“Paano ko mas madarama ang Espiritu kapag nababalisa o kinakabahan ako?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2023.
Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ko mas madarama ang Espiritu kapag nababalisa o kinakabahan ako?”
Nais ng Diyos na Maging Maligaya Ka
“Kung minsa’y madaling lunasan ang pagkabalisa ko at kung minsan nama’y hindi ako makakilos dahil dito. Mahalagang humanap ng paraan para kumalma. Ang mapanghimasok at nakababalisang mga kaisipan ay maaaring madaig ang mas mabuti at positibong mga kaisipan. Pero tandaan na nais ng Diyos na maging maligaya ka, kaya makinig sa mabubuting kaisipang nagmumula sa Kanya. Matutulungan Ka Niya kung hihingi ka ng lakas sa Kanya sa panalangin.”
Madi T., 19, Arkansas, USA
Humanap ng Suporta sa Diyos at Pamilya
“Huminga nang malalim at tandaan na hindi ka nag-iisa sa pagkabalisa. Hilingin sa Ama sa Langit sa panalangin na tulungan ka. Makakatulong din ang makipag-usap sa isang tao, tulad ng iyong mga magulang. Humanap ng isang support system ng mga kaibigan at pamilya na lalaging nariyan.”
Jasmine D., 15, Washington, USA
Nagpapadala ng Tulong ang Ama sa Langit
“Kapag balisa ako, alam ko na nauunawaan ng Ama sa Langit ang nadarama ko. Tinutulungan Niya ang mga kaibigan ko na malaman kung nahihirapan ako sa pagkabalisa, at nalaman na nila kung paano ako tutulungan. Palaging nasasaisip ko ang isang panalangin at ipinadadala ng Ama sa Langit ang Espiritu Santo para tulungan akong mapanatag at mas magtiwala sa sarili.”
Elsie J., 14, Idaho, USA
Linawin ang Iyong Isipan
“Tuwing nababalisa o kinakabahan ako, nagdarasal ako para kumalma at ipakita sa Panginoon na kailangan ko ang Kanyang suporta. Pagkatapos ay sinisikap kong iwaksi sa isipan ko ang mga bagay na nagpapabalisa sa akin sa pamamagitan ng pagkanta ng mga himno o pakikinig sa magagandang tugtugin. Natutulungan ako nitong linawin ang aking isipan, maging mas maligaya, at maging mas handang sundin ang mga pahiwatig na natatanggap ko mula sa Espiritu.”
Nathan M., 18, Utah, USA
Hindi Ka Nag-iisa Kailanman
“Nahihirapan akong labanan ang pagkabalisa, at kung minsa’y mahirap talagang madama ang Espiritu, kausapin ang aking Ama sa Langit, at madama ang Kanyang pagmamahal at patnubay. Kahit nahihirapan akong labanan ang pagkabalisa at nadarama ko na nag-iisa ako kung minsan, alam kong hindi ako nag-iisa kailanman. Nakakatulong sa akin ang pagdarasal at pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Alam ko na palaging nariyan ang Diyos at ginagabayan tayo patungo sa Kanyang liwanag at pagmamahal.”
Cameron K., 12, Nevada, USA