2023
5 Paraan para Manatili sa Landas
Pebrero 2023


“‘5 Paraan para Manatili sa Landas,’” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2023.

5 Paraan para Manatili sa Landas

Ipinakita ni Jesucristo ang landas at iitinuturo ang daan patungo sa ating tahanan sa langit.

Dale G. Renlund na may kasamang binatilyo

Bumisita si Elder Dale G. Renlund sa Natal, Brazil, noong Nobyembre 2016.

Ilang taon na ang nakararaan, nag-hiking kami ng pamilya ko sa isang daan sa bundok sa Iceland para makita ang isang bantog na waterfall. Hindi pa kami nakapunta sa bundok na ito kahit kailan, hindi namin kabisado ang daan, at hindi kami bihasang mga hiker.

Minasdan naming pasimulan ng iba ang pagtahak sa daan at sumunod kami. Hindi nagtagal, nawala na sila sa aming paningin pati na ang daan! Tiningnan naming mabuti at napansin namin ang mga tumpok ng mga bato, na tinatawag na cairns, na sadyang inilagay roon para markahan ang landas patungo sa waterfall. Napansin din namin ang mga tumpok ng lupa malapit sa daan na may maputi at malalambot na cotton grass.1 Kapag tumatapak kami sa damong iyon, laging napuputikan at basang-basa ang sapatos namin.

Nalaman namin na ang mga cotton grass ay tumutubo sa mga latian at minarkahan ang landas na ayaw naming sundan. Naging tiwala kami na sa pagsunod sa cairns ay hahantong kami sa waterfall .

Hindi madali ang daan, pero nagpumilit kami, maingat naming sinundan ang cairns at iniwasan namin ang cotton grass. Sa huli, narating namin ang napakagandang waterfall at nasiyahan kami sa tanawin mula sa tuktok ng bundok at sa ginhawang dulot ng tubig.

Habang bumabagtas kami pababa ng bundok, nakita namin na natulungan kami ng cairns na maiwasan ang malalalim na lubak na may tubig at ang matatarik na bangin na hindi namin nakita dati. Nagpapasalamat kami na ligtas kaming inakay ng cairns na iyon.

Sa ating paglalakbay patungo sa ating tahanan sa langit, maaaring mahirap tahakin ang landas. Mabuti na lang at “namuno [si Jesucristo] at landas ay ’tinuro.”2 Sa pag-aaral natin ng Kanyang buhay at mga turo, malalaman natin kung paano Siya nabuhay sa mortalidad at naglagay Siya ng metaporang cairns na susundan natin. Kapag sinundan natin ang cairns, na ginagawa ang ginawa ni Jesus, tiwala nating mararating ang ating destinasyon.

Cairn #1. Alamin Kung Sino Ka

cairn at si Jesucristo

Mga larawang-guhit ni Bryan Beach

Natuto si Jesucristo habang lumalaki Siya at nalaman Niya kung sino Siya (tingnan sa Lucas 2:49). May tiwala sa Kanyang identidad, kaya Niyang ipahayag na Siya ang Mesiyas na nabanggit ng mga propeta (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:18 [sa Matthew 4:19]; Juan 4:25–26).

Ang malaman kung sino ka ay isang cairn na napakahalaga. Paano mo man piliing tukuyin ang sarili mo, ang pinakamahalaga mong identidad ay na ikaw ay isang anak ng Diyos. Kung hindi mo matagpuan ang cairn na ito, maaari kang mapalayo sa landas at mapunta sa cotton grass.

Cairn #2. Hangaring Malaman ang Kalooban ng Ama sa Langit

cairn at si Jesucristo

Hinangad ni Jesucristo na malaman ang kalooban ng Kanyang Ama. Pagkatapos ng Kanyang binyag, “inakay [Siya] ng Espiritu … sa ilang, upang makasama ang Diyos.” Doon, Siya ay nag-ayuno at “nakipag-usap sa Dios” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:12 [tingnan sa Mateo 4:1; Mateo 4:2]; idinagdag ang diin). Nalaman Niya ang kalooban ng Kanyang Ama upang mawala ang pagdududa kung ano ang mga hangarin ng Diyos para sa Kanya. Ang pag-alam sa kalooban ng Diyos ay isang cairn na iniwan ni Jesus para sa atin.

