2023
Bitcoin, Pizza, at Pagkasumpong sa Walang-Hanggang Kaligayahan
Pebrero 2023


“Bitcoin, Pizza, at Pagkasumpong sa Walang Hanggang Kaligayahan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2023.

Bitcoin, Pizza, at Pagkasumpong sa Walang-Hanggang Kaligayahan

Walang makakahambing kailanman sa inilalaan ng Ama sa Langit para sa atin.

pizza

Mga larawang-guhit ni Amber Day

Para sa marami, may ilang bagay na mas masarap kaysa sa pizza. Depende sa toppings na pipiliin mo, ang pizza ay maaaring maging anuman na gusto mo!

Ang pizza mo ay maaaring maging maanghang (magdagdag lang ng jalapeños o pulang pepper flakes). Matutulungan ka rin nitong kainin ang iyong mga gulay kung sasahugan mo ito ng spinach, sibuyas, mushrooms, o black olives sa ibabaw. Sa napakaraming masasarap na opsiyon—mula pepperoni hanggang pineapple—maaaring maging masarap ang pizza para sa halos lahat.

Pero narito ang isang kawili-wiling tanong: magbabayad ka ba ng $400 milyon (USD) para sa pizza?

Ang Talagang Napakamahal na Pizza

Maraming taon na ang nakararaan, ipinagpalit ng isang lalaki sa Florida, USA, ang 10,000 bitcoin, isang virtual currency, para sa dalawang pizza. Noon, hindi gaanong mahal ang bitcoin. Ang palitan ay katumbas ng mga $40. Makalipas ang ilang taon, tumaas ang halaga ng bitcoin. Ngayon, ang 10,000 bitcoin na iyon ay magkakahalaga na ng halos $400 milyon! Kaya, kung gumamit siya ng 10,000 bitcoins para bumili ng dalawang pizza ngayon, magbabayad siya ng $400 milyon—para sa pizza!

Kung titingnan mo ito sa gayong paraan, ang dalawang pizza na iyon ang pinakamahal na pizza sa lahat. Sana nga masarap ang mga iyon!

Tanawin ang Hinaharap at Hindi Lamang ang Kasalukuyan

Kung alam lang noon ng lalaking iyon ang magiging halaga ng bitcoin, sa palagay mo ba ipagpapalit pa rin niya ang mga iyon sa mga pizza? Ang aral para sa atin ay na hindi natin dapat isuko ang mahalaga para sa isang bagay na maaaring gusto natin ngayon.

Ang plano ng Ama sa Langit para sa atin ay buhay na walang hanggan. Ang kahit ilang bitcoin, pizza (masarap man iyon), o anupamang iba ay hindi maikukumpara sa inilalaan Niya para sa atin. Nangako Siya na lahat ng mayroon Siya ay mapapasaatin kung tayo ay tapat.

Mga Paanyaya sa Walang-Hanggang Kaligayahan

Noong Abril 2020, ipinakita ni Pangulong Russell M. Nelson ang isang bagong simbolo para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw “na magpapakita ng pinakamahalagang lugar ni Jesucristo sa Kanyang Simbahan.” Ang nasa sentro ay “ang nabuhay na mag-uli at buhay na Panginoon na nakaunat ang mga kamay para yakapin ang lahat ng lalapit sa Kanya.”1

Ito ay batay sa marmol na estatwang Christus. Ang orihinal, na nilikha ng Danish sculptor na si Bertil Thorvaldsen, ay nasa isang katedral sa Copenhagen, Denmark. Nakasulat sa ibabaw ng orihinal na Christus ang mga salitang ito: “Ito ang Aking Anak, [na aking] Minamahal; siya ang inyong pakinggan” (Marcos 9:7). At sa ibaba, mababasa ito: “Lumapit kayo sa akin” (Mateo 11:28).2

Ang paanyaya ng Ama sa Langit na pakinggan ang Kanyang Anak at ang paanyaya ni Jesucristo na lumapit sa Kanya ay ang mga paanyaya Nila sa atin na makasumpong ng walang-hanggang kaligayahan.

Pakinggan Siya

Itinuro ni Pangulong Nelson, “Tuwing ipapakilala [ng Diyos] ang Kanyang Bugtong na Anak, … gumagamit Siya ng iilang natatanging salita. … Pakinggan Siya! …

“Alam ng ating Ama na … ang lubos na makatutulong sa atin ay pakinggan ang Kanyang Anak.”

Mapapakinggan mo Siya sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdalo sa templo. Malalaman mo kung paano nangungusap sa iyo ang Espiritu Santo at mapapakinggan ang mga salita ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Sinabi na ni Pangulong Nelson na “sa dalawang salitang iyon—‘Pakinggan Siya’—binibigyan tayo ng Diyos ng huwaran para sa tagumpay, kaligayahan, at kagalakan sa buhay na ito.”3

estatwang Christus

Lumapit Kayo sa Kanya

Anuman ang nais ninyo sa buhay—kabilang na ang kaligayahan—iyon pa rin ang imbitasyon ng Tagapagligtas: “Lumapit kayo sa akin.”

Lumalapit tayo sa Kanya kapag sumasampalataya tayo sa Kanya, nagsisimba, tumatanggap ng sakramento, at minamahal natin ang Diyos at ang ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–39). Itinuro din ni Jesus sa pamamagitan ng halimbawa na dapat tayong manalangin at magpatawad sa iba.

Ang pagtatatag ng inyong buhay sa mga turo ni Jesucristo ay nangangailangan ng pagsisikap at panahon, pero hindi ninyo kailangang gawin iyo nang mag-isa. Si Jesus “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Tutulungan Niya kayo.

At, balang-araw, maaalala ninyo ang buhay na maipagmamalaki ninyo at ng Tagapagligtas. At iyan ang magpapaligaya sa inyo nang higit kaysa anupamang bagay—kahit pizza pa!