Kaibigan
Si Giulia at ang Lindol
Agosto 2024


“Si Giulia at ang Lindol,” Kaibigan, Agosto 2024, 4–5.

Si Giulia at ang Lindol

Hatinggabi noon, at niyayanig ang silid ni Giulia!

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Italy.

“Giulia! Marco! Bumaba na kayo para sa home evening!” pagtawag ni Ma sa hagdan.

“Papunta na po!” Sigaw ni Giulia.

Bumaba siya. Pagkatapos ng panalangin, nakita ni Giulia na naglabas ang kanyang mga magulang ng mga backpack, pagkain, tubig, at iba pang mga supply.

“Uy, para s’an po ‘to?” tanong ni Giulia.

“May importante tayong gagawin para sa home evening,” sabi ni Pa. “May ilang mahihinang lindol kamakailan. Gusto nating maging handa sakaling dumating ang mas malakas na lindol. Gagawa tayo ng mga emergency bag.”

Tiningnan ni Giulia ang kapatid niyang si Marco. Nag-alala siya. Nadama na niya ang mahihinang pagyanig noon. Pero natakot siya sa ideya ng isang malaking lindol.

Hinawakan ni Ma ang kamay ni Giulia. “Huwag kang mag-alala. Gagawin natin ang lahat para makapaghanda, at tutulungan tayo ng Panginoon. Bago natin gawin ang mga bag, magbasa tayo ng ilang talata.”

Binasa sa kanila ng kanyang mga magulang ang isang kuwento mula sa 3 Nephi. Nagkaroon ng malakas na bagyo na may mga sunog at lindol bago dumalaw si Jesucristo sa lupain ng Amerika. Natakot at nalungkot ang mga tao. Pero sinabi ni Jesus na pagagalingin at papanatagin Niya ang mga lumapit sa Kanya.

“Binasbasan ni Jesucristo ang bawat isa sa maliliit na bata,” sabi ni Pa. “Kilala at mahal Niya kayong dalawa tulad ng pagmamahal Niya sa kanila.”

Dahil sa mga banal na kasulatan, nakadama si Giulia ng kapanatagan at kapayapaan. Nanampalataya siya na papanatagin siya ng Ama sa Langit at ang kanyang pamilya.

Habang ginagawa nila ang mga bag, sinabi sa kanila ni Ma kung ano ang dapat nilang gawin kung darating ang lindol. “Bumaba kayo sa isang lantad na lugar o sa ilalim ng isang matibay na mesa. Pagkatapos ay protektahan ang inyong ulo at leeg gamit ang iyong mga kamay. Manatili sa inyong kinaroroonan hanggang sa tumigil ang pagyanig.”

Ginawa ni Giulia ang sinabi ni Ma. Masaya siya na handa sila. Kung may darating na lindol, mayroon na sila ng kailangan nila.

Makalipas ang ilang linggo, nadama ni Giulia na nayanig ang kanyang silid sa kalagitnaan ng gabi. Umupo siya sa kanyang kama. Umuuga pa rin ang silid. Lumilindol!

Noong una, natakot siya. Pero tiningnan niya ang kanyang Aklat ni Mormon sa kanyang mesa sa tabi ng kama. Naisip niya kung paano nangako si Jesucristo na papanatagin ang mga tao sa lupain ng Amerika. Napayapa ang kanyang damdamin.

Naalala ni Giulia ang sinabi sa kanya ni Ma na gawin niya. Sumiksik siya sa ilalim ng kanyang mesa, pinrotektahan ang kanyang ulo at leeg gamit ang kanyang mga kamay. Matapos tumigil ang pagyanig, tumakbo siya papunta sa silid ng kanyang mga magulang.

Batang babae na may thought bubble tungkol sa Aklat ni Mormon, na nakasiksik sa ilalim ng kanyang mesa

“OK ka lang ba?” tanong ni Ma. Niyakap nang mahigipit ng kanyang mga magulang sina Giulia at Marco. Niyakap din siya ni Marco.

“Opo, OK lang ako! Alam ko po ang gagawin ko,” sabi ni Giulia. Pero nakita niya ang mga luha sa mukha ng kanyang kapatid. Natakot siya, tulad din niya dati.

Alam ko na kung ano ang makakatulong sa kanya, naisip niya. Kinuha ni Giulia ang kanyang Aklat ni Mormon at binuklat sa isang larawan ng Tagapagligtas.

“Tingnan mo, Marco. Mapapanatag tayo ni Jesus, kahit natatakot tayo.” Niyakap nang mahigpit ni Giulia ang kanyang kapatid. “Magiging OK ang lahat.”

Pamilya na magkakayakap
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Marina Pessarrodona