Ngayo’y ginagawa ko ang family history kasama ang tatay ko o ang pinsan kong si Jasmina.
Ano ang pinakagusto mo tungkol sa family history?
Tuwang-tuwa akong makahanap ng mga bagong tao na maidaragdag sa aking family tree. Una, naghahanap ako ng mga lumang talaan. Pagkatapos ay hinahanap ko ang mga pangalan ng aking mga ninuno. Hinahanap ko ang mga petsa ng kanilang kapanganakan at kung saan sila isinilang. Hinahanap ko rin ang iba pang mga lugar na tinirahan nila.
Ano ang nalaman mo tungkol sa iyong mga ninuno?
Nalaman ko na mayroon akong mga ninuno mula sa Italy at Germany. Ang isa sa aking mga ninunong mula sa Italy ay may katulad na pangalan ng kapatid ko! Ang pangalan ng kapatid ko ay “Santiago,” na “Giacomo” sa Italian. Nalaman ko rin na iba ang pagkakabaybay dati ng apelyido namin.
Paano mo tinutulungan ang ibang tao na gumawa ng family history?
Tinutulungan ko ang lola ko na gamitin ang FamilySearch. Tinuruan ko siya kung paano magdagdag ng mga alaala. Tinulungan ko rin siyang magdagdag ng nawawalang mga tao sa kanyang family tree. Ang ilan sa kanyang mga kamag-anak ay may napakaraming pangalan! Mahabang panahon ang kinailangan para maisulat silang lahat. Pero talagang masaya ako na natutulungan ko siyang matutong gumamit ng FamilySearch, tulad ng pagtulong sa akin ng tatay ko.
Anong proyekto sa family history ang susunod na gusto mong gawin?
Gusto kong gumawa ng mga video para sa aking mga kaibigan at pamilya para matulungan silang matutuhan kung paano gamitin ang FamilySearch. Nang magsimula ako, marami akong kailangang matutunan. Gusto kong turuan ang ibang tao para magawa rin nila ang bagay na ito.
Mga larawang-guhit ni Laura Zarrin