Malalaman mo ang kalooban ng Diyos para sa iyo sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, mga salita ng mga buhay na propeta, at mga bulong ng Espiritu Santo. Pero kailangan mo ring makipag-usap sa Diyos sa panalangin, tulad ng ginawa ni Jesus. Ang malaman ang tunay mong relasyon sa Diyos—na Siya ang iyong Ama at ikaw ay Kanyang anak—ay ginagawang natural ang pagdarasal (tingnan sa Mateo 7:7–11). Nagkakaroon ng mga problema sa pagdarasal kapag nalilimutan ang relasyong ito.

Cairn #3. Iayon ang Iyong Kalooban sa Kalooban ng Ama sa Langit

cairn at batang lalaking nagdarasal

Iniayon ni Jesucristo ang Kanyang kalooban sa kalooban ng Kanyang Ama (tingnan sa Juan 6:38). Ang pag-aayon ng ating kalooban sa Diyos ay isa pang cairn na iniwan ni Jesus para markahan ang landas.

Kailangan mong sadyang iayon ang iyong kalooban sa kalooban ng iyong Ama sa Langit. Ang pagdarasal ay isang paraan para magawa ito. Ang pakay ng pagdarasal ay hindi para baguhin ang kalooban ng Diyos kundi para tulungan kang malaman at matanggap ang Kanyang kalooban.

Cairn #4. Gumawa at Tumupad ng mga Tipan sa Diyos

cairn at binyag

Sabi ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo, “Sumunod kayo sa akin” (Mateo 4:19). Ginagawa natin ito sa pagsampalataya sa Kanya, pagsisisi, pagpapabinyag sa Kanyang pangalan, at pagtanggap sa Espiritu Santo. Sa binyag, tayo ay nakikipagtipan, o nangangako, na sumunod sa mga kautusan at gumawa at tumupad ng mga karagdagang tipan sa Diyos. Bawat tipan ay isang cairn sa landas ng tipan na patungo kay Cristo.

Sa hiking namin, malaya kami ng pamilya ko na pumili ng ibang landas paakyat sa tuktok ng bundok, pero ang ibang landas ay maaaring hindi, at malamang na hindi patungo sa waterfall. Malamang na nalubog kami sa putikan, nahinto sa mapanganib na mga bangin, o sumuko na dahil sa pagod. Ang pananatili sa landas na naroon ang pinakatuwiran at tiyak na daan patungo sa ating destinasyon.

Hindi tayo maaaring lumikha ng sarili nating landas at umasa pa sa ipinangako ng Diyos na mga kahihinatnan nito (tingnan sa Mateo 7:24–27). Malaya tayong pumili ng sarili nating landas, pero hindi natin mapipili ang mga kahihinatnan ng hindi natin pagsunod sa inihayag ng Diyos na landas. Hindi tayo maaaring matisod sa may bangin at “magpasiya” na hindi mahulog.

Cairn #5. Magtiis Hanggang Wakas

cairn at si Jesucristo sa Getsemani

Tinapos ni Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ang gawaing ipinagawa sa Kanya ng Diyos (tingnan sa Juan 17:4). Ang pagtitiis hanggang wakas at pagtatapos ng ating gawain ay isang kinakailangang cairn na susundan para makarating sa gusto nating destinasyon.

Kung hindi natin nauunawaan ang nagawa ng Tagapagligtas, sa huli ay magkakaroon tayo ng maputik at basang-basang sapatos dahil hindi natin Siya kailanman nakilala o sinamahan Siya sa Kanyang gawain (tingnan sa Joseph Smith Translation, Matthew 7:23 [sa Mateo 7:23]).

Alam ni Jesucristo kung sino Siya. Alam at iniayon Niya ang Kanyang kalooban sa kalooban ng Kanyang Ama. Gumawa Siya at tumupad ng mga tipan sa Diyos. Nagtiis Siya hanggang wakas. Sa paggawa niyon, naipakita Niya ang landas at naituro ang daan. Ang tungkulin natin ay sundan Siya at ang cairns na inilagay Niya, hindi lamang habang narito tayo sa lupa, kundi maging sa buong kawalang-hanggan.3 Sa gayo’y magiging mga tagapagmana tayo para matanggap ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit (tingnan sa Joseph Smith Translation, John 3:36 [sa Juan 3:36]).

Mga Tala

  1. Eriophorum.

  2. “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116.

  3. Tingnan sa “Magsisunod Kayo sa Akin,” Mga Himno, blg. 67.