“Pagbabahagi ng Kanyang Regalo,” Kaibigan, Hunyo 2024, 18–19.
Pagbabahagi ng Kanyang Regalo
“Maaari po bang basbasan rin ako?” tanong ni Maddie.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
Tok, tok.
Tumakbo si Maddie sa pintuan sa harapan at binuksan ito. Ngumiti siya nang makita niya si Brother Clayton. Siya ang ministering brother ng kanilang pamilya.
“Hi, Maddie, narito ako para bisitahin ang nanay at tatay mo,” sabi ni Brother Clayton.
Sinamahan ni Inay si Maddie sa pintuan. “Salamat sa pagpunta. Tuloy kayo.”
Sinundan ni Brother Clayton sina Inay at Maddie papunta sa sala.
Naglagay si Itay ng upuan sa gitna ng silid. “Narito si Brother Clayton para bigyan ako at ang Nanay mo ng basbas ng priesthood,” sabi niya kay Maddie.
“Bakit po?” tanong ni Maddie. Alam niya na humihingi ang mga tao ng basbas ng priesthood kung maysakit sila o magsisimulang pumasok sa eskuwela. Pero bakit kailangan nina Inay at Itay ng basbas?
“Alam mo kung paanong dumaranas ng kahirapan ang pamilya natin ngayon? Gusto namin ni Itay na tulungan at patnubayan kami ng Ama sa Langit,” sabi ni Inay.
Alam ni Maddie na madalas na nai-stress si Inay. At nag-aalala si Itay tungkol sa pera. Napakahirap nito sa buong pamilya.
“Ang mga basbas ng priesthood ay hindi lamang kapag maysakit ka,” sabi ni Itay. “Maaari din itong ibigay kapag kailangan mo ng kapanatagan o lakas.”
“Puwede po bang dito lang ako at makinig?” tanong ni Maddie.
Ngumiti si Inay. “Oo naman. Puwede ka bang maupo nang tahimik? Gusto nating maging mapitagan para madama natin ang Espiritu Santo.”
Tumango si Maddie at naupo sa sopa. Humalukipkip siya at ipinikit ang kanyang mga mata. Nakinig siya kay Brother Clayton na nagbigay ng basbas kina Itay at Inay. Nakadama siya ng sigla at pag-asa nang bigkasin ni Brother Clayton ang magiliw na mga salita mula sa Ama sa Langit.
Nang tapos na sila, tumayo si Maddie. “Maaari po bang basbasan rin ako?”
“Oo naman,” sabi ni Itay.
Umupo si Maddie sa silya, at ipinatong ni Brother Clayton ang kanyang mga kamay sa kanyang ulo. Ang ganda ng pakiramdam niya. Pero inisip niya kung ano kaya ang mga sasabihin ng Ama sa Langit para sa kanya. Alam niya na malaki ang mga problema ng kanyang pamilya—napakalaki para malutas niya ito.
“Maddie, nais ng iyong Ama sa Langit na malaman mo na mayroon kang kaloob na kagalakan,” sabi ni Brother Clayton. “Mahal ka niya at gusto niyang lumigaya ka. At nais Niyang ibahagi mo ang iyong kaligayahan sa iba.”
Nakinig na mabuti si Maddie. Payapa ang pakiramdam niya. Maaaring hindi niya magawang alisin ang malalaking problema na kinakaharap ng kanyang pamilya. Pero matutulungan niya ang kanyang pamilya na maging masaya.
Nang matapos si Brother Clayton, tumayo si Maddie mula sa upuan at niyakap nang mahigpit sina Inay at Itay. Pagkatapos ay kinamayan niya si Brother Clayton. “Salamat po,” sabi niya.
Kalaunan nang gabing iyon, umupo si Maddie sa kanyang kama. Naisip niya ang kanyang basbas ng priesthood. Paano niya matutulungan ang kanyang pamilya na maging masaya? Tumingin siya sa paligid ng kanyang silid sa kanyang mga aklat ng mga larawan, mga stuffed animals, at mga gamit sa sining.
Pagkatapos ay may naisip siyang ideya. Kumuha siya ng ilang papel, gunting, at krayola. Sinimulan niyang gupitin ang papel sa maliliit na parisukat.
Kinuha ni Maddie ang pulang krayola. “Magagawa mo ito!” isinulat niya sa unang papel. Sa sumunod ay isinulat niya, “Ikaw ay minamahal!” Naisip ni Maddie ang mas masayang bagay na isusulat. Nagpatuloy siya hanggang sa ang lahat ng papel ay puno na ng masasayang salita.
Nang tapos na siya, inilagay niya ang mga isinulat niya sa paligid ng bahay—isa sa pintuan sa harapan, isa sa tabi ng sabon sa lababo, at isa sa labahan.
Nang sumunod na ilang araw, ngumiti siya nang makita niyang binabasa ng kanyang pamilya ang mga isinulat niya.
“Salamat sa mga isinulat mo,” sabi ni Inay nang nakangiti. “Nagpapasaya ito sa akin. At pinasasaya mo rin ako!”
Niyakap ni Maddie ang kanyang ina. Tinutulungan siya ng Ama sa Langit na gamitin ang kanyang kaloob para tulungan ang kanyang pamilya.
Ikaw ay minamahal!