“Ang Paglilinis ng Halamanan,” Kaibigan, Hulyo 2023, 4–5.
Ang Paglilinis ng Halamanan
“Sino ang maaari nating anyayahang tumulong sa atin?”
Ang kuwentong ito ay naganap sa England.
Kinain ni Jonah ang kanyang huling kagat ng pagkain at ngumiti. Palaging mas masaya ang hapunan kapag dumarating ang mga missionary.
“Gusto naming magbahagi sa inyo ng isang mensahe tungkol sa paglilingkod,” sabi ni Sister Kearl. “Bakit mahalaga ang paglilingkod sa iba?”
“Dahil napapasaya nito si Jesus!” sabi ni Eliza, ang nakababatang kapatid ni Jonah.
“Tama ka! Labis na nagpapasaya ito sa Kanya. At kapag tinutulungan natin ang iba, nagpapasaya rin ito sa atin,” sabi ni Sister Christensen. “May kakilala ba kayo na nangangailangan ng tulong?”
Nag-isip sandali si Jonah. “Wala akong maisip na tao, pero kailangan ng tulong sa paglilinis ng halamanan namin sa paaralan.”
“Magandang ideya,” sabi ni Inay.
Ang paaralan ni Jonah ay may halamanan kung saan maaari silang gumawa ng mga aktibidad sa labas. Pero walang nag-alaga sa halamanan sa loob ng mahabang panahon. Sobrang taas na ng mga palumpong. Marami rin itong damo.
“Gustung-gusto namin kayong tulungan dito!” sabi ni Sister Kearl. “Sino ang maaari nating anyayahang tumulong sa atin sa paglilinis nito?”
“Ang mga pinsan namin!” sabi ni Jacob, na kapatid ni Jonah.
“At ang klase namin sa Primary,” sabi ni Jonah.
Kinabukasan, kinausap ni Inay ang isang tao sa paaralan para humingi ng pahintulot. Pumili sila ng araw para linisin ang halamanan. Pagkatapos ay tinulungan ni Inay si Jonah at ang kanyang mga kapatid na tawagan ang kanilang mga pinsan at klase sa Primary.
Makalipas ang ilang linggo, nakilala ni Jonah at ng kanyang pamilya ang mga missionary sa paaralan. Naroon din ang kanilang mga pinsan at kaibigan sa Primary. Oras na para magtrabaho!
Nagsuot si Jonah ng isang pares ng malalaking guwantes na goma para sa paghahalaman. “Tingnan po ninyo, Inay. Ang laki ng mga kamay ko!”
Tumawa si Inay. “Maaari mong gamitin ang malalaking kamay na iyan sa pagtulong na tabasan ang mga palumpong na ito.”
Iniabot niya kay Jonah ang panggupit na parang higanteng gunting. Pagkatapos ay tinulungan niya itong gupitin ang mga patay na sanga.
“Nakakatuwa ito,” sabi ni Jonah.
Habang naggugupit si Jonah, tumulong si Eliza sa paghukay sa paligid ng halamanan. Tinulungan ni Jacob si Itay na gumawa ng bagong bahay na ibon. Ang iba naman ay nagbunot ng mga damo at nagtipon ng mga sanga. Inilagay nila ang mga ito sa malalaking asul na plastik na supot. Maging ang bunsong kapatid ni Jonah na si Ezra ay tumulong sa pagpulot ng mga bato.
Hindi nagtagal ay malinis na ang halamanan. Binilang ni Jonah ang mga supot na napuno nila. “May 13 supot!” sabi niya. “Napakaraming basura ang nalinis natin.”
Ngumiti si Sister Christensen. “Ngayon kailangan natin ang lakas ng bawat isa para tulungan tayong dalhin ang mga ito sa kotse.”
Kumuha sina Jonah, Jacob, at Eliza ng tag-iisang supot. Nakadama ng saya si Jonah nang ilagay niya ang huling supot sa sasakyan. Masayang tumulong sa mga missionary. Gusto rin niyang maging isang missionary balang-araw. Pero bago iyon, maraming paraan para makapaglingkod siya. Halos hindi siya makapaghintay na isipin ang susunod niyang proyekto!