Kaibigan
Magkapatid Magpakailanman
Agosto 2024


“Magkapatid Magpakailanman,” Kaibigan, Agosto 2024, 14–15.

Magkapatid Magpakailanman

“Oras na para sa templo!” Bumulong si Roy habang naglalakad sila sa loob.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Zimbabwe.

Pamilyang naglalakad papasok sa templo

“Templo’y ibig makita. Doon ay pupunta,” ang pagkanta ni Ryan.

“Pupunta do’n ngayon!” sabi ng kuya ni Ryan na si Roy.

Nagtupi si Inay ng ilang damit at inilagay ang mga ito sa travel bag. “Magsisimula tayo ngayon, pero aabutin ng dalawang araw para makarating sa templo sa South Africa,” sabi niya.

Matagal nang naghintay si Ryan at ang kanyang pamilya para makapunta sa templo. At ngayon na ang sandaling ito! Buong linggo silang mawawala.

“Momma, ikuwento n’yo pong muli sa amin ang tungkol kay Tawananyasha,” sabi ni Roy.

Ngumiti si Inay sa mga bata. “Si Tawananyasha ay kuya n’yo. Namatay siya noong isang taon pa lang siya. Pero kapatid n’yo pa rin siya, tulad nina Tafadzwa at Tatenda. Mahal namin ni Papa ang aming limang anak na lalaki.”

Ngumiti si Ryan habang naiisip niya si Tawananyasha. Ang sarap sa pakiramdam na malaman na mahal silang lahat ng kanilang mga magulang.

“Kaya pupunta tayo sa templo,” sabi ni Momma. “Para mabuklod bilang pamilya magpakailanman!” Isinara na niya ang travel bag. “Kunin n’yo na ang mga gamit n’yo. Oras na para sa templo!”

Tinulungan ni Roy si Ryan na dalhin ang kanilang bag sa labas. Sumunod si Papa sa kanila, dala-dala ang isang kahon ng pagkain na inihanda ni Momma para sa pagbiyahe. Dinala rin nina Tafadzwa at Tatenda ang kanilang mga bag. Hindi nagtagal nagsimulang maglakad ang buong pamilya papunta sa simbahan. Isang bus ang naghihintay sa kanila para ihatid sila sa templo.

Umakyat si Ryan sa bus at umupo sa tabi ni Roy. Tatlo pang pamilya mula sa kanilang ward ang pasakay na rin sa bus. Nang nakaupo na ang lahat, umandar na ang bus papunta sa templo.

Tumingin sina Ryan at Roy sa bintana. Tag-ulan noon, kaya ang lahat ay kulay berde at maganda. Dumaan sila sa mga bukirin at mga tindahan sa tabi ng daan kung saan nagtitinda ang mga tao ng mga kamatis, saging, at patatas. Nakakita pa sila ng mga unggoy sa daan! Inisip ni Ryan kung ano pa ang ibang mga hayop na maaaring nagtatago sa matataas na damo at mga puno.

Hindi nagtagal at gumabi na, at patuloy sa pagtakbo ang bus. Mahabang biyahe iyon, pero hindi nagreklamo sina Ryan at Roy. Nakatulog si Ryan sa kaiisip, Oras na para sa templo!

Nang makarating sila sa lungsod, ang lahat ng nasa bus ay nakatingin sa bintana. Sino ang unang makakakita sa templo?

“Ayun!” sabi ni Roy.

estatwang Christus

Sa wakas, oras na para pumasok sa templo. “Oras na para sa templo!” Bumulong si Roy kay Ryan habang naglalakad sila sa loob. Nagpalit sila at nagsuot ng puting damit. Pagkatapos ay umupo ang mga bata sa isang silid na hintayan kasama ang iba pang mga bata sa loob ng ilang sandali.

Hindi nagtagal kinuha ng isang mabait na temple worker ang mga bata para makasama ang kanilang mga magulang. Pumasok sila sa isang silid na may malambot na mesa sa gitna at doon lumuluhod ang mga tao. Altar ang tawag dito.

“Welcome sa sealing room,” sabi ng worker sa harapan ng silid. “Ngayon gagamitin ko ang priesthood para ibuklod ang bawat pamilya sa habampanahon.”

Pinanood nina Ryan at Roy ang tatlong pamilya na ibinuklod. Pagkatapos ay sila na ang ibubuklod.

Lumuhod si Ryan at ang kanyang mga kapatid kasama ang kanyang mga magulang sa paligid ng altar. Inanyayahan ng sealer ang isa sa kanilang mga kaibigan na kumatawan kay Tawananyasha. Tumingin si Roy kina Momma at Papa nang ipinatong niya ang kanyang kamay sa kamay nila. Nakita niya ang mga luha sa pisngi ni Momma, pero malaki ang ngiti niya.

Nang matapos na ang pagbubuklod, niyakap ni Ryan si Momma. “Mukha kayong mga anghel,” bulong niya sa kanyang mga anak.

“Para po tayong may kasamang anghel,” bulong rin ni Roy. “Espesyal po ang nadarama ng puso ko.”

“Ako rin po,” sabi ni Ryan. Napakaganda ng pakiramdam na makasama sa templo ang kanyang walang-hanggang pamilya!

PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Rachel Hoffman-Bayles

  • Aklat ng mga Awit Pambata, 99.