“Ang Munting Melon,” Kaibigan, Agosto 2024, 40–41.
Ang Munting Melon
May magagawa ba si Weston para tulungan si Nate?
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
Naglalaro si Weston sa labas nang dumating ang isang kotse at isang malaking moving van (lipat-bahay) sa bahay sa tapat. Maraming bata ang lumabas sa kotse. Isa sa kanila ay isang batang lalaki na mukhang kaedad ni Weston.
Tumakbo si Weston sa loob ng kanyang bahay. “Inay, Itay! May pamilya po na bagong lipat!”
Tumingin si Itay mula sa ginagawa niyang proyekto. “Ang galing naman.”
“Gusto ko po silang makilala,” sabi ni Weston. “Puwede n’yo po ba akong samahan?”
“Oo naman!”
Naglakad sina Weston at Itay patawid sa kalye papunta sa bahay ng bago nilang kapitbahay. Nang kumatok sila, isang ginang ang lumapit sa pinto. Nakatayo sa likuran niya ang batang kaedad ni Weston.
Kumaway si Weston. “Hi, ako si Weston. Ano’ng pangalan mo?”
Lumabas ang bata mula sa likuran ng kanyang ina. “Ako si Nate.”
“Gusto mo bang maglaro sa bahay namin?” tanong ni Weston.
Tiningnan ni Nate ang kanyang ina.
“Sige, puwede,” sabi niya. “Basta umuwi ka kapag oras na ng hapunan.”
Pagkatapos niyon, halos araw-araw nang nakikipaglaro si Weston kay Nate. Masayang-masaya siyang magkaroon ng bagong kaibigan. Nagbibisikleta sila, lumalangoy sa pool, at naglalaro ng larong pirata sa parke. Kung minsan ay naglalaro rin si Weston sa bahay ni Nate. Mabait ang buong pamilya ni Nate!
Isang araw, nagkasakit ang tatay ni Nate. Kinailangan siyang magpunta sa ospital. Lalo pang lumala ang sakit. Labis na nag-alala si Nate at ang kanyang pamilya.
Nag-alala rin si Weston. Nag-ayuno at nanalangin ang lahat sa simbahan para sa tatay ni Nate. Nag-ayuno rin si Weston. Umasa siya na magkakaroon ng himala. Pero pumanaw ang tatay ni Nate.
Sa paglipas ng mga araw, nakita ni Weston kung gaano kalungkot si Nate at ang kanyang pamilya. Gusto niyang pasayahin sila. Naglakad siya patawid ng kalye at kumatok sa pintuan ni Nate.
“Ayaw kong makipaglaro ngayon,” sabi ni Nate.
“Ah, sige,” sabi ni Weston. Mayroon ba siyang magagawa para matulungan si Nate?
Umuwi si Weston at nakita niya si Inay. “Ayaw pong maglaro ni Nate,” sabi niya.
“Mahirap iyan.” Niyakap siya ni Inay nang mahigpit. “Kung minsan kapag nalulungkot ang mga tao, kailangan lang nila ng kaunting panahon para mapag-isa.”
Tumango si Weston. “Siguro nga po kung namatay ang tatay ko, mawawalan din ako ng gana na makipaglaro.”
Pero gusto pa ring tulungan ni Weston si Nate at ang kanyang pamilya na gumaan ang pakiramdam. May naisip siyang ideya. “Nasa’n po ang gunting?” tanong niya. “Gusto ko pong bigyan si Nate ng isang bagay mula sa ating halamanan!”
Nagpunta si Weston sa likod-bahay at naghanap ng isang bagay na maibibigay sa kanyang kaibigan. Tumingin siya sa lupa kung saan sila nagtanim ng ilang carrot. Pero hindi pa puwedeng anihin ang mga ito. Hinanap niya ang mga puno ng prutas pero wala pang mga bunga sa mga sanga.
Pagkatapos ay tumingin si Weston sa ilalim ng ilang baging na may malalaking dahon. Hinawi niya ang ilan sa mga dahon at nakakita ng isang maliit na berdeng melon sa baging. Ito ang melon na itinanim at diniligan niya mismo!
Sana gusto ni Nate at ng kanyang pamilya ang mga melon. Inalis ito ni Weston mula sa baging at dinala ito sa loob. Pagkatapos ay sumulat siya ng maikling sulat na isasama sa kanyang regalo.
Nang matapos ang kard, maingat na inilagay ni Weston ang melon at kard sa pintuan ni Nate. Pagkatapos ay pinindot niya ang doorbell at mabilis siyang tumakbo pauwi. Sana magustuhan nila iyon, naisip ni Weston.
Kalaunan, nakita ni Weston ang pamilya ni Nate sa isang tindahan ng barbecue sa lugar.
“Pinakamasarap ang melon na iyon sa lahat!” sabi ng kapatid ni Nate.
“Hindi kami sigurado kung ano iyon noong una.” Natawa si Nate. “Akala namin ay isang kakatwang niyog iyon!”
“Salamat sa napakasarap na regalo,” sabi ng nanay ni Nate.
Maganda ang pakiramdam ni Weston nang niyakap siya ni Nate. Hindi niya maalis ang kalungkutan ng kanyang kaibigan, pero kahit ang isang maliit na melon ay makakatulong na magdala ng ngiti.