Kaibigan
Ginawa nang may Pagmamahal
Agosto 2024


“Ginawa nang may Pagmamahal,” Kaibigan, Agosto 2024, 10–11.

Ginawa nang may Pagmamahal

Kanino maaaring ibigay ni Vanessa ang bag?

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Nicaragua.

Kumaway si Vanessa nang magpaalam kay Mami at pumasok sa gusali ng simbahan. Narito na ang ilan sa kanyang mga kaibigan! Gustung-gusto niya ang mga aktibidad sa Primary.

Inaayos ni Sister Fonseca ang isang craft table. May mga laso o ribon, may kulay na tali, at sticker. Hindi makapaghintay si Vanessa na malaman kung ano ang gagawin nila!

Pagkatapos ng panalangin, nagbigay si Sister Fonseca ng ilang tagubilin. “Ngayon ay gagawa tayo ng mga gift bag. Maaari ninyong ibigay ang mga ito sa taong mahal ninyo.” Iniabot niya ang isang brown na bag sa bawat bata.

Sabik na si Vanessa na magsimulang maglagay ng dekorasyon. Pinili niya ang dilaw na sticker na puso at inilagay ito sa harapan ng bag.

Pagkatapos, itinupi ni Vanessa ang isang papel para makagawa ng kard. Isinulat niya ang “Ikaw ay anak ng Diyos” dito. Nagdrowing siya ng maraming bituin at mga puso rito.

Namigay si Sister Lopez ng ilang cookies at cupcake para ilagay sa kanilang mga bag. Inilagay rin ni Vanessa ang kard sa loob nito. Ayos!

Batang naglalagay ng dekorasyon sa isang bag

Hindi nagtagal ay sinundo na siya ni Mami. “Tingnan n’yo po!” Ipinakita ni Vanessa ang kanyang bag kay Mami. “Ibibigay ko po ito sa isang espesyal na tao.”

“Maganda!” sabi ni Mami. “Kanino mo iyan ibibigay?”

“Hindi ko po alam,” sabi ni Vanessa. “Gusto ko pong ibigay ito sa isang taong nangangailangan ng pagmamahal.” At may naisip si Vanessa. “Puwede po ba tayong maglakad-lakad para maghanap ng taong pagbibigyan nito?”

“Aba, sige,” sabi ni Mami. “Tara na!”

Hinawakan ni Vanessa ang kamay ni Mami at binitbit ang kanyang bag ng pagmamahal sa kabilang kamay. Lumiko sila sa isang tahimik na kalye. Siguro may nangangailangan dito ng pagmamahal, naisip ni Vanessa.

Pero habang naglalakad sila, sumimangot si Vanessa. Walang tao sa kalye!

“Subukan natin dito.” Inakay ni Mami si Vanessa papunta sa isa pang kalye. Pero muli, walang tao sa labas.

Bumuntong-hininga si Vanessa. “Ano po ang gagawin natin?” tanong niya.

“Bakit hindi ka magdasal sa iyong isipan?” sabi ni Mami. “Hilingin mo sa Ama sa Langit na ituro sa iyo ang taong matutulungan mo.”

Lumiko sila sa isa pang kalye, at tahimik na nagdasal si Vanessa. “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo ako na makahanap ng taong nangangailangan ng pagmamahal.

Makalipas ang ilang minuto, nakita ni Vanessa ang isang batang lalaki na naglalakad sa tabi ng daan.

Napangiti si Vanessa. “Hi,” sabi niya sa bata. “Gusto kong ibigay ito sa iyo.” Iniabot niya ang bag.

Noong una, mukhang naguluhan ang bata.

“OK lang. Kunin mo na,” magiliw na sabi ni Mami.

Dahan-dahang lumapit ang bata at kinuha ang bag. Nakangiti ito nang todo.

“Ginawa ko ito para sa iyo na puno ng pagmamahal,” sabi ni Vanessa.

Masaya si Vanessa habang pinapanood niya ang bata na tumatakbo pabalik sa kanyang bahay. Alam niyang espesyal siya sa Ama sa Langit.

Batang babae at ina na nagbibigay ng bag na may dekorasyon sa batang lalaki
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Vicky Scott