2023
Pagharap sa Depresyon
Pebrero 2023


“Pagharap sa Depresyon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2023.

Magagawa Ko ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ni Cristo

Ibinahagi ng mga kabataan kung paano sila napalakas ni Cristo na gawin ang mahihirap na bagay (tingnan sa Filipos 4:13).

Pagharap sa Depresyon

dalagita

Ilang taon na ang nakararaan, napansin ko na lalo akong nagiging matamlay, walang ganang kumain, at walang hilig sa mga bagay na gustung-gusto ko dati. Sa madaling sabi, malungkot ako. Palagi. Ang pinakamalala sa lahat, pakiramdam ko ay nawalay ako sa Ama sa Langit.

Mali ang palagay ko noon na ang sarili kong pagiging hindi marapat ang dahilan at na kung puwede lang sana akong maging mas matwid, sasaya akong muli. Pero pagkaraan ng isang taon ng pagsisikap na ayusin ang lahat nang mag-isa, pakiramdam ko ay pinabayaan ako. Nasaan ang ipinangakong kapayapaang hinangad ko? May mga pagkakataon na ayaw ko nang mabuhay. Kalaunan, natanto ng mga magulang ko na may nangyayaring mali. Nagpatingin ako sa isang propesyonal at nagsimulang uminom ng gamot, pero walang nagbabago.

Sa Alma 36:18–20, isinaad ni Alma na lumapit siya sa Tagapagligtas sa kanyang kalungkutan. Sabi niya, “O, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!” Nang mabasa ko ang mga salitang ito isang gabi, hindi ko naiwasang mainggit. Maraming beses na akong nagsumamo sa panalangin na paginhawahin ang pakiramdam ko. Lumuluhang tinanong ko ang sarili ko, “Bakit hindi ko natatanggap ang kagalakang natanggap noon ni Nakababatang Alma?”

Dumating ang sagot sa akin nang paunti-unti, sa paisa-isang ideya. Ang isa ay isang larawan: isang ipinintang larawan ng Tagapagligtas sa Getsemani, na nakahandusay sa lupa na lubos ang kalungkutan at halos ganap na nadaig ng kadiliman. Natanto ko nang mas malinaw na alam Niya ang mismong bigat ng pasanin ko, at hindi Niya tutulutang tiisin ko iyon nang mag-isa.

Walang isa mang sandali na kusang naging maayos ang lahat, pero sa tulong ng propesyonal at sa awa ng Panginoon, malaki na ang iniunlad ko. Hindi palaging nawawala ang depresyon. Gayunman, nauunawaan ko na ngayon na ang aking kalungkutan ay mapapalitan ng kagalakan, sa buhay na ito at sa kabilang-buhay.

Anna B., California, USA