“Isang Yakap para kay José,” Kaibigan, Agosto 2024, 30–31.
Isang Yakap para kay José
Alam ni Adam na kailangan siyang maging matapang.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Bolivia.
“Ha! Wala kang alam!” Itinuro ni Fabricio si José at tumawa.
Sumimangot si Adam. Katatanong lang ni José sa guro. Hindi maganda na tinukso siya ni Fabricio dahil doon.
“Fabricio, tama na,” sabi ng titser.
Tiningnan ni Adam si José. Nakatitig siya sa kanyang notbuk, na para bang hindi niya narinig si Fabricio.
Bago si José sa kanilang eskuwelahan. Noong una, walang kumakausap sa kanya. Pagkatapos ay sinimulan siyang tuksuhin ng iba pang mga bata. Lagi nila siyang tinutukso at pinagtatawanan siya. Nadama ni Adam na dapat niyang tulungan si José, pero hindi niya alam kung ano ang sasabihin.
Bukod dito, mukha namang ayos lang si José. Parang hindi naman siya nababagabag ng panunukso.
Muling tumingin si Adam sa kanyang aklat. Magkakaroon sila ng malaking test sa math, at kailangan niyang magpokus.
Sa araw ng test, ginawa ni Adam ang lahat sa abot-kaya niya, pero mahirap ito! Kinakabahan siya noon sa kanyang grado. Paano kung hindi siya makapasa?
Kinabukasan, tumayo ang kanilang guro sa harapan ng silid na may bunton ng mga papel.
“Narito na ang mga grado n’yo,” sabi niya sa kanila. “Marami sa inyo ang puwedeng pagbutihin pa ang grado n’yo, pero ang taas ng marka ng ilan sa inyo.”
Sinimulan niyang basahin nang malakas ang grado ng bawat estudyante. Karamihan sa mga marka ay mababa. Sabik na hinintay ni Adam ang kanyang pangalan.
“Adam,” sabi ng guro. “Eighty.”
Hindi makapaniwala si Adam. Nakapasa siya! Ngumiti siya nang todo.
Pagkatapos ay binasa ng titser ang grado ni José.
“One hundred,” sabi niya, nang malakas at malinaw. “Isang perpektong grade.”
Tumayo si Fabricio. “Hindi pwede!” sigaw niya. “Nandaya si José!”
“Oo nga!” sabi ng isa pang bata. “Wala siyang alam. Siguro nangopya siya.”
Sumali ang iba pang mga estudyante. Sinubukan ni José na sabihin sa kanila na hindi siya nandaya, pero hindi sila nakinig. Sinubukan silang patahimikin ng guro, pero ayaw rin nilang makinig sa kanya.
“Mandaraya!” sigaw ng isa.
“Sinungaling!” sabi ng isa pa.
Bumilis ang tibok ng puso ni Adam. Hindi niya alam ang gagawin. Tumingin siya kay José. Magiging OK siya, ‘di ba? Palaging kalmado si José.
Tumingin si José sa kanyang mesa tulad ng lagi niyang ginagawa. Pagkatapos ay nagsimula siyang umiyak.
Tumigil sa pagsigaw ang ibang mga bata, at naging tahimik ang silid. Ang naririnig lang ni Adam ay ang pag-iyak ni José. Alam niya na hindi siya puwedeng manahimik lang sa pagkakataong ito. Kailangan niyang maging matapang. Sinasabi sa kanya ng Espiritu Santo na tulungan si José.
Tumayo si Adam. Minasdan siya ng iba pang mga bata habang naglalakad siya papunta kay José. Hindi pa rin niya alam kung ano ang sasabihin. Kaya yumuko lang siya at niyakap nang mahigpit si José.
“OK lang,” bulong niya habang tinatapik niya sa likod si José. “OK lang ‘yun.”
Hindi nagtagal lumapit na rin ang iba pang mga bata para yakapin si José. Lumapit din si Fabricio at humingi ng sori. Hindi nagtagal ang buong klase ay nakatayo na sa paligid ni José para humingi ng sori at pasayahin siya.
“Mahal ka namin, José!” sabi ng isa.
“Ikaw ang pinakamahusay sa math!” sabi ng isa pa.
Pinunasan ni José ang kanyang mga luha at ngumiti. Ngumiti rin si Adam. Ang pagiging mabait ay nangangailangan ng lakas ng loob, pero sulit ito.