2023
Ang Kamangha-manghang Tatay ni Magnolia
Hulyo 2023


“Ang Kamangha-manghang Ama ni Magnolia,” Kaibigan, Hulyo 2023, 40–41.

Ang Kamangha-manghang Tatay ni Magnolia

“Sinasabi ng ilang bata na hindi kami mabuting pamilya dahil hindi miyembro ng ating simbahan si Tatay.”

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

Pamilyang nagbabasa mula sa Biblia

“Magnolia! Lily!” ang tawag ni Tatay. “Oras na para sa mga banal na kasulatan at panalangin!”

Umupo si Magnolia sa sahig sa tabi ng kanilang aso na si Raindrop. Niyakap ni Lily ang paborito niyang kumot.

Masaya ang oras ng pamilya sa banal na kasulatan. Kung minsan ay isinasadula nila ang mga kuwento sa banal na kasulatan nang magkakasama. Nakatulong ito kay Magnolia na mailarawan sa isip niya ang mga kuwento. Bukod pa rito, palaging tumutulong si Raindrop kapag may mga hayop sa mga kuwento!

Binuklat ni Itay ang kanyang mga banal na kasulatan at binasa ang isang talata. Pagkatapos ay ipinasa niya ang malaki at mabigat na Biblia kay Magnolia. Naghalinhinan sila sa pagbabasa.

“At maging mabait kayo sa isa’t isa,” pagbasa ni Magnolia.*

Sumimangot siya. Ang mga tao ay hindi palaging mabait sa kanya sa simbahan.

“Nanay, Tatay, puwede ko po ba kayong kausapin tungkol sa isang bagay?” tanong niya.

“Siyempre naman,” sabi ni Inay. “Tungkol saan?”

“Sa Primary po kahapon, may ilang batang nagsabi sa akin na hindi tayo mabuting pamilya dahil hindi miyembro ng ating simbahan si Tatay.”

Ang tatay ni Magnolia ay kabilang sa ibang simbahan. Dumadalo siya sa sacrament meeting kasama ng kanilang pamilya tuwing Linggo. Nagbigay siya ng mensahe tungkol sa Espiritu Santo sa mga binyag nina Lily at Magnolia. Sinabi ng lahat na magaling ang ginawa niya. Kahanga-hanga siyang ama.

“Gusto kong umiyak dahil sa sinabi nila.” Suminghot si Magnolia. “Bakit hindi mabait ang mga tao?”

Nagtinginan sina Inay at Itay.

“Natutuwa ako na sinabi mo sa amin ang nangyari,” sabi ni Itay. “Mahal na mahal namin ni Nanay ang isa’t isa. Napakahalaga sa akin ng ating pamilya.”

Tumango si Nanay. “At mahalaga rin ang ating pamilya sa Ama sa Langit. Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak.”

Sumiksik si Raindrop kay Magnolia. Kinamot ni Magnolia ang mga tainga nito.

“Kilala tayo ng Ama sa Langit, at alam Niya na mahal natin ang isa’t isa,” sabi ni Itay. “Walang perpektong pamilya, pero maaari nating patuloy na sikaping gawin ang lahat ng ating makakaya.”

“Pero masakit pa rin po kapag nagsasabi ang mga tao ng masasamang bagay tungkol sa pamilya natin,” sabi ni Magnolia. “Tinuruan tayo ni Jesucristo na maging mabait sa lahat. Ang pagsasabi ng hindi mabubuting bagay ay tila hindi pagsunod kay Jesus.”

“Tama ka,” sabi ni Tatay. “Siguro kapag pakiramdam mo ay gusto mong magsabi ng isang bagay na hindi mabuti, maaari mong alalahanin ang nadama mo noong hindi mabait sa iyo ang iba. Pagkatapos ay maaari kang magsalita ng isang bagay na mabuti.”

Huminga nang malalim si Magnolia. “OK po.” Masaya siya na nakakausap niya sina Inay at Itay.

“Oras na para sa sandwich ng pamilya!” Niyakap nang mahigpit ni Tatay sina Lily at Magnolia at pinisil sila nang mahigpit. Niyakap silang tatlo ni Nanay. Tumakbo nang paikot sa kanila si Raindrop.

Pamilya na magkakayakap

“Hindi ako makahinga!” biro ni Lily. Tumawa si Magnolia.

“Ngayon paalalahanan ninyo ako—sino na ang magbabasa?” tanong ni Itay. Binitawan niya ang mga batang babae at kinuha ang kanyang mga banal na kasulatan.

“Ako na po!” sabi ni Lily. “At si Tatay naman ang magdarasal.”

Nang matapos silang magbasa, lumuhod ang lahat para manalangin. Nakadama ng kapayapaan si Magnolia habang pinakikinggan niya si Itay na nagdarasal. Alam niya na mahal ng Ama sa Langit ang kanyang pamilya.

Alt text

Mga larawang-guhit ni Constanza Basaluzzo