“5 Paraan para Harapin ang mga Bully,” Kaibigan, Agosto 2024, 39.
5 Bagay
5 Paraan para Harapin ang mga Bully
Maaaring nakakatakot harapin ang isang bully. Pero nariyan ang perpektong halimbawa ni Jesucristo na maaaring tularan, at nasa inyo ang Kanyang lakas. Kapag ang isang tao ay hindi mabait sa iyo o sa iba, maaari kang manindigan sa kung ano ang tama! Narito ang limang paraan:
-
Sabihin sa tao na tumigil. Sa matatag na tinig, sabihin sa tao na tumigil sa hindi magandang pagtrato sa iyo o sa ibang tao. Isipin ang mga pagkakataon na hinarap ni Jesucristo ang mga taong hindi mabait sa Kanya at sa iba (tingnan sa Juan 8:3–11). Tutulungan Niya kayong gawin din ang gayon.
-
Lumayo. Kung minsan ang paglayo ang pinakamatapang na magagawa ng isang tao. Huminga nang malalim at lumayo. Kung may nakikita kang isang taong binu-bully, lumapit at sabihin sa kanila na sumama sa iyo, at magkasama kayong lumakad palayo.
-
Manalangin. Mabisa ang panalangin! Manalangin na magkaroon ng tapang at habag. Maaaring kakatwa ito, pero ipagdasal din ang bully! “Manalangin sa inyong Ama sa Langit,” sabi ni Elder Neil L. Andersen. “… Gagabayan niya kayo sa inyong gagawin. Magbibigay Siya ng mga pagkakataon, aalisin Niya ang mga hadlang, at tutulungan Niya kayong daigin ang mga balakid.”
-
Tandaan na ikaw ay mahalaga bilang anak ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang sinasabi sa iyo o tungkol sa iyo ng sinuman—hindi nito mababago kailanman kung gaano ka kamahal ng Ama sa Langit. Panghawakan ang katotohanang ito sa iyong puso, at madarama mo na mas malakas at matapang ka. Palaging pakitunguhan ang iba bilang mga anak din ng Diyos.
-
Maging mabait. Maaari kang maging halimbawa ng kabaitan. Itinuro sa atin ni Jesucristo na ito ang pinakamainam na paraan ng pakikitungo sa mga bully. “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain sila na nanlalait sa inyo, gawan ng mabuti ang napopoot sa inyo] at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig” (Mateo 5:44).