“Ang Samahan na Nagpapabuti ng mga Bagay-bagay,” Kaibigan, Hulyo 2023, 20–21.
Ang Samahan na Nagpapabuti ng mga Bagay-bagay
Alam ni Josie ang isang paraan para matularan niya ang halimbawa ni Jesucristo.
Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.
Naupo si Josie kasama ang pinsan niyang si Ashlyn sa ilalim ng isang puno sa labas ng kanyang bahay.
“Sana may masayang bagay tayong magagawa para kumita ng pera,” sabi ni Josie.
“Siguro’y kikita tayo ng pera sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay-bagay para sa mga tao,” sabi ni Ashlyn.
“Ano kaya kung bumuo tayo ng samahan?” Tuwang-tuwang tumalon si Josie. “Tulad ng samahan ng pag-aalaga ng hayop o paglalakad ng mga aso.”
“Maaari nating gawin ang lahat ng uri ng bagay,” sabi ni Ashlyn. “Palaging nangangailangan ng tulong ang mga tao. At babayaran nila tayo.”
Tama si Ashlyn. Araw-araw nakakakita si Josie ng mga taong nangangailangan ng tulong.
Biglang nagkaroon ng isa pang ideya si Josie. Gumanda ang pakiramdam niya. Ipinaalala nito sa kanya ang kanyang binyag noong nakaraang taon. Nangako siya na laging aalalahanin si Jesus at susundin ang Kanyang halimbawa. Alam niya ang isang paraan na magagawa niya iyon.
“Ano kaya kung mayroon tayong samahan na tumutulong sa mga tao nang libre?” tanong ni Josie. Lalong tumindi ang magandang pakiramdam niya.
Lumaki ang mga mata ni Ashlyn. “Magiging napakasaya niyan,” sabi niya. “Matutulungan natin ang mga tao sa paaralan at simbahan—halos sa lahat ng lugar.”
“Maaari natin itong tawaging ang Samahang Nagpapabuti ng mga Bagay-bagay!” sabi ni Josie. “Magsimula tayo bukas sa paaralan.”
Kinabukasan sa recess, tumakbo sina Ashlyn at Josie sa gilid ng palaruan.
“May nakikita ka bang sinuman na matutulungan natin?” Tumayo si Ashlyn na nakatingkayad at tumingin sa rainbow slide na may mga umbok.
“Wala pa.” Naghanap si Josie sa mga monkey bar at swing. Ang mga bata ay nagpapadulas at nagduduyan. Nagpapatalbog sila ng mga bola at nagluluksung-lubid. Parang walang nangangailangan ng tulong. Tila may kaibigan ang lahat. Pagkatapos ay nakita niyang mag-isa ang isang batang babae na may dalang luksong-lubid.
Hinawakan ni Josie ang braso ni Ashlyn. “Hayun, tingnan mo!”
Nakakita sina Josie at Ashlyn ng mga pangluksong-lubid at lumapit sa batang babae.
“Hi. Ako si Josie.”
“At ako naman si Ashlyn.” Ano’ng pangalan mo?”
Mukhang nagulat ang batang babae. “Ako si Leslie.”
“Gusto mo bang makipaglaro sa amin?” Itinaas ni Josie ang pangluksong-lubid.
Ngumiti si Leslie. “Oo!”
Tinuruan nina Ashlyn at Josie si Leslie ng ilang bagong paraan sa pagluluksong-lubid. Nang tumunog ang bell, nagpaalam na sila. Maganda ang naging pakiramdam ni Josie. Alam niyang iyon ay ang Espiritu Santo.
Pagkatapos niyon, tuwing nakikita nina Josie at Ashlyn si Leslie sa pasilyo, binabati nila si Leslie.
Naghanap pa sina Josie at Ashlyn ng mas maraming taong matutulungan. Kung minsa’y nagsasabi sila ng magagandang bagay sa mga tao at sinusubukan nilang pasayahin sila. Sa ibang pagkakataon, inaanyayahan nila ang mga bata na makipaglaro sa kanila.
Isang araw, ngumiti si Josie sa isang batang lalaki sa labas ng paaralan. “Gusto ko ang kamiseta mong may dinosaur,” sabi niya.
Ngumiti ang batang lalaki at tumingin sa kanyang kamiseta. “Salamat.”
Nang umupo si Josie, natanto niyang ni hindi niya naisip na gawin iyon para sa samahan! Basta na lamang niya ito ginawa.
Naisip ni Josie ang lahat ng naging kaibigan niya mula nang simulan nila ni Ashlyn ang kanilang samahan. Gustung-gusto talaga ni Josie na tumulong sa mga tao. Dahil dito ay nagustuhan niyang gumawa ng mas maraming mabubuting bagay para sa iba. Ang Samahang Nagpapabuti ng mga Bagay-bagay ay tumulong sa kanya na maging mas mabuti. At maganda sa pakiramdam iyon.