“Ang Pagsubok ng Kabaitan,” Kaibigan, Agosto 2024, 36–37.
Ang Pagsubok ng Kabaitan
Bakit magiging mabait si Melanie sa isang taong nang-iinis sa kanya?
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Taiwan.
Tumakbo si Melanie nang mabilis patawid sa palaruan ng paaralan. Tatlo sa kanyang mga kaklase ang nauna sa kanya nang ilang hakbang lamang. Halos nasa linya na sila na may markang “ligtas na lugar.”
Iniunat niya ang kanyang kamay. Lalo pa niyang inihakbang ang kanyang mga paa. Sa huli, na-tag niya ang dalawa sa kanila!
“Huli ka!” sabi ni Melanie. Nagtawanan ang kanyang mga kaibigan nang bumagsak sila sa lupa.
“Ang bilis mo,” sabi ni Jia habang hinahabol niya ang kanyang hininga.
Muntik na ring ma-tag ni Melanie si Jonny. Pero hindi niya ito naabutan.
Itinuro siya ni Jonny at tumawa. “Ang bagal mo!” Pagkatapos ay may ibinansag siya kay Melanie.
Sumimangot si Melanie. Masyadong masama si Jonny sa kanya! Hindi niya gusto iyon.
Pagkatapos ng klase, umupo si Melanie sa mesa sa kusina. Ginawa niya ang kanyang homework kasama ang kanyang ate. Pero hindi niya mapigilang isipin ang sinabi ni Jonny.
“Liv, ano ang ginagawa mo kapag masama sa iyo ang isang tao? tanong ni Melanie.
Tiningnan siya ni Liv. “May tao bang masama sa iyo?”
Tumango si Melanie. “May bata sa paaralan. Lagi niya akong tinutukso!”
Ibinaba ni Liv ang kanyang lapis. “Ang hirap n‘yan. Sori.” Sumandal siya at humalukipkip. “Siguro puwede mo siyang pakitaan ng kabutihan.”
Sumimangot si Melanie. “Kabutihan?” Parang hindi ‘yon nakakatuwa.
“Oo nga!” Tumango si Liv. “Kung mabait ka sa kanya, siguro ay magiging mabait rin siya sa iyo. Nasubukan mo na ba ‘yan?”
Umiling si Melanie. Hindi siya sigurado sa ideyang ito. Bakit siya magiging mabait sa isang tao na masungit?
Noong gabing iyon, nagdasal si Melanie. “Ama sa Langit, pagpalain po ninyo si Jonny na maging mabait na siya sa akin.” Natigilan siya. Muli niyang inisip ang sinabi ni Liv. “At tulungan po Ninyo akong makahanap ng paraan para maging mabait din sa kanya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”
Pero anong magandang bagay ang magagawa niya?
Makalipas ang ilang araw, sama-samang naglakad ang klase ni Melanie. Maraming malalaking berdeng puno at malalamig na batis sa daan.
Noong oras na para magpahinga at mananghalian, kumain si Melanie kasama ang kanyang mga kaibigan. Pagkatapos ay napansin niya si Jonny na nakaupo sa ilalim ng isang puno. Nag-iisa siya noon. Siguro puwede ko siyang bigyan nitong pagkain ko, naisip niya.
Naglakad si Melanie papunta kay Jonny at umupo. “Hi, Jonny.”
Tumingala sa kanya si Jonny. “Hi.”
“Gusto mo ba ng cookie?” tanong niya.
Inabutan niya ng isa sa kanyang cookies si Jonny. Kinuha ito ni Jonny at ngumiti. “Salamat.”
“Nagustuhan mo ba ang hiking natin?” tanong niya.
“Oo. Napakaganda ng tulay na tinawid natin.” Kinagat niya ang cookie. “Mmm. Ang sarap talaga.”
“Salamat! Ginawa ko ‘yan kasama ang nanay at kapatid ko.”
Magkasamang natapos mananghalian sina Melanie at Jonny. Pinag-usapan nila ang isang card game na pareho nilang gusto. Nakakatuwa pala si Jonny. Nagtawanan sila. Mas gusto ito ni Melanie kaysa kapag tinutukso siya nito.
“Gusto mo bang maglaro tayo?” tanong ni Jonny habang sinusundan nila ang iba pa sa landas sa hiking.
Tumango si Melanie at ngumiti. “Oo naman!”
Naghalinhinan sila sa pagtalon sa pagitan ng mga bato sa natitirang bahagi ng hiking. Masayang-masaya si Melanie. Nang tapos na ang hiking at oras na para umuwi, nalungkot siyang magpaalam.
“Maglaro tayo ng kard na iyon sa susunod na linggo,” sabi ni Jonny.
Tumango si Melanie. “OK! Babay, Jonny!”
Kumaway si Melanie para magpaalam at ngumiti. Si Jonny ay hindi na ang batang mapanukso sa kanya. Ngayon, magkaibigan na sila